Martial Law sa Mindanao | Pula ang Lupang Sinilangan

0
236

“Kahit ilang sako pa ‘yang pera niyo, hindi ko ‘yan tatanggapin.”

Itong matatag na paninindigan ng paglaban sa kanilang lupain ang nagdulot ng pagkakitil sa buhay ni Datu Victor Danyan kasama ang pito pang T’boli at Dulangan Manobo na sina Victor Danyan, Jr., Artemio Dangyan, Pato Celarbo, Samuel Angkoy, Boot Lagase, Mateng Bangalore at si Toto na pare-parehong nasawi sa Lake Sebu Massacre.

Isa sa walong namatay ang asawa ni Nelly Danyan. Tanghali, ika-3 ng Disyembre, 2017 nang maganap ang putukang nakipagsapawan sa bawat pag-iyak ng mga tao sa kanila sa Sitio Datal Bonlangon, Brgy. Ned, Lake Sebu sa South Cotabato.

Ayon kay Nanay Nelly, matapos niyang mabalitaan na naroroon na sa kanilang komunidad ang pwersa ng 27th at 33rd Infantry Battalion ng AFP, agad-agad siyang umuwi sa kanilang bahay upang tipunin ang kanyang mga anak at nagtungo sa taniman nila ng mais. Nalaman na lamang niya na namatay na ang kanyang asawa. Mula nito’y hindi na niya nakita pa ang kanyang asawa.

Ilang oras matapos ang pagpapaulan ng bala sa hanay ng militar, agad na nagbakwit si Nanay Nelly kasama ang iba pang taong apektado sa kanilang komunidad. Ito ay dahil sa takot na isa sa kanila ang madagdag sa bilang ng mga nasawi.

Dahil sa hindi pagpayag na isuko sa kumpanyang David M. Consunji Corp. (DMCI) ang 1,6000 ektaryang lupaing kanilang kinatitirikan, ginamitan ng dahas ang sapilitang pangangamkam dito. Sa tulong ng mga militar at sa pagpapalakas pa lalo ng pwersa sa pamamagitan ng batas militar sa Mindanao, pinatay nila ang mga katutubong dumepensa sa kanilang lupang ninuno.

Para kay Nanay Nelly, wala raw naidulot na maganda ang Batas Militar sa kanila. Nagiging daan lang ito upang patuloy silang dahasin at pagsamantalahan.

Sa ganitong kaganapan na patuloy ang pamamaslang patuloy ring nag-iiba ang kulay ng lupang sinilangan.

The post Martial Law sa Mindanao | Pula ang Lupang Sinilangan appeared first on Manila Today.