Mula ComVal hanggang Maynila: Ang laban ng mga manggagawa ng Sumifru

0
303

Daan-daang manggagawa ng Sumifru sa Mindanao, dinala sa Kamaynilaan ang laban

Ilang araw bago ang Pasko, bumisita ako sa kampuhan ng mga manggagawa ng Sumifru sa Liwasang Bonifacio kung saan nakatayo ang rebulto ng ating bayaning mula sa uring manggagawa. Sa gilid ng rebulto,  itinayo ng mga manggagawa  ang kanilang pansamantalang tirahan gamit ang tent, mga trapal, at kawayan.

Sa kampuhan, nakilala ko si Aling Bibe Calagao, isa sa 350 na manggagawa ng Sumifru mula pa Compostela Valley sa Mindanao na tumungo sa Maynila upang ipabatid sa sambayanan ang mahirap nilang kalagayan bilang manggagawa sa ilalim ng martial law. Pinagkakaisa at pinalalakas sila ng kanilang unyong Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farm (NAMASUFA), isang unyong kasapi ng NAFLU-KMU.

Nahahandal man sa sitwasyon, bakas pa rin kay Aling Bibe ang masayahing dispusisyon na marahil ibinunga ng kasanayang humarap sa mga mapanghamong sitwasyon bilang isa sa mga pinuno ng unyon sa lokal na plantasyong pinagtatrabahuhan niya.

Pagsisikhay ng manggagawa, pagsasamantala ng Sumifru

Sa 20 taon na pagbabanat ng buto, araw-araw, alas-kwatro pa lang ng umaga umaalis na ng bahay si Aling Bibe tungo sa packing plant.

Kwento niya sa akin na sa packing plant ng saging sa Sumifru, buong panahon silang nakatayo na madalas aabot ng 18 oras (liban na lang sa lunch at meryenda break).

“Pakyawan kasi ang trabaho sa Sumifru kaya mahaba ang oras ng trabaho,” paliwanag niya

Naaalala pa ni Aling Bibe na sa pagsilang ng  bawat isa sa apat niyang anak, “Pitong araw pa lang matapos ko manganak balik agad ako sa trabaho.”

Aniya, “Saan ko kukunin ang ipapakain sa apat kong anak kung hindi ako papasok? Wala naman kaming paid leave.”

Gaya ng maraming manggagawa ng kumpanya, kabisado na ni Aling Bibe ang bawat gawain sa assembly line. Pambihira man ang dedikasyong ipinapakita ng mga manggagawang tulad ni Aling Bibe sa Sumifru, nananatili silang kontraktwal sa kumpanya. Ito ay sa kabila ng  desisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) noon pang taong 2008 na nagsasabing pangunahing employer ng  mga manggagawang kasapi ng NAMASUFA ang Sumifru; pinatibay pa lalo ng  pagkatig ng Korte Suprema sa desisyong ito ng DOLE nito lamang Hunyo 2017.

Aabot sa 2,200 ektarya at siyam na packaging plant ang saklaw ng  Sumifru na may 2,500 ang manggagawang kontraktwal sa probinsya.

Higit kailan pa man makatwiran ang welga

Matapos ang 10 taon na matiyagang pakikipagbunung ligal ng unyon, isang taong pagbalewala ng Sumifru sa utos ng Korte Suprema at pagtanggi nitong kilalanin ang karapatan ng NAMASUFA na makipagtawaran sa Collective Bargaining Agreement (CBA), naglunsad ng welga ang mga manggagawa ng Sumifru sa Compostela Valley.

Isa pa sa mga nakausap ko sa pagbisita sa kampuhan si PJ Diaz, ang pangulo ng NAMASUFA. Inabutan ko siyang nagpapaliwanang sa umpukan ng mga bisitang estudyante kaugnay ng kanilang laban para sa makatarungang pasahod, seguridad sa trabaho at karapatang mag-unyon.

Dalawampu’t limang taon pa lang ang edad ni PJ, ngunit hindi maipagkakaila sa kanyang pananalita at asta  ang sinseridad at pagiging responsableng unyonista.

Nito lamang ika-15 ng Disyembre, sinunog ng mga hindi pa nakikilalang tao ang kanyang tirahan kasabay ang bahay ng dating presidente ng unyon.

Laking pasalamat niya na nailikas na niya ang kanyang mga magulang at mga kapatid sa lugar bago pa sila tumulak pa-Maynila. At bago pa ito, pinagtangkaang sunugin at paulanan ng bala ang kanyang bahay sa dalawang magkasunod na araw noong katapusan ng Nobyembre ngayon ding taon. Dahil dito, pinalayo na muna nila ang mga kaanak at mga kasamahang manggagawa sa lugar.

Oktubre 1 nang simulan ng NAMASUFA ang welga, at Oktubre 11 nitong taon din nang koordinadong buwagin ang kanilang mga piketlayn ng may tinatayang 300 bayarang goons ng Sumifru sa pangunguna ng mga sundalo at pulis.

 “Akala mo gera ang susuungin, at armado ang lulusubin nila, may nakahanda pang tangke ang mga sundalo ng 66th IB,” kwento niya.

Ayon pa kay PJ, nais lamang nila na ipatupad ang kanilang karapatan pero hampas ng yantok at batuta ang sinukli sa kanila habang tumatakbo palayo. Dalawampu’t pito sa kanila ang nasugatan sa araw na iyon.  Bawat pagtatangka nilang muling ilunsad ang welga at itayo ang piketlayn ay tinapatan ng mas matinding pandarahas.

“Pati mga barangay kapitan sa lugar kumuha ng mga tanod para magmatyag sa amin. Nakahanda silang mandahas sa amin sa oras na muling itayo ang piketlayn,” aniya.

Maalala na kamakailan lang sinabi ni Duterte na dapat handang pumatay ang  mga kapitan de barangay, pero matagal na palang ginagawa ito sa Mindanao. Kasabay nito, muling ipinagtibay ng Kongreso ang pagpapalawig ng Martial Law sa buong Mindanao ng isa pang taon.

Kriminalisasyon ng pagsusulong ng mga lehitimong hinaing, pinalala ng ML sa Mindanao

Oktubre 30 nang walang awang pinaslang ng mga pinaniniwalaang ahente ng estado si Danny Boy Bautista, isang aktibong unyonista.

Bukod pa dito, dalawa na sa myembro ng unyon ang pinagtangkaang patayin nitong mga nakaraang buwan.

Dahil Martial Law sa Mindanao, garapalan ang pandarahas at panggigipit  sa mga manggagawa ng AFP at PNP kasapakat ang DOLE, LGU at ang Sumifru.

“Imbes na kampihan ng aming ng governor at mayor kami pa ang sinisi. Mas pinanigan pa ang dayuhang kumpanya,” sabi ni PJ.

Ang red tagging o ang pag-aakusa sa isang tao na myembro ng rebeldeng grupo ng NPA para bigyan katwiran ang pananakot, panggigipit at pandarahas ay lubusang isinasangkapan ng Sumifru para labagin ang utos ng Korte Suprema at gipitin ang mga manggagawa, habang todo-todo namang pinagkakitaan ng mga opisyal ng AFP sa pamamagitan ng mga fake surrenderees.

Ayon nga kay PJ, may kundisyon ang Sumifru sa mga manggagawa para payagan silang makabalik sa trabaho: kailangang itakwil nila ang unyon at sumuko sa kampo ng 66th IB dahil nga pinalalabas nila na mga NPA o supporter ng NPA ang mga manggagawa. Sa bawat taong magsusurender, P15,000 ang ibibigay.

Kwento pa ni PJ, “Dahil sa pressure at hirap, napilitan ang iba na sumurender sa kampo para lang makabalik sa trabaho. Yung P15,000, hindi naman napunta sa mga fake surrenderee, binubulsa na ng mga sundalo.”

Nang tanungin ko siya kung naisipan niya rin ba gawin yun, madiin niya sinabing “Kahit pa hindi kami makabalik sa trabaho, kahit pa magutom kami, hinding hindi kami susurender. Anong isusurender namin, wala naman kaming baril. Hindi naman kami NPA. Kabuhayan lang namin ang ipinaglalaban namin.”

Sa tindi ng atake ng estado sa mga manggagawang isinusulong lamang ang lehitimo nilang hinaing, bunga ng Martial Law, nagpasya silang dalhin ang laban sa Maynila para tawagin ang pansin ng mga mamamayan dito at ng mga responsableng ahensya ng gubyerno.

“Tingin namin ay may sinasadyang media blackout sa mga tunay na nangyayari doon sa Mindanao. Sa sunod-sunod na pandarahas sa amin doon ng mga sundalo at Sumifru, napakahirap isulong muli ng welga doon,”  paliwanag pa ni PJ.

Kasalukuyan silang nakakampo sa Liwasang Bonifacio, malabong makauwi sa kani-kanilang pamilya ngayong Pasko at bagong taon. Kung gaano kabilis sa pagpatay ang pasistang rehimen, ganun naman kakupad o ka SLO-MO aksyunan ang panawagan ng mga manggagawa.

Sabi nga ni Aling Bibe, “Ayaw ko na nga tumawag lagi sa mga anak ko at naiiyak lang ako. Ipinapaliwanag ko na lang sa kanila na dito sa labang ito nakadepende ang kinabukasan nila na makapag-aral.”

Natapos ang kanilang munting media activity at kwentuhan namin ng pasado alas-dose ng tanghali. Gulay na repolyo at kanin na mula sa mga kasamahang manggagawa sa Maynila ang kanilang payak na tanghalian.

Tulad ng marami sa atin, uuwi ako sa tahanan, babalik sa trabaho, magdidiwang ng pasko at bagong taon kasama ang pamilya ng may pagkainh hamon at keso de bola. Ang ilan sa atin ay hindi na mabilang sa mga daliri ang dinadaluhang Christmas Party ngayong buwan.

Pero ang mga manggagawa ng Sumifru na nakakampo sa Liwasang Bonifacio o pati na sa mga naiwan sa Mindanao ay nananatiling nakabitin sa walang katiyakan ang kabuhayan. Pero hindi sila nangangamba.

Patuloy nilang inaanyayahan ang lahat para alamin mula sa kanila ang tunay na kalagayan ng paggawa sa Pilipinas at ang tunay na epekto ng ML sa Mindanao na masang anakpawis.

Ginagawa nila ito, hindi lamang para para sa kanilang hanay. Titiisin nila ang pagkawalay sa pamilya ngayong pasko at bagong taon, ilulunsad ang welga gaano man karahas ang estado laban dito.

At sa pagtatapos ng madugong 2018 sa ilalim ng rehimen ni Duterte, patuloy ang pakikibaka ng mg obrerong gaya nila para ipanalo ang seguridad sa trabaho at karapatan mag unyon.

Sa uhaw sa dugong rehimen, malabong makamit ang mga ito, ngunit sa  matibay na pagbubuklod ng kanilang hanay, sa lakas ng uring manggagawa at pakikiisa ng sambayanan bumubukal ang pag-asa at dadagundong ang tagumpay ng mga manggagawa ngayong taong 2019.

The post Mula ComVal hanggang Maynila: Ang laban ng mga manggagawa ng Sumifru appeared first on Manila Today.