Manggagawa ng Jollibee, pinagkaitan ng saya at trabaho

0
218

Storya nina Nicole Falcasantos at Patricia Esteban | Interns mula sa University of the Philippines Baguio at Diliman

“Sa Jollibee bida ang saya, sa mga manggagawa, tinanggal ang saya!” Ito ang hinaing ng Samahan ng Manggagawa- Jollibee Foods Corporation (SM-JFC) sa naganap na kilos-protesta sa harap ng warehouse ng Jollibee sa Parañaque City noong Hunyo 21. 

Noong madaling araw ng Hunyo 17, gumising sa kanila ang biglaang pagkawala ng kanilang mga trabaho, dahil diumano’y natapos na ang kanilang kontrata sa kompanya. Isa sa mga manggagawang ito ay si Rogelio Magistrado, pinuno ng SM-JFC. Ayon sa kanya, tinanggal sila nang walang babala o abiso.

Ang mga manggagagawa ay pinapirma ng isang dokumentong ‘Notice of Pull-out’ bilang hudyat ng pagtatapos ng kanilang kontrata, ani Magistrado. 

“Tapos kapalit ng pagpirma mo, bilang pa-kunswelo, bawat manggagawang pipirma, may kasamang Yum Burger,” dagdag ni Magistrado, isang warehouse picker.

Noong nakaraang Mayo 2018, napag-alaman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang JFC ay nagsasagawa ng labor-only contracting na isang paglabag sa Department Order 174. Ayon sa datos, 14,960 na manggagawa ang apektado. Bago ito, noong Abril 2018, nagmandato ang DOLE sa JFC na kailangang gawing regular ang 6,482 na mga kontraktwal na manggagawa ng kompanya. 

Sa isang panayam sa ALAB Analysis, inihayag ni Magistrado kung paano, matapos ang utos ng DOLE, unti-unti nang sinabihan ang mga manggagawa na huwag gamitin ang logo ng Jollibee, at tinanggal ito sa kanilang mga ID at masthead na ginagamit ng kanilang agency, ang Toplis Solution. 

Ang Toplis Solutions ang nagpapatakbo ng commissary at warehouse ng Jollibee sa Parañaque City. Responsable ito sa storage, handling, at distribution ng mga produkto at iba pang logistical needs ng iba pang mga warehouse at outlets ng Jollibee, Chowking, Greenwich, Burger King, Mang Inasal at Red Ribbon sa buong Luzon. 

Daan-daang manggagawa ang tinanggal sa trabaho nang i-terminate ng JFC ang kontrata nito sa Toplis Solution at Staff Search Asia Cooperative, ang mayor na mga ahensiyang nagpapatakbo ng commissary at warehouse ng Jollibee. 

Ibinahagi ni Magistrado ang kalagayan ng mga manggagawa sa loob ng JFC at ang mga patakaran na umiiral sa kompanya. 

“Mahigpit po sila sa 30-minute break rule. Kung lumagpas po ay nagbibigay sila ng Incident Report…hinihingan kami ng paliwanag kung bakit kami na-late ng balik, kung bakit ganoon katagal. Hindi po namin alam kung saan dinadala [ang incident report],” dagdag ni Magistrado. 

Ang JFC ay pagmamay-ari ni Tony Tan Caktiong na siyang namamahala sa distribusyon ng food supplies sa mga malalaking industriya ng fastfood chains sa bansa. Ilan sa mga ito ay Jollibee, Chowking, Greenwich, Burger King, Mang Inasal, at Red Ribbon. 

Sa huli, ang panawagan ng mga kontraktwal na manggagawang tinanggal ng JFC ay mabalik ang kanilang trabaho dahil ito ang pangunahing pinagkakakitaan ng karamihan sa mga manggagawa. Bukod pa rito ay ang malawakang panawagan upang itigil ang kontraktwalisasyon sa bansa.

The post Manggagawa ng Jollibee, pinagkaitan ng saya at trabaho appeared first on Altermidya.