Mga grupong Lumad, Moro, at ibang sektor, nananawagan ng pagtigil ng martial law sa Mindanao

0
240

Sa pangunguna ng mga grupong Lumad na nagmula pa sa Mindanao, nagsagawa ng kilos-protesta ang iba’t ibang progresibong sektor sa Mendiola, Maynila, upang gunitain ang unang anibersaryo ng pagdeklara ng Martial Law sa Mindanao.

Ayon sa Barug Katungod Mindanao, lalong dumami ang mga kaso ng paglabag ng karapatang pantao sa buong isla. Simula nang umupo sa Malacañang si Duterte ay halos 37 na kaso ng pagpaslang sa mga Lumad ang naitala. Isa sa mga nabigyang-diin na pagpatay ay ang pagkakapaslang kay Datu Victor Danyan at pito pang kabilang sa mga tribo ng T’boli-Dulangan at Manobo sa Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato noong Disyembre 3, 2017.

Mga larawan nina Noreen Cataag at Maria Mercedes Mendez

Bukod sa mga pagpatay, 234 ang bilanggong pulitikal sa Mindanao; 404 ang mayroong gawa-gawang kaso sa hanay ng mga lider-magsasaka, katutubo, human rights workers, at environmental activists; at 462 kaso ng ‘red-tagging’ ng mga Moro.

Dumami rin ang mga kaso ng ‘fake surrenderees’ na kung saan inaakusahan ang mga lumad na rebelde at sapilitang pinapasuko at kung hindi susunod ay binabantaang papatayin.

Ayon sa Barug Katungod Mindanao, ang martial law ay “diversion” lamang upang makamkam ang mga lupain ng mga Moro at Lumad upang maibenta sa mga kapitalista at gawing base-militar.

Nanawagan rin ang mga grupo sa pagkamit ng hustisya at reparasyon para sa mga biktima ng Marawi crisis noong nakaraang taon. Makalipas ang tuloy-tuloy na pamomomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Marawi City ay siya rin namang pagkawasak ng nasabing siyudad. Tuloy-tuloy din ang paghihirap ng mga Meranao, pagkawasak ng kanilang mga tahanan, pagkawala ng kanilang mga hanapbuhay at bahay-dalanginan.

Isa sa mga puntong iginigiit ng mga Meranao ay noong Oktubre 2017, idineklara na ng gobyerno na malaya na ang Marawi sa kamay ng mga terorista subalit patuloy pa rin ang pagdating ng mga sundalo sa loob at labas ng siyudad. Ayon sa Tindeg Ranao, hanggang sa ngayon ay ni isang bakwit ay hindi pa rin nakababalik sa lungsod at nananatili pa rin sa mga evacuation centers, tents at temporary shelters. Aabot a 400,000 Meranao ang nagbakwit simula noong 400,00. Kinukendena ng grupo ang panggigipit ng militar sa pamamagitan ng pagharang sa mga relief goods.

Nagkaroon din ng programa ang AFP na tinatawag na Kambisita na kung saan ay pinahihintulutang bumalik sa kanilang mga kabahayan ang pitong myembro ng bawat pamilya upang isalba ang anumang gamit ang mayroon pang pakinabang. Para sa Tindeg Ranao, isang panandaliang solusyon ito ng gobyerno sa halip ng pagbubuo ng programang rehabilitasyon at pagpapanumbalik ng mga Meranao sa kanilang lupang ninuno.

Nagpahayag rin ng pagtutol ang grupo sa planong tulong ng Asian Development Bank (ADB) at Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa rehabilitasyon ng Marawi na sa tingin nila ay magiging balakid sa pagbabalik ng mga bakwit sa lupang dating kinatatayuan ng kanilang mga bahay.

“Malinaw na walang maasahan ang mga Meranao mula sa gobyerno kaya’t nararapat na magakaisa tayo para ipanawagan ang pagbabalik natin sa ating mga tahanan – ang pagbabalik natin sa ating lupa sa Marawi City. Ipanawagan natin hustisya para sa nangyari sa Marawi City at sa mga Meranao,” sabi ni Abdul Jalil Datuan ng Tindeg Ranao.

 

The post Mga grupong Lumad, Moro, at ibang sektor, nananawagan ng pagtigil ng martial law sa Mindanao appeared first on Manila Today.