Never say never

0
272

May plano sa buhay si Joanne. Hindi nagtapos sa isang sikat na eskuwelahan, pero may ambisyon siyang makaangat sa buhay: Maging brand manager sa isang pribadong kompanya. Makabili ng itim na kotse. Mapasaya ang pamilya.

Isang gabi, napadpad siya sa isang tattoo parlor. Bakit nga ba? Di masyado pinaliwanag, pero may pinagawa siyang stickers para sa isang kliyente. Doon niya nakilala si Gio. Fil-foreigner si Gio (Amerikano? Australyano? Briton? Hindi ipinaliwanag.). Tinutustusan ng kanyang tatay ang petiburges niyang buhay—ang pagkapetiks sa karera bilang graphic artist, ang mamahaling condo, ang kaswal na pakikipagrelasyon. Pero naakit agad siya kay Joanne. Sinundan niya ang dalaga sa labas ng tattoo parlor, niyaya ng sakay. Hinintay sa harap ng opisina at niyayang ihatid niya sa bahay. Kung hindi lang natin kilala si James Reid, tiyak, mag-iisipan na natin ng masamang motibo ang binata.

Pero basta. Ang ipinaniniwala sa atin, totoo ang pagkagusto ni Gio kay Joanne. Inaraw-araw niya ang hatid-sundo sa dalaga. Niregaluhan niya ng helmet. Nilibre niya ng kain sa Seven-Eleven. Walang kalaban-laban ang dalaga: nahulog agad ang loob niya.

Sa kabila ng mga komplikasyon sa buhay ni Joanne – sa mga pangarap niyang tila mababalam dahil sa pakikipagrelasyon sa isang “mukhang laya ng City Jail” (sabi ng tatay niya, ginanap ni Rez Cortez) – nagsama ang dalawang magkarelasyon. Masasadlak ito sa krisis nang magbago ang sitwasyon ni Gio at kinailangang maghanap ng trabaho.

Saan pa nga ba, kundi sa ibang bansa. May offer kay Gio sa London. Lumalabas, magaling siyang graphic artist. Pinaniniwala tayong isang kompanyang Briton na puno ng mga empleyadong hipster ang magkakainteres na dalhin sa London mula Maynila ang isang freelancer para maging regular na inhouse artist nito. Sige na nga. Ang problema, papaano ang mga pangarap ni Joanne? Tiyak, kapag sumama siya sa London, hindi lang sa kakalimutan niya ang pinaghihirapang karera. Magsisimula siya sa pinakailalim—sa isang dayuhang bansa.

Matagal man ang pasakalye, sa puntong ito totoong gumulong ang istorya nina Gio at Joanne. Uminog ang kuwento sa problemang magkarelasyon sa ibang bansa. Ang maganda sa ginawa ng direktor at manunulat na si Antoinette Jadaone, nilabanan niya ang presyur na magsingit ng mga eksena sa London na tiyak na hinahanap ng mga big boss ng mga studio tulad ng Viva: ang mga eksena ng pasyalan ng dalawang magsing-irog, habang nagliliparan ang mga ibon, naglalakad sa magagandang tanawin ng isang dayuhang bansa, habang tumutugtog ang kanta ng singer o banda na gustong pasikatin ng big boss. Hindi niya nalabanan ito sa huling teleserye ng JaDine: Till I Met You (2016). Maatatandaan, ipinilit ng Star Cinema na isingit ang ganoong mga eksena sa sana’y seryosong mga pelikula tungkol sa mga OFW—Milan (2004) at Dubai (2005). Kahit ang Barcelona: A Love Untold ng KatNiel (2016), may ganito pa ring sakit.

Sa puntong iyon, angat ang Never Not Love You sa Milan, Dubai, Till I Met You at Barcelona. Hindi na nagpapakasapat si Jadaone sa siguradong pormula ng pagkukuwento. Sa konteksto ng mga romcom sa bansa ngayon, tiyak na pagtatawanan na ang mga pormulang ito. Tumaas na ang mga expectation, kahit sa fans ng JaDine o KatNiel. Matapos ang tagumpay sa takilya ng Kita Kita (2017)—isa pa ring romcom na naganap ang kuwento sa ibang bansa—baka mahirap nang ilusot ang romantisasyon sa dayuhang bansa bilang lugar kung saan yumayabong ang pag-iibigan.

Kumbaga, hanggang sa Kita Kita, problema pa rin ng romcoms ito: Bakit kailangang sa ibang bansa pa rin maganap ang romansa ng dalawang Pilipino? Masyado na bang nalason ng Kdramas ang panlasa natin sa romansa kaya kailanganing dalhin sina KatNiel at JaDine (at LizQuen sa My Ex and Whys) sa Espanya, Gresya o Korea para ma-inlove? Ang mabuti sa Never Not Love You, hindi lugar ng romansa ng JaDine ang London: Nakahadlang pa ito sa pag-iibigan nila. Batid ito ng milyun-milyong Pilipino sa ibayong dagat. Tinitingnan nila ang host countries nila hindi bilang lugar ng pag-ibig kundi lugar ng sakripisyo, paghihirap, pangungulila. Madalas, lugar din ito ng pang-aapi, pagsasamantala. Minsan, lugar ng kamatayan.

Kay Gio, lugar ng oportunidad at pangungulila ang London. Kay Joanne, lugar ito ito ng kalungkutan at kawalan-ng-ambisyon, ng pangangayupapa at diskriminasyon. Hindi na aspiring branch manager si Joanne sa London; waitress na lang siya, na sinisigaw-sigawan ng mga puting kostumer.

Sa usapin ng tema, ito ang kalakasan ng Never Not Love You. Matapat nitong kinikilala na hindi otomatikong maganda, hindi agad na romantiko, hindi laging masaya, na mawalay sa mga mahal-mo-sa-buhay at bayang kinalakihan. Hadlang sa pag-ibig ang sapilitang migrasyon. Winawasak nito ang mga relasyon. Sa kaso ng milyun-milyong Pilipino, winawasak nito ang mga pamilya.

Gayunman, nagkulang ang pelikula sa pagbibigay-konteksto sa kuwento nina Gio at Joanne. Hindi lang personal na desisyon ang pangingibang bansa. May kalagayan ang bansa, may mga polisiya (nakasulat man o hindi) ang Estado na nagtutulak sa mga tulad nila na mangibang bansa. Bakit walang makuhang magandang trabaho si Gio sa Maynila? Bakit iisa ang ruta ng tagumpay na nakikita ni Joanne para makaangat sa buhay?

Mainam sanang nilawakan pa ni Jadaone ang sipat sa mundo ng dalawa. Mas madalas, hindi natin malay na naaapektuhan ng kalagayan ng bansa ang personal nating mga desisyon. Sa ganung sipat sana, mapapaunlad ni Jadaone ang pagtatapos ng pelikula. Madalas, para sa maraming Pinoy, hindi madali ang umuwi. Nagkakagiyera na at lahat sa ibang bansa, pinipilit pa rin ng marami sa kanila na magtrabaho roon. Sumasapat lang ang mga remitans para mabuhay ang pamilya—hindi ito sapat para makapag-ipon o talagang maiangat sa sila sa buhay. Wala ring mauuwiang trabaho ang mga OFW. Walang sapat na industriya ang Pilipinas para sa kanila.

Sa dulo, gumamit pa rin ng pormula ang Never Not Love You: na mananaig at mananaig ang pag-ibig ng dalawang magkasintahan. Pero matapos ang pelikula, hindi tayo mapapakali. Alam natin, mabuway ang relasyon, mabuway ang batayan ng pagbabalikan. Walang forever. Never say never.