Maruming balak sa ‘krisis’ sa tubig

0
269

Umaabot na raw sa P7,000 ang bentahan ng isang tangke ng tubig. Tiba-tiba ang mga nagsasamantala sa nagaganap na “krisis” sa tubig, o kakulangan daw ng suplay ng tubig sa kanlurang bahagi ng Kamaynilaan.

Ibinunyag ang modus na ito ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, sa kanilang piket sa harap ng tanggapan ng Manila Water sa Balara, Quezon City kamakailan.

Bawat araw umanong lumilipas na walang tubig, lalong nagiging desperado ang mga tao. Mayroong higit 52,000 pamilya ang mag-iisang linggo nang walang tubig sa kanlurang bahagi ng Kamaynilaan (sa pagkakasulat ng artikulong ito).

Sa kabila nito, hindi pa rin maayos na inililinaw ng Manila Water ang puno’t dulo ng kaguluhang ito, na sumabay pa sa pagpasok ng matinding tag-init. May ibinabato itong paliwanag, pero lalo lang nagpapalabo sa problema. Samantala, kahit ang pag-aanunsiyo ng kawalan ng tubig, hindi nito maayos na nagagawa.

Di pinaghandaan

Ayon sa Manila Water, “penomenong El Niño” (o pagpasok ng matinding tagtuyot) ang dapat sisihin sa matinding kakulangan ng suplay ng tubig sa kanlurang bahagi ng National Capital Region. Sinundan pa ito ng pahayag ng Philippine Atmospheric Geophysical, and Astronomical Services (Pagasa) na maaari pang tumagal hanggang buong tag-init o bakasyon ang krisis sa tubig. Ang dahilan nila: ang bumababang lebel ng La Mesa Dam.

Sa panahong isinisi na ng lahat sa lumalalang klima sa bansa, nagduda na ang Bayan Muna Party-list sa paulit-ulit na problemang ito na hindi napaghahandaan ng mga kompanya.

“Hindi naman talaga ito biglaang nangyayari. Madali itong matukoy at dapat napaghahandaan ng water concessionaires (tulad ng Manila Water at Maynilad),” sabi ni Zarate, sa panayam sa CNN Philippines.

Binatikos naman ng mga kandidato sa pagkasenador sa ilalim ng “Otso Diretso” ang administrasyong Duterte na di umano handa sa kakulangan ng tubig sa Kamaynilaan. “Nalulungkot ako. Masyado akong nasaktan na di tayo preparado,” sabi ni Samira Gutoc, kandidato sa pagkasenador ng naturang grupo.

Habang abala pa umano ang rehimen sa pagpapatuloy sa madugong giyera kontra droga, mistulang pinatay na naman nito ang mga tao sa hindi paghanda sa krisis sa tubig.

Pero may mga pahayag naman ang Pagasa at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), na lalong nagtatanim ng duda sa isip ng mga tao kaugnay ng mga dahilan ng Manila Water sa krisis.

Samantalang pinagkuku-nan nga ng tubig ng Manila Water ang La Mesa Dam, umaabot sa 96 porsiyento ng pinagkukunan nito at ng Maynilad ay hindi sa La Mesa nagmumula  kundi sa Angat Dam. At ang antas ng tubig sa Angat, samantalang bumaba rin, ay sapat pa rin para maserbisyuhan ang buong Kamaynilaan sa buong panahon ng tag-araw.

“Mataas pa rin ang lebel ng tubig sa Angat (Dam). Naniniwala kaming sapat ang tubig sa Angat para sa buong Metro Manila,” giit ni Reynaldo Velasco, administrador ng MWSS.

Ang La Mesa Dam, ayon sa MWSS, ay reserba lang, kaya hindi nila maintindihan kung bakit pilit itong dinadahilan ng Manila Water.

Ayon naman sa isang opisyal mula sa Pagasa, kung totoo ngang dahil sa matinding tag-init at tagtuyot at kakulangan sa suplay ng tubig, dapat naaapektuhan nito ang iba pang dam bukod sa La Mesa, ngunit hindi naman ito nangyayari.

Panggigipit

Noong Marso 10, naglabas ang Manila Water ng anunsiyo sa Facebook kung kailan mawawala ang tubig sa piling mga lungsod sa Kamaynilaan, bilang tugon sa mababang suplay umano ng tubig.

“Kinakailangan tayo magbawas ng presyur o rotational na water-no water situation para ang ultimate objective kasi natin wala pong lugar na mawawalan ng tubig ng 24 hours,” sabi ni Jeric Sevilla, corporate communications officer ng Manila Water, sa DZMM.

Maraming Facebook users ang galit na galit na sumagot sa anunsiyo ng Manila Water. Ayon sa kanila, halos linggo na ang magdaan simula nang huli silang magkaroon ng suplay ng tubig. Naglipana rin sa balita ang mga litrato ng mga karaniwang Pilipinong hirap sa sitwasyon.

Sa kabila nito, insensitibo pa rin o pabirong nagkokomento ang Malakanyang hinggil sa sitwasyon. Sabi ng tagapagsalita ng Palasyo na si Salvador Panelo, “ang problema yata eh ang tubig eh manggagaling sa langit; walang ulan,’pag walang ulan, papa’no baka mag-antay tayo.”

Ipinagtataka ng Bayan Muna kung bakit ganun na lang kapalpak ang serbisyo ng Manila Water. “Biro ninyo, kakataas lang nila ng singil sa tubig noong Oktubre tapos ganito ang serbisyo nila. Dapat magpaliwanag at maging tapat ang Manila Water sa tunay na rason bakit walang tubig ang kanilang mga kostumer. Huwag nilang sisihin ang El Niño kung sila naman ang may kasalanan,” ani Neri Colmenares, kandidato sa pagkasenador ng Makabayan at tagapangulo ng Bayan Muna.

Nagsumite na ng resolusyon ang Bayan Muna sa Kamara para imbestigahan ang naturang “krisis sa tubig” ng Manila Water.

“Nakakatanggap kami ng mga ulat na ang mga pagkawala ng tubig na ito ay itinutulak ng paghiling (ng Manila Water) na muling itaas ang singil sa tubig o ng pagbibigay-katwiran sa paggawa ng mapanirang mga dam na (muling) magpapalayas sa mga katutubong mamamayan,” sabi ni Zarate.

Para sa dam ng China

Totoo ngang itinutulak ng rehimeng Duterte ang pagtayo ng Kaliwa Dam. Matatandaang noong Nobyembre 2018, bumisita ang pangulo ng China, si Xi Jinping, sa Pilipinas, at isa sa mga nilagdaan niya at ni Duterte ang kontrata para sa pagtatayo ng New Centennial Water Source-Kaliwa Dam sa probinsiya ng Quezon.

Nagkakahalagang P12.2-Bilyon ang proyekto, at popondohan diumano ng China ang 84 porsiyento ng Kaliwa Dam bilang official development assistance o ODA (ibig sabihin, utang) nito sa Pilipinas. Kilala ang China sa pagbibigay ng malulupit na kondisyon sa mga pautang nito sa ibang bansa. Kabilang na kadalasang kapalit ng di pagbayad sa utang ang pagkuha o pag-ilit ng China sa mga rekurso at teritoryo ng bansa.

(Matatandaang ibinunyag din ni Colmenares at ng Bayan Muna noong nakaraang buwan ang kuwestiyonableng proyektong Chico River Pump Irrigation na gagawin din ng China bilang utang, sa ilalim ng programang Build, Build, Build! ng rehimeng Duterte. Kuwestiyonable umano ang mataas na interes, gayundin ang iba pang probisyon sa kontrata, tulad ng probisyon na nagsasabing wala sa saklaw ng batas ng Pilipinas ang proyektong ito at maaari lang kuwestiyunin sa China International Economic and Trade Arbitration Commission kung may di-pagkakaintindihan ang dalawang panig.)

Nagprotesta na ang grupong Sandugo, alyansa ng mga grupo ng pambansang minorya, sa embahada ng China noong Marso 14, na itinuturing na International Day of Action for Rivers and Against Large Dams. Apektado at malamang na mapapalayas ang libu-libong katutubong Dumagat sa Quezon sa pagtatayo ng Kaliwa Dam.

Dahil sa pagsasapribado

Anu’t anuman, sinabi ni Zarate na pinapakita lang ng kapalpakan ng Manila Water na hindi mabuti ang idinudulat ng pagsasapribado ng serbisyong panlipunan (tulad ng serbisyo sa tubig) o pagpasa sa malalaking kapitalista sa pagbibigay ng serbisyo ng tubig. Noong 1997, isinapribado ng gobyerno ang pagseserbisyo ng tubig sa Kamaynilaan. Pumasok ang Manila Water (pag-aari ng mga Ayala) at Maynilad (dating pag-aari ng mga Lopez) sa serbisyo sa tubig na dating trabaho ng gobyerno sa pamamagitan ng MWSS.

Ayon sa Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), lumalabas na nagkaroon ng 984 hanggang 1,546 porsiyentong pagtaas sa presyo ng tubig mula 1997 hanggang ngayon.

Samantala, sa kabila ng malinaw na masamang epekto ng pagturing sa tubig bilang negosyo, mukhang ibinubukas na rin ng rehimeng Duterte ang iba pang pampublikong mga water district sa mga probinsiya labas ng Kamaynilaan para isapribado.

Isa sa pinaka-gumaganansiya sa pagsasapribado ng water districts ang kompanyang Prime Water na pag-aari ng pamilya Villar. Hanggang katapusan ng 2018, agresibo nang ibinenta ng gobyerno sa Prime Water ang water districts sa Lemery, Batangas; San Pedro, Laguna; San Jose del Monte, Bulacan; Batangas City; Rosario, Batangas; Daraga, Albay; at marami pang iba.

Featured image: Larawan ng pila ng mga balde sa Mandaluyong. (Alona Joy Batuigas)