Matamis na saging, mapait na kalagayan

0
253

Kamakailan lamang ay nagsimulang itayo ang kampuhan ng mga manggagawa ng Sumifru sa Mendiola sa Maynila upang itambol ang kanilang panawagan sa pagwawakas ng kontraktwalisasyon at pagbabasura ng Martial Law sa Mindanao.

Tinatayang 19 million kada araw ang kinikita ng Sumifru sa plantasyon nila sa Compostela Valley pa lamang sa pag-aangkat ng saging na tinanim sa lupain ng bansa ng mga manggagawang Pilipino. Ito ay isang kumpanyang multi-nasyunal na matatagpuan sa Southern Mindanano Region.

Ikinasa ng mga manggagawa ang kanilang welga para harapin sila ng management ng kumpanya sa kagustuhang mapataas ang hindi nakabubuhay na sahod na tinatanggap nila. Umaabot lamang ito ng P360 kada araw.

Patunay dito ang kwento ng isang 33 taong gulang na si Julietta Alcos na apat na taon nang nagtatrabaho sa Sumifru Corporation.

Ani Julietta, nagsimulang matigil ang kanilang pagtatrabaho noong Oktubre 1 dahil sa hindi makataong kundisyon nila sa loob ng pagawaan. Bukod dito ay nakararanas din sila ng karahasan mula sa mga militar. Kakuntsaba pa umano ang lokal na pamahalaan pati na rin ang mismong mayor ng kanilang lugar.

Trabaho ni Julietta ang pagpili ng saging kung ito ba ay reject o hindi.

Aniya “Mahirap ang sitwasyon kasi wala kaming trabaho ngayon, kapag pumapasok kami 365 pesos ang kada 8 oras namin. At kapag mag oovertime naman, dagdag ng 56 pesos. Hindi pa sigurado ‘yun kung makakapasok kaming lahat. Saka wala ring refund yung mga pamasahe namin.”

Sa libu-libong mga trabahador ng plantasyong ito ay halos lahat dito ay kontraktwal. Mayroon pang mga manggagawang deka-dekada nang nagtatrabaho sa kumpanya ngunit nanananitiling kontraktwal at walang mga  benepisyong nakukuha.

Ani Julietta, depende sa panahon ng saging ang kanilang pasok sa plantasyon.

May mgapagkakataon pang nadidisgrasya sila mismo sa loob ng pagawaan, ngunit walang kahit anong gamot o tulong pinansyal ang ibinibigay sa kanila.

Mula nang magsimula silang magwelga ay ni hindi man lamang humarap sa kanila ang management ng plantasyon ng Sumifru upang makipag negosasyon.

“Mahirap kasi nung nag-umpisa kami magwelga ay iniwan na namin ang pamilya doon kasi nagsama-sama na kaming mga trabahante.  Yung asawa ko naman ay trabahador din sa Sumifru, suporta lang din siya sa welga hanggang sa makamit namin ang pangarap na maregular at magkaroon ng mga benepisyo.” ani Julietta.

Gaano man katamis ang mga saging na kanilang sinisipat tuwing oras ng kanilang trabaho, kitang kita naman kung gaano kapait ang kanilang kondisyon sa loob ng plantasyon.

The post Matamis na saging, mapait na kalagayan appeared first on Manila Today.