Mga residente ng Sitio Kawayan sa Novaliches, nagprotesta sa QC Hall

0
299

Naglunsad ng protesta sa harap ng Quezon City Hall ang higit sa 100 residente ng Sitio Kawayan, Brgy. San Agustin, Novaliches upang ipanawagan ang kagyat na pakikipagdayalogo ng Quezon City Local Government sa mga maaapektuhan ng itinatayong Socialized Housing Project sa kanilang lugar.

Tinatayang aabot sa 300 pamilya ang nanganganib na mawalan ng tirahan at kabuhayan dahil sa proyektong ito ng lokal na gobyerno.

Anang mga apektadong residente, nitong nakaraang Biyernes, Oktubre 19 ay pwersahang pumasok sa komunidad ang mga tao ni Secretary to the Mayor Taddy Palma kasama ang Philippine National Police at pilit na binuwag ang barikada ng mga residente. Sa halip na magpakita ng katibayan tungkol sa sinasabi nilang proyekto ay pinagbantaan pa ng mga ito ang mga residente na pagdadadamputin sila ng mga kapulisan kung sila ay lalaban.

Nagsimula na rin magpasok ng mga materyales na gagamitin para sa proyekto.

Wala pang kahit anong konsultasyong nagaganap sa hanay ng mga apektadong residente.

The post Mga residente ng Sitio Kawayan sa Novaliches, nagprotesta sa QC Hall appeared first on Manila Today.