Mga larawan | Makabuluhang dagdag-sahod, pagbasura sa ‘endo’ muling siningil sa ‘Dutertemonyo’

0
347

Humigit-kumulang 20,000 manggagawa, maralita at iba pang sektor ang nagmartsa mula sa Welcome Rotunda patungong Mendiola Bridge, malapit sa Malakanyang, noong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa, para muling yanigin ang rehimeng Duterte. Ang pangunahing panawagan nila: P750 pambansang minimum na sahod, pagbasura sa kontraktuwalisasyon, at pagtigil sa panunupil at panghaharas ng rehimen sa mga unyonista at aktibista.

Ang sentro ng protesta: effigy ni Pangulong Duterte bilang “Dutertemonyo“, o “demonyong” pangunahin umanong tagalabag sa karapatan ng mga manggagawa.

Naging tampok din sa kilos-protesta ang pagpapatuloy ng makasaysayang pagkakaisa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa iba pang malalaking grupo ng mga manggagawa. Sa umaga, sa Mendiola, nagsagawa ng press conference ang koalisyong Nagkaisa, kasama ang KMU, ang mga kandidato sa tinaguriang LaborWin, at mga kinatawan ng simbahang Katoliko. Muli nilang inihayag ang abang kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ni Duterte: ang pagkakaroon nila ng mababang sahod, kontraktuwal na trabaho at ang pagbabanta sa kanila tuwing iginigiit nila ang kanilang mga karapatan.

Matapos ang programa sa Mendiola, nagtungo ang mga manggagawa at iba pang demonstrador sa pangunguna ng KMU sa Liwasang Bonifacio. Dito natipon sa programa ang mga kandidato ng LaborWin kabilang sina Neri Colmenares, Leody de Guzman, Allan Montano, Sonny Matula, at Ernesto Arellano, gayundin ang dalawang kandidato sa pagkasenador na pabor sa mga panawagan ng mga manggagawa — sina Chel Diokno at Erin Tanada — at progresibong mga party-list.

Matagumpay ang mapayapang malawakang protesta, sa kabila ng pananakot ng Philippine National Police na may hahalo raw na mga rebelde sa hanay ng mga demonstrador para “manggulo.”

Samantala, libu-libo ring manggagawa at iba pang sektor ang nagprotesta noong araw na iyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sinunog ang naturang effigy sa Mendiola.

Mga kandidato ng LaborWin: Sonny Matula ng Federation of Free Workers, Ernesto Arellano, Neri Colmenares ng Makabayan/Bayan Muna, Leody de Guzman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, at Allan Montano. KR Guda