Download Usapang IBON Yearend 2018 primer here
Bumabagal at humihina ang ekonomiyang Pilipino sa likod ng paggiit ng administrasyong Duterte ng pagsigla nito. Nagkukumahog ang economic team ng rehimen na mabawi ang dating momentum ng ekonomiya. Walang-habas ang paggastos ngayon sa imprastruktura pero maging ito ay tila kapos din upang mapigilan ang pag-atras ng ekonomiya.
Lumilitaw ang kapalpakan ng neoliberalismo. Inabot na ng ekonomiya ang hangganan ng kaniyang pag-akyat na kaya nitong marating sa pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal, at nagsimula na itong bumaba. Inabot na rin ng gobyerno ang pinakamahirap na yugto ng pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal, at tanging pagtatakip sa kapalpakan ng mga ito o di kaya ay paghuhugas-kamay ang ginagawa ng gobyernong Duterte.
Subalit, hindi maitatwa ng administrasyong nangako ng pagbabago na habang patuloy ang paglaki ng tubo ng lokal na oligarkiya at dayuhang kapital, lalong nasasadlak sa hirap ang mayorya ng mamamayan. Ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa harap ng mala-aliping sahod o kawalan ng sapat na kita ang yumayanig sa inilalarawang katatagan ng mga ekonomista. Ang krisis na lamang sa trabaho ay parang bulkang sumasabog na matagal nang umuugong.
Walang pundasyon ang ekonomiya para sa sustenable at matagalang pag-unlad. Dumadausdos ang agrikultura, walang masasabing pambansang industriya, at bulnerable ang lokal na ekonomiya sa tumitinding pandaigdigang krisis. Ang masaklap, bukod sa panlilinlang, tumitindi ang represyon at dahas ng gobyernong Duterte para supilin ang anumang paglaban na magmumula sa ganitong kalagayan – para pigilan ang pagputok ng nagniningas na panlipunang ligalig.