Masahol na ‘tatay’

0
323

Hindi ba’t ang isang ama, bilang magulang, inaasahang nagbibigay ng proteksiyon sa kanyang pamilya?

Noong eleksiyon sa pagkapangulo ng 2016, itinambol ni Rodrigo Duterte ang sarili bilang kampeon at “tatay” ng mahihirap. Nakipag-usap siya at nakipagtulungan sa progresibong kilusang masa, at naglagay pa ng ilan sa susing mga posisyon sa gabinete.

Pero sa loob ng isang taon, unti-unti niyang tinalikuran ang mga ipinangako sa mga mamamayan. Una na niyang isinagawa ang giyera kontra droga, na kalauna’y lumabas na huwad na pagsugpo sa droga kundi pagtarget sa mga maralitang sangkot dito at hindi sa malalaking drug lord. Sa pagtindi ng kritisismo sa kanya, sa giyera kontra droga at insurhensiya, tumindi ang pagwawasiwas ni Duterte ng armadong puwersa ng Estado laban sa mga kritiko at naniningil sa kanya.

Pagpasok ng mga kuwarantina sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa pandemya, tila naging madali ang pagsupil sa kritisismo sa hindi-wasto o sapat na pagsugpo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19). At imbes na solusyong medikal, inuna pa ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law. Target ng batas na ito hindi lang ang tinaguriang mga terorista, kundi pati ang mga rebolusyonaryo at kahit ang mga kritiko ng gobyerno.

Dahil sa opisyal na polisiya ng rehimeng Duterte laban sa mga kritiko nito na inayudahan ng Anti-Terrorism Law, naging mas madali na para sa mga militar at grupong paramilitar na tuntunin ang mga kritiko o kaaway ng estado, at pumaslang. Sa loob ng isang buwan, magkasunod ang ekstrahudisyal na pagpaslang kina Randall Echanis at Zara Alvarez.

Sa mga kanayunan, halimbawa sa Mindanao, umiigting lang ang mga atake sa mga komunidad ng mga Lumad na organisado at nagtatatag ng sariling mga eskuwelahan para sa kanilang kabataan. Matapos ang State of the Nation Address niya noong 2017, pinagbantaan na ni Duterte na “bombahin ang mga paaralang Lumad.” Magmula noon, nagpatuloy at umigting ang mga atake. Si Duterte na dating nangakong poprotektahan ang mga Lumad at karapatan nila, nanguna na sa pag-atake sa kanila.

Nitong Agosto 26 lang, sinabi ng Save Our Schools Network ang natanggap nilang ulat mula sa dalawang guro ng Mindanao Interfaith Services Foundation, Inc. (Misfi) Academy ang pagsira sa isang paaralang Lumad sa Barangay Matupe sa San Fernando, Bukidnon. Saksi ang mga guro sa ginawa ng 50 miyembro ng paramilitar na Bagani sa paaralan.

Sa ulat ng SOS Network, may 178 na paaralan ang puwersahang ipinasara o sinira ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Apektado nito ang 5,000 kabataang Lumad sa kanilang pag-aaral.

Bago ang atake sa Misfi, ang katutubong lider ng mga Lumad- Manobo sa Brgy Mahongkog, Magpet, North Cotabato na siay pinaslang ng di-nakilalang mga katao. Ginilitan ang kanyang leeg at tinuklap ang kanyang mga mata gamit ang machete. Matagal nang tagapagtanggol ng kultura ng mga Lumad at ng kanilang lupaing ninuno sa harap ng ilegal na pagtotroso si Bae Milda.

Grabeng kalupitan ang naranasan nina Bae Milda, at iba pang biktima ng militarismo at panunupil ni Duterte. Kung “ama” pa ang turing sa kanya ng mga tagasuporta ng Pangulo, si Duterte na siguro ang pinakamasahol at malupit na tatay. Hindi siya karapatdapat na maging magulang ng mga mamamayang Pilipino.