Medikal, hindi militar

0
410

Mukhang napikon siya. Iba’t ibang grupo sa sektor pangkalusugan, halos lahat ng mga grupo — 40 na asosyasyong medikal — nagsalita na. Nagrereklamo sa pagdagsa ng mga pasyente ng coronavirus disease-2019 (Covid-19) nitong nakaraang mga linggo’t buwan. Nagsagawa sila ng press conference noong Agosto 1. Kinabukasan, si Pangulong Duterte, nag-presscon na rin, mukhang napikon.

Noong una, inihayag niya ang pag-intindi sa sitwasyon daw ng medical frontliners, na sinasabing “last line of defense” o huling hanay ng depensa laban sa Covid-19. Pero sa kalagitnaan hanggang dulo ng talumpati, tila ipinakita na ni Duterte ang galit at pikon niya sa mga nagrereklamong manggagawang pangkalusugan.

“Now the doctors, well you can work with us, work with the people, your people or you can just…(“Ngayon, ang mga doktor, puwede kayong makipagtulungan sa amin, makipagtulungan sa mga tao, o kayo o mga tauhan niyo’y….”),” di natapos na saad ni Duterte. “Pero if you are not also working tapos katatapos mo lang mag-ano, magdaldal ka, nako nagpapabilib ka na. Huwag ninyo kaming pabilibin. “

Hindi siya nangakong mabibigay ang hiling na karagdagang mga doktor at medikal na mga propesyunal, gayundin ang dagdag benepisyo sa kanilang nagtatrabaho na ngayon. Ayon kay Duterte, kapag napasa na raw ang Bayanihan II — ikalawang bersiyon ng naunang batas na nagbibigay-kapangyarihan sa kanyang galawin ang anumang pondo ng gobyerno para sa pagtugon sa pandemya — saka niya mabibigay ito.

“Remember, Filipinos na the time of giving the assistance or the stipend or the — your allowance is no longer there. We cannot give you that anymore. Tapos na ‘yon (“Tandaan, mga Pilipino, na tapos na ang panahon ng pamimigay ng ayuda. Ang mga alawans niniya, wala na iyun. Hindi na namin mabibigay iyun sa inyo”),” sabi pa ng Presidente. “Kaya ito, sabi man ng iba, ‘Paano ba itong gobyerno? Hindi man nila ma-solve.’”

Paulit-ulit pa niyang sinabi: tila nananawagan daw ng rebolusyon ang mga grupong medikal. Ipanawagan pa raw nila iyun, at matutulak siyang magsagawa ng “kontra-rebolusyon”.

Umayon siya — tila napilitan, dahil sa presyur ng mga grupong medikal — sa pagbabalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Kamaynilaan, Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal.

NANAWAGAN ng hustisya para sa mga nasawi nilang kasamahan dahil sa pandemya ang mga manggagawang pangkalusugan at mga miyembro ng Alliance of Health Workers, sa Jose Reyes Memorial Medical Center. AHW

Kaligtasan ng manggagawa

Kinabukasan, inilinaw agad ng Philippine College of Physicians (PCP), ang organisasyong pangunahing nagpatawag ng presscon noong Agosto 1, na hindi naman daw sila nananawagan ng rebolusyon.

Malinaw sa press conference ang kagyat nilang hiling: #timeout, o dalawang linggong kuwarantina muna para mabawasan ang pagdagsa ng mga pasyente sa kanilang mga ospital. Pero hindi lang iyun ang ipinanawagan nila.

Habang mayroong “time-out,” nanawagan din ang mga grupong medikal ng lalong paglawak pa ng reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) na Covid-19 testing — at hindi lang ang tinatawag na “rapid tests” o pagtest sa antibodies ng tao. Sinasabi na nga ng World Health Organization (WHO) na hindi rekomendado ang rapid testing dahil mababa ang accuracy rate o madalas ito na nagkakamali.

“We are reporting clustering of Covid infections in different industries in Region 4A. And we were privy to some information, because we are working with some industries in that region. Imposing the use of rapid diagnostic tests for one time testing, is not the solution, it’s not the answer (“Nag-uulat kami ng pagkumpul-kumpol ng pagkawaha sa Covid sa iba’t ibang industriya sa Region 4A. At may nalalaman kaming imporasyon hinggil dito, dahil katrabaho namin ang ilang industriya sa rehiyong ito. Ang pagpataw ng paggamit ng rapid diagnostic tests para sa isahang testing ay hindi solusyon, hindi sagot”),” sabi ni Dr. Aileen Espina sa Philippine Society of Public Health Physicians, sa naturang presscon.

Anila, marami sa mga sumisiklab na outbreak o mabilisang pagkalat ng Covid-19 ay sa mga empresa o lugar-trabaho ng mga manggagawa. Kabilang marahil dito ang mga special economic zones. Nanawagan din sila ng pagseguro sa kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawang pumapasok sa trabaho.

“Workplace safety is assured in some, in very few, high income settings. But there is a clear failure in most businesses. Especially for people with lower income who cannot work from home (“Naseseguro ang kaligtasan sa lugar-trabaho sa iilan, kakaunting lugar na may mataas na kita. Pero malinaw na di ito nagagawa sa karamihang negosyo. Lalo na sa mga taong may mababang sahod at hindi makapagtrabaho sa bahay”),” sabi naman ni Dr. Antonio Dans ng PCP at Philippine General Hospital.

Nanawagan din ang mga grupong medikal ng pagsasaayos at pagsisistematisa sa contact-tracing at paghihiwalay o isolation sa mga nagpositibo sa Covid-19. Pero sa talumpati ni Duterte, walang malinaw na pagtugon dito.

Frontline health worker sa protesta sa SONA. Neil Ambion

Dapat magbitiw

Pero inilinaw ng iba pang mga grupong medikal: hindi lang basta kuwarantina ang kagyat na kailangan. Kailanga’y isang “medikal na kuwarantina.” Hindi kailangan ng isang marahas at mapanupil na pagpipigil ng pagkilos ng mga tao, kundi pagkuwarantina na kaakibat ay medikal na pagtugon katulad nga ng sinasabing malawakang testing, contact-tracing at isolation.

“Naghahasik lang ng takot sa mga mamamayan at nagbibigay-daan sa mga paglabag ng karapatang pantao ang militaristang tugon sa halip na medikal na tugon sa pandemya — habang kakaunti, kung mayroon man, ang ginagawa para mapigilan ang pagdami ng mga kaso at pagkalat ng sakit,” sabi ng Coalition for People’s Right to Health (CPRH).

Kailangan, ayon sa isang pahayag ng maraming manggagawang pangkalusugan na pinalagdaan ng Second Opinion (isang Facebook page na hinggil sa “independiyenteng boses sa pandemya at sa kalagayang pangkalusugan sa bansa”), ng isang kuwarantina na pamumunuan ng mga manggagawang pangkalusugan at hindi ng mga opisyal ng militar, kahit retirado na — tulad ng mga namumuno sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Gayundin ang sinasabi ng Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (CURE Covid), network ng mga mamamayang nagtutulak ng makatao, komprehensibo at siyentipikong tugon sa pandemya.

Kabilang sa ipinapanawagan ng CPRH, Second Opinion at CURE Covid ang agarang pagtanggal sa puwesto kay Health Sec. Francisco Duque, gayundin ang mga “tsar” na heneral sa IATF. Nanawagan din sila ng agresibong pagrerekluta ng karagdagang health workers (10,000 doktor at 20,000 nars), karagdagang pinansiya sa kalusugan (inisyal na P90-B), kabilang ang kagamitan at imprastraktura, pagsasaayos ng pag-ulat ng datos kaugnay ng Covid-19.

Ayon sa mga tagapagsalita ng CURE Covid na sina dating Department of Social Welfare and Development Sec. Judy Taguiwalo at Dr. Julie Caguiat, bagamat kinikilala nila ang panawagan para sa “time out”, malinaw umanong hindi sapat ang pagbabalik ng MECQ nang hindi tinutugunan ang mga panawagan ng medical frontliners na repasuhin ang militaristang tugon sa pandemya.

Napilitan na ngang tumugon, kulang na kulang pa ito, ayon sa iba’t ibang sektor. Para kay dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao, hindi raw katanggap-tanggap ang pahayag ng Presidente na wala nang pera para sa ayuda. “Saan napunta ang bilyun-bilyong pondo ng Bayanihan (Act) at ang mga inutang ng gobyerno?” aniya. “Hindi pa talaga nakakabawi ang masa sa ilang buwang ECQ at lockdown, panibagong lockdown na walang ayuda na naman.”

“Nairita si Duterte sa panawagang ‘timeout’ ng komunidad pangkalusugan. Hindi tayo karapat-dapat sa ganitong pamunuan, Kailangan na rin natin ng ‘timeout’ sa pahirap ni Duterte,” sabi naman ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Kinikilala naman ng mga doktor na kailangan ng ayuda ang mga maralitang mapapasailalim muli sa lockdown. Ani Dr. Lei Camiling-Alfonso ng Philippine Society of Public Health Physicians, sa presscon noong Agosto 1: “We urge, that while the community, while the people, are doing their part, we urge the other agencies of the government to work together (“Hinihiling namin na, habang ang mga komunidad, ang mga tao, ginagawa ang bahagi nila, magkaisa na magtrabaho naman ang iba pang ahensiya ng gobyerno”),” aniya.

“(Ito’y para) ‘yun pong mga maaapektuhan ng quarantine na ito, lalo na ho ‘yung mga wala talagang magawa, ay magiging protektado. Let’s help them, so that they can comply. (“Tulungan natin sila, para makasunod sila”),” sabi pa niya.

Kung walang ayuda, walang tulong sa mga mawawalan mula ng trabaho kahit dalawang linggo lang, matutulak pa rin ang marami na maghanap ng kabuhayan.

May ulat ni Darius Galang