Mga manggagawa ng Uni-Pak Sardines, naglunsad ng kampuhan

0
340

Nagtayo ng kampuhan ang mga manggagawa ng Slord Development Corporation (SDC) sa harap ng tarangkahan ng Navotas Fishport Gate umaga ng Hunyo 18.

Noong Mayo 11, hindi na pinapasok ang 44 kontraktwal na manggagawa sa pagawaan dahil sa isinagawa nilang protesta laban sa pagbabawas ng araw ng trabaho. Hindi raw sila  nakatanggap ng termination notice o memo na tanggal na sila sa trabaho. Hindi na rin sila pinapapasok sa iba pang mga pagawaan ng sardinas na nasa loob at paligid ng Navotas Fish Port Complex. Paninindigan ng mga manggagawa, iligal ang ginawang pagtanggal sa kanila sa trabaho.

 

Tumungo ang mga manggagawa sa tarangkahan ng Navotas Fish Port Complex. Kuha ni KJ Dumapit.

 

Ang mga manggagawang tinanggal ay nasa tatlong dekada nang nagtatrabaho sa paggawaan ng delatang sardinas ngunit nanatili silang kontraktwal. Mababa sa minimum na arawang sahod ang natatanggap nila—nasa P350 para sa mga tinuturing na ‘extra’ hanggang P370 sa mga tinatawag na ‘extra regular’. Hindi rin umano sila nakatatanggap ng mga benepisyo gaya ng SSS, Philhealth at PAG-IBIG. Hindi rin sila nakatatangap ng 13th month pay, holiday pay, rest day pay, maternity leave, paternity leave at solo parent leave.

Inireklamo rin ng mga manggagawa na wala silang pay slip at company ID. Wala ring meal break o break time sa gabi kahit na umaabot sa 12-14 oras ang pasok nila sa isang araw.

Bukod dito, sinasabi ng mga manggagawa na sila rin ang umaamoy sa mga isda na may formalin na nanggagaling sa steamer. Tutol sila dahil mapanganib ito sa kalusugan at hindi rin matagalan laluna ng mga bata pa o manggagawang bago sa trabaho.

 

Nagrali ang mga manggagawa ng Slord Development Corporation tungo sa gate ng Navotas Fish Port complex. Kuha ni KJ Dumapit.

 

Bumuo ng samahan ang mga kontraktwal na manggagawa para itulak ang kanilang regularisasyon. Nagsagawa ng serye ng inspeksyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagawaan ng Uni-Pak. Sunod-sunod na umano ang harassment na naranasan ng manggagawa nang nagbuo sila ng samahan at nagsagawa ng inspeksyon ang DOLE.

Panawagan ng mga manggagawa na gawin silang regular, maibalik sa trabaho ang mga manggagawang tinanggal at makatanggap ng disenteng sahod.

Hinamon naman ng Defend Job Philippines, isang grupo ng mga manggagawa, ang endorser ng Uni-Pak Sardines na si Kris Aquino na magsalita laban sa mga “anti-labor policies” ng SDC, kasunod ng pagsasabi ni Aquino na maaari siyang maging boses ng mga mahihirap sa kanilang sagutan ni Presidential Communications Operations Office Assistant Secretary Mocha Uson.

 

Nagprotesta ang mga manggagawa ng Slord Development Corporation laban sa pagtatanggal sa kanila sa trabaho. Kuha ni Dumapit

 

The post Mga manggagawa ng Uni-Pak Sardines, naglunsad ng kampuhan appeared first on Manila Today.