Nanay Marie sa ika-33 taon ng EDSA People Power

0
159

Dinaluhan ng iba’t ibang progresibong grupo ang paggunita sa ika-33 anibersaryo ng EDSA People Power 1. Nagmartsa ang libu-libong mga estudyante, manggagawa, magsasaka at mga taong simbahan bitbit ang panawagang “TAYO ANG EDSA! TAYO ANG PAG-ASA! LABANAN ANG DIKTADURYA!”. Nagkaroon ng maikling programa sa EDSA Shrine at doon na rin sila nagtanghalian.

Sa paglilibot-libot ko sa iba’t ibang sektor, naagaw ng isang nanay ang atensyon ko. Nakaputi, nakatayo sa gilid at nakatanaw sa nagsasalita sa entablado. Kung tutuusin, isa lang siya sa marami pang nakaputing nanay, at nakatingin sa nagsasalita sa entablado. Pero sa lahat ng tao don, siya lang ang may hawak ng isang picture frame—karamihan kasi ay printed o nasa isang tarpaulin ang mga larawan na hawak nila.

 

Nanay Marie Tion, byuda dahil sa EJK

Sinimulan kong kausapin si Nanay Marie pero dahil hindi namin marinig ang isa’t isa ay nag-aya siyang lumayo kami sa tumpok ng mga tao. Pagkatapos kong pormal na magpakilala, agad na nagkuwento si nanay sa akin, na para bang matagal niyang kinikimkim at nais na ikuwento sa taas ng entablado ang nangyari sa kaniya.

Hawak-hawak ni Nanay Marie ang larawan ng kaniyang asawang yumao, si Tatay Florencio “Rene” Tion. Nasa 60 taong gulang nang bawian ng buhay.

“July 29 noong nakaraang taon, alas-10 ng gabi hinatid namin ng asawa ko ang anak ko sa terminal ng tricycle, tinawag ang asawa ko ng mga kaibigan niya sa tindahan malapit sa terminal kaya ‘di na siya sumama samin sa loob ng tricycle, pagbalik ko, nandoon pa rin siya sa tindahan nakikipag-inuman na. Tumabi pa ako sa kanila kasi kilala ko naman ang mga kasama ng asawa ko,” pagkukuwento ni nanay sa akin.

Masaya pa raw ang kuwentuhan nila noon, dahilan siguro para makaramdam siya ng pagkaihi. Umuwi na daw siya saglit at naghanda na sana ng higaan nila sa pagtulog nang tawagin siya ng isang nilang kapitbahay. Ibinalita sa kaniya ang pagkakabaril sa kaniyang asawa.

Sinugod agad nila ito sa pinakamalapit na ospital at nagtagal pa ng 20 araw sa ospital. Sa pagkakabaril ng kaniyang asawa ay nireport nila ito sa mga pulis.

“Syempre tinanong ko don kung bakit ganon ang nangyari sa asawa ko, hindi naman siya adik, bakit kailangan niya mamatay ‘di ba?” naluluhang pagsasalaysay ni Nanay Marie.

Mas nagpasama pa ng loob ni nanay Marie ay ang sinagot sa kaniya ng pulis na sinabing damay lang daw talaga ang kaniyang asawa.

‘Di na napigilan ni nanay ang kaniyang luha nang sabihin niya ang: “Bakit parang wala lang na may namatay na isang inosente para sa kanila? Sobrang nakakasama ng loob yung nangyari.”

Bagama’t ilan buwan na ang nakalipas sa pagpanaw ng kaniyang asawa ay sariwa pa rin sa kaniyang alaala ang mga nanggyari at kung gaano kabuti ito bilang asawa at bilang ama sa kanilang mga anak.

“Sobrang bait non, kahit magkaproblema ang mga anak ko, sa pinansyal, agad talaga siyang gagawa ng paraan. Maasahan talaga siya,” aniya.

Hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng kaarungan si Nanay Marie sa pagkawala ng katuwang niya sa buhay.

Aniya, “Dati, pinagpapasa-Diyos ko lang, kailangan pala talagang magsalita at lumaban, dito sa mga gan’tong pagtitipon nararamdaman kong may pag-asa.”

Sa kasalukayan, libu-libo na ang mga katulad ni Tatay Rene na inosenteng nadamay sa gera kontra droga ni Duterte sa loob lamang ng dalawang taon. At para kay Nanay Marie, sa lahat ng tulad niyang naiwan ay nagbubunga ito ng mas malalim pa nilang pagkilos upang mapanagot ang tunay na may kasalanan.

Sa ika-33 taong anibersaryo ng makasaysayang EDSA People Power I ay pinatutunayan pa rin ng administrasyon ang kawastuhan ng mga panawagang bitbit ng mga dumalo dito. Nasa kasaysayan ang tanda na kaya ng taumbayan na magkaisa upang wakasan ang pananatili ng isang diktador sa pwesto.

The post Nanay Marie sa ika-33 taon ng EDSA People Power appeared first on Manila Today.