Mga bilanggong pulitikal, umapela sa Korte Suprema

0
305

“Nag-aalala na po kami.”

Ito ang bitaw ng mga kaanak ng mga bilanggong pulitikal sa pagkaantala ng desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng petisyon nila na palayaanin na ang mga bilanggong pulitikal na bulnerable sa pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19).

Nanawagan ang grupo ng mga kaanak at tagasuporta ng mga bilanggong pulitikal na Kapatid ng “mapagmalasakit na interbensiyon” kay Chief Justice Diosdado Peralta tatlong buwan matapos isumite ang petisyon.

Sa mga ulat sa midya, sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City, di-bababa sa 80 bilanggo ang namatay mula Mayo 1 hanggang 19. Nababahala umano ang Kapatid dito dahil mabilis na nilampasan nito ang average mortality rate o tantos ng mga nasasawi sa naturang pasilidad na 50 hanggang 60 katao kada buwan. Samantala, daan-daang bilanggo at mga istap ng mga bilangguan ang naiulat na nagkasakit ng Covid-19 sa buong bansa.

Ang mga bilanggong pulitikal ay ordinaryong mga mamamayang inaresto at kinulong ng Estado dahil sa kanilang pampulitikang paninindigan at pagkilos. Marami sa kanila ay nanindigan para sa karapatang pantao ng mga mamamayan, at sinampaan ng gawa-gawang mga kaso.

Apela sa puso

Si Fides Lim (pangatlo mula kaliwa), kasama ang mga miyembro at si Atty. Krissy Conti (dulo) ng National Union Of People’s Lawyers

Nagsulat ang Kapatid, sa pangunguna ng tagapagsalita nito na si Fides Lim, na Kataas-taasang Hukuman sa pangalawang pagkakataon noong nakaraang linggo.

Ang unang batch ng mga sulat ay isinumite sa Korte walong araw bago sinumite ang petisyon noong Abril 8. Ang huling pahayag ng Korte sa petisyon ay bigyan ang opisina ng Solicitor General ng pagkakataon na magkomento sa petisyon.

Si Lim ang asawa ng konsultant pangkapayapaan na si Vicente Ladlad. Hindi niya umano nakikita ang kanyang asawa mula nang magkaroon ng lockdown sa mga kulungan noong Marso 11.

“Araw-araw ay napupuno ng pangamba, dahil 71 anyos na siya at may mahinang kalusugan,” sabi ni Lim.

Si Reina Mae “Ina” Nacino kasama ang kanyang bagong silang na anak sa Fabella Hospital

Napakahirap umano ng mahabang paghihintay. Noong Hulyo 1, isa sa 22 petisyuner, ang bilanggong pulitikal na si Reina Mae Nasino, ay nanganak na sa kulungan. “Underweight at jaundiced ang baby, pero sikretong binalik ng mga awtoridad ng kulungan ang nanay at kanyang sanggol sa masikip na Manila City Jail,” sabi pa ni Lim.

Sinabi pa niyang napakalaking inhustisya ang pagkukulong pati sa kanyang sanggol sa panahon pa ng pandemya. “Pero ito mismo ang sitwasyon na nagbibigay-larawan sa aming tunguhin at pagka-napapanahon ng petisyon. Walang ibang pagpipilian sa loob ng kulungan. Maliban sa mabuhay araw-araw. Kailangan ng interbensiyong hudisyal. Lalo na para sa mga mababa ang tsansa na mabuhay laban sa mamamatay-taong virus na bumibiktima sa matatanda at maysakit,” paliwanag pa niya.

Nananawagan ang ina ni Reina Mae na si Marites Asis na agarang positibong tugunan ng Korte Suprema ang petisyon at bigyan ng kahit pansamantalang kalayaan o hayaang magpiyansa ang kanyang 23-anyos na anak.

“Nakakaawa po ang kanilang kalagayan sa loob ng City Jail dahil pa rin sa lumalaganap na virus sa ating bansa, at hindi lingid sa inyong kaalaman na maaari silang mag-ina ay mahawa. At ako po ay nangangamba at natatakot para sa aking mag-ina. Ang aking anak ay nagpapasuso sa kanyang anak bilang proteksyon niya,” sabi pa ni Asis.

‘Tao rin kami’

Nanawagan din ang anak ng 57-anyos na unyonistang si Ireneo Atadero na si Aprille Joy sa “puso at konsiderasyon” ng korte para sa mga matatanda, maysakit at bulnerableng bilanggo tulad ng kanyang ama.

“Nag-aalala kami sa kondisyon ng kalusugan niya lalo na patuloy na lumalaganap ang virus na ito at hindi natin alam kung kailan matatapos ang pandemyang ito. Ilang buwan na mula nang huli naming nakita siya. Nakakadurog ng puso na hindi namin kasama ang tatay namin sa panahong ito ng pandemya,” sinulat ni Aprille Joy.

“Labis po ang dinanas kong pag-aalala na nakakaepekto na sa aking kalusugan. Patuloy po ang pagdami ng nagkakasakit ng Covid-19 sa mga kulungan ng BJMP (Bureau of Jail Management and Penology) na nagpapatindi ng aming pag-aalala na magkasakit din siya,” sabi naman ni Evelyn Legaspi, asawa ng 62-anyos na bilanggong pulitikal na si Edisel Legaspi.

Para naman kay Jeanette Birondo-Goddard, kapatid ng 69-anyos na si Alexander Birondo na nakakulong kasama ang asawang si Winona Birondo, sapat na dapat na matulak ang korte na kumilos pabor sa petisyon ng nakatatakot na epekto ng pandemya.

“Simpleng makatwiran at makatao ang pagpapayag na palayain ang mga matatanda at maysakit, at isang nagpapasusong ina. Tao rin po kami,” pagtatapos ni Lim.