Mass media sa administrasyong Duterte

0
232

Halos isang linggo na ang nakaraan mula nang matapos ang ikalimang SONA ni Pangulong Duterte ngunit hanggang ngayon, ay usap-usapan pa rin sa social media, sa dyaryo, radio, at TV ang mga nangyari dito.

Ang 2020 SONA niyang ito ay isa sa mga pinakamahaba nyang talumpati kompara sa dati niyang nagawa.

Sa loob ng SONAng ito ay binanggit ng Pangulo ang 21 priority bills na gusto niyang tapusin ng Kongreso sa nalalabing 2 taon ng kanyang panunungkulan pati na ang pagbabalik sa parusang kamatayan.

Binanggit din niya ang tungkol sa Covid 19 pandamic at ang ginawa niyang pakikipag-usap sa pangulo ng Tsina upang bigyan ng prayoridad ang Pilipinas kung sakaling makadiskubre na ng bakuna ang Tsina laban sa sakit na ito.

Ngunit ang unang limang minuto ng talumpati ni Duterte ay tungkol sa kanyang kritisismo kay Sen. Franklin Drilon, sa ABS-CBN at sa mga Lopez na may-ari nito.

Binanatan niya si Sen. Drilon dahil di-umano sa pagkampi nito sa mga Lopez dahil sinabi ng Senador na kahit mayaman ang mga Lopez ay hindi ito dapat tawagin na oligarkiya.

Nasabi ito ng Senador matapos tanggihan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang hinihingi na prankisa ng ABS-CBN upang makapagpatuloy sa kanilang operasyon.

Ayon kay Duterte, ang mass media raw ay isang makapangyarihang kasangkapan sa kamay ng mga oligarkiya, tulad ng mga Lopez.

Ito daw ay ginagamit nila sa politika katulad noong eleksyon ng 2016 kung saan siya ay kinalaban ng mga ito .

Kaya, lumalabas na mali ang ginawa ni Sen. Drilon sa bagay na ito.

Ngunit mas mali yata ang Pangulo tungkol dito, ayon sa kampo ni Vice-President Leni Robredo.

Nais umano ni Robredo na marinig sa SONA ang kompletong ulat ng Pangulo tungkol sa Covid-19 pandemic at kung paano ito bibigyan ng solusyon, kasama na ang plano ng administrasyon para pagalingin ang bumabagsak nating ekonomiya dahil dito .

Ngunit hindi niya narinig sa talumpati ng Pangulo ang mga bagay na ito.

Ganun din ang naging reaksyon ng batikang broadcast journalist na si Karen Davila.

Ang SONA ng Pangulo ay hindi dapat gamitin sa personal na paghihiganti, sabi ni Karen Davila.

Walang senador o pribadong kompanya ang dapat banggitin sa simula pa lang ng SONA. Ang mga mamamayan ay nagugutom at walang trabaho. Kailangan nila ang inspirasyon, dagdag pa ni Karen.

Ayon naman sa mga kritiko, ang hindi pagbibigay ng prankisa sa ABS- CBN ay bahagi ng patuloy na atake ng administrasyon sa karapatan sa malayang pamamahayag.

Ang pagsasara ng ABS-CBN ay ang pagkawala ng balita sa mga 75 milyong Pilipino na umaasa lamang sa Kapamilya network sa bagay na ito, lalo na ngayon at panahon ng pandemya.

Ito ay nangangahulugan din ng pagkawala ng trabaho sa mahigit kumulang 11,000 regular at kontraktwal na manggagawa na nagtatrabaho sa ABS-CBN.

Ayon sa datos, umabot na sa sa 8.9 milyon ang mga walang trabaho sa ating bansa nitong Abril 2020, pinakamataas na bilang mula 2005.

Nakapagbayad ang ABS-CBN ng P70.5-Bilyong buwis sa gobyerno mula 2003 hanggang 2019. Sa panahong ito na may hinaharap tayong krisis, malaking kawalan sa ekonomiya ang bagay na ito.

Pati ang inyong lingkod ay naapektuhan din dahil kulang-kulang 20 taon kong naging kliyente ang ABS-CBN Supervisors’ Union.

Kahit noong ako’y nakulong sa Mindoro dahil sa gawa-gawang kaso noong panahon ng administrasyong Arroyo, ang mga opisyal ng ABS-CBN Supervisors’ Union ay kasama sa mga nagsumikap na puntahan ako sa napakalayong kulungan na ito.

Pero dahil sa galit sa ABS-CBN ni Duterte, kasama na ang pakikipagsabwatan ng National Telecommunication Commission (NTC) at mga kaalyado niya sa House of Representatives, ay nawalan ng prangkisa at tuluyang naipasara ang ABS-CBN.

Ngunit hindi lamang ito, mga kasama.

Pati ang Pinoy Weekly ay nakaranas din ng panunupil mula sa pamahalaang Duterte.

Maala-ala na noong umaga ng Hulyo 26, 2020, ay kinumpiska ng mga pulis- Bulacan ang mga kopya ng Pinoy Weekly kahit wala silang search warrant sa opisina ng Kadamay sa Villa Lois Public Housing sa Pandi, Bulacan.

Ayon umano sa kapitan ng pulis na nanguna sa nasabing operasyon, ang Pinoy Weekly ay nagtuturo sa mga tao na labanan ang pamahalaan kung kaya’t ito ay iligal.

Ngunit nakapagtataka dahil sa tinagal- tagal na operasyon ng Pinoy Weekly, bilang isang non-profit media organization na aprubado ng Securities and Exchange Commission (SEC) simula pa noong 2000 ay wala pa ni isang kasong naisampa laban dito ang pamahalaan.

Sa katunayan, naging finalists pa ang mga manunulat ng Pinoy Weekly sa Jaime Ongpin Awards for Excellence in Journalism. Ang mismong dyaryo ay nakatanggap din ng pagkilala sa Center for Media Freedom and Responsibility.

Maliwanag na ang mga gawaing ito ng administrasyon ay paglabag sa batayang karapatan sa pananalita at pamamahayag ng taong- bayan.

Sa Seksyon 4, Artikulo 3 ng 1987 Saligang Batas ng Pilipinas ay ito ang sinasabi:

“Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.”

Sa kaso ng Chaves vs. Gonzales, G.R. No. 168338 na dinisisyunan ng Korte Suprema noong Pebrero 15, 2008, ay sinabi ng Mataas na Hukuman na ang karapatan sa pamamahayag ay kailangang malawak upang maging kasali ang pagsusulat ng mga paniniwalaang hindi pinaniwalaan ng karamihan.

Ibig sabihin, ang karapatan sa pamamahayag ay nangangailangan ng buo at ganap na talakayan sa pampublikong kapakanan.

Kailangan ito sa isang demokrasya kung saan maaaring magpalitan ng palagay ang bawat sektor ng lipunan na walang takot o pangamba na sila ay babalikan sa kanilang sinabi.

Ang pagtanggal sa karapatang ito ay magdudulot ng diktadura o awtoritaryanismo.

Ang karapatang ito ay nililimitahan lamang ng “clear and present danger rule” kung saan maaring ipagbawal lamang ang susulatin kung ang epekto nito ay sukdulang napakalala at agarang napipinto laban sa kabutihan ng lipunan.

Malinaw na ang karapatan sa malayang pamamahayag ay pinapatay ng administrasyong Duterte.

Huwag nating pabayaan ito, mga kasama.