Pormal na nagsampa ng kaso sa Joint Monitoring Commitee noong Agosto 7 ang mga residente na dating nakatira sa East Bank, Brgy. Sta. Lucia, Floodway laban sa lokal na pamahalaan ng Pasig.
Katuwang ang Bayan Metro Manila at Karapatan Metro Manila, itinala ng mga dating residente sa Joint Monitoring Commitee ang paglabag ng mga karapatang pantao ng Government of the Republic of the Philippines (GRP), dahil sa sinapit nilang karahasan sa kamay ng lokal na gobyerno ng Pasig at mga armadong puwersa noong magkasunod na dispersal at demolisyon sa Floodway noong Agosto at Oktubre 2017.
Itinaon din na magsampa ng kaso sa GRP dahil anibersaryo rin ito ng CAHRIHL o The Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, isang kasunduan sa pagitan ng GRP at National Democratic Front of the Philippines na nilagdaan noong 1998.
Sa kasunduang ito, dapat irespeto ng dalawang partido/gobyerno ang internasyuanal na batas sa pagitan ng kanilang mga pwersa at proteksyunan ang mga sibilyan lalo na sa panahon ng engkwentro ng mga pwersa. Nasasaad din dito na dapat kilalanin at imbestigahan ng bawat isa ang mga paglabag sa karapatang pantao habang may nagaganap na digmaan sa pagitan ng GRP at NDFP.
Isang lugar na sana ang usapang pangkapayaan upang mapag-usapan at mapaalalahanan ulit ang bawat isa kaugnay sa CARHRIHL ngunit hindi na naman ito natuloy dahil sa huling banggit ng gobyerno ay irerebyu muna ulit nila ang mga dokumento at balangkas sa minimum ng 3 buwan bago ulit mapag usapan ang itatakdang petsa ng Usapang Pangkapayaan.
Mag – iisang taon na mula nang naganap ang demolisyon sa Westbank Floodway. Kung babalikan ulit ang pangyayaring iyon, winasak ng mga armadong puwersa at demolition team ang mga kabahayan ng mahigit-kumulang libong pamilya na nakatira sa kabila ng paglaban at panawagan ng mga residente na sila ay mananatili sa kanilang lugar.
Hinaras at tinakot ang mga lider at iligal na hinuli ang 44 na residente; 10 dito ay mga menor de edad.
Demolisyon sa Floodway, Pasig noong Oktubre 2017. Mga kuha ni Mel Matthew.
Dinaing ito ng mga residente sa lokal na gobyerno ng Pasig ngunit tikom ang bibig ni Mayor Eusebio sa nangyari.
Sa kasalukuyan, may mga taong tinanggap ang relokasyon na inalok ng gobyerno sa Tanay ngunit hirap sila sa kanilang sitwasyon doon dahil walang kabuhayan. Karamihan ay hindi pa rin nakakatanggap ng P20,000 na financial assistance at ang iba naman ay nangungupahan at nakikitira sa kanilang kamag-anak sa Pasig at Cainta sa Rizal.
The post Mga biktima Floodway demolition, nagsampa ng kaso sa gobyerno sa Joint Monitoring Committee appeared first on Manila Today.