Tinutulan ng iba’t ibang sektor ng lipunan ang Anti-Terror Bill hanggang sa pagsasabatas nito bilang Republic Act No. 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020, nang pirmahan ni Pangulong Duterte noong Hulyo 3. Sa kabila ng pangamba ng posibleng pagpapatahimik ng gobyero, buo pa rin ang tapang at paninindigan ng mga tumututol sa naturang batas.
Maging ang mga musikero mula sa iba’t ibang eksena’y tila hindi mapapatahimik ng Anti-Terror Law. Sa pamamagitan ng paglikha ng musika at music video, idinaan ng naturang artists ang kanilang naging mabilis na paraan upang ipahayag ang paglaban sa anila’y tiraniya at pasismo.
‘Ngayon ang Panahon’
Sa pangunguna ng Alternatrip, isang lokal na music collective, inilabas nito ang kantang “Ngayon ang Panahon” kasama ang iba’t ibang musikero at artists mula sa lokal na indie music community. Isinapubliko ang kanta sa pamamagitan ng isang music video na nilahukan ng mahigit 60 miyembro ng iba’t ibang banda tulad ng Ang Bandang Shirley, Ciudad, The Purplechickens, Identikit, Oh, Flamingo!, Pastilan Dong!, Rusty Machines, Megumi Acorda, The Strange Creatures, We are Imaginary at marami pang iba.
Ayon sa grupo, ang naturang kanta’y anthem laban sa tiraniya at sa Anti-Terror Law. “Nananawagan ang ‘Ngayon ang Panahon’ sa mga mamamayang Pilipino upang kumilos at iparinig ang kanilang boses laban sa isang gobyernong naghahangad na supilin ang ating kalayaan sa pamamahayag,” ani Jam Lorenzo, kinatawan ng grupo at miyembro ng bandang The Geeks.
Kasama ni Lorenzo sa pagsusulat ng naturang kanta sina Ean Aguila ng Ang Bandang Shirley at si Rj Mabilin ng protest band na The Axel Pinpin Propaganda Machine na kamakailan lang ay naglabas ng kantang “Ano ang aming kasalanan?” na hinggil sa palpak na tugon sa pandemya, kriminal na kapabayaan, at pasismo ng kasalukuyang administrasyon.
“Ang pinakahuling mga pahayag ng mga tauhan ng gobyerno’y bumuod sa kinatatakutan ng mga nasa hanay ng creative at cultural industry.” Tinutukoy ng grupo ang pahayag kamakailan, hinggil sa Anti-Terror Law, ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na “Kung tahimik ka, ‘wag mabahala.”
Dagdag pa ng grupo, hayagang inaamin ng gobyerno ang intensiyong habulin ang mga kritiko nito. “Ang pagpapatahimik sa mga artist ay sumasalungat sa esensiya ng demokrasya at paglabag sa aming mga karapatan.”
Nakapaskil ang naturang music video mula pa Hulyo 9, na may 13,000 views, bilang bahagi ng segment na “Friends of Alternatrip” sa Facebook page ng grupo.
‘Oust The Fascist’
Isang kolaborasyon para sa music video naman ang ginawa ng mga punk sa loob at labas ng bansa, upang ipahayag ang paglaban at panawagan ng pagpapatalsik kay Duterte.
“Oust The Fascist” ang napiling kanta, bilang anila’y angkop sa kasalukuyang pampulitikang sitwasyon, ang ginawan ng sariling rendisyon ng mga miyembro ng mga bandang punk tulad ng Namatay Sa Ingay, Material Support, Anti-Suck System, New Fighting Task, Black Arts, at The Exsenadors.
“Ang naturang proyekto ng mga punk ay pagkondena sa paghihirap at pagdurusa, pampulitikang panunupil, paglabag sa karapatang pantao at pampulitikang pamamaslang, atake sa kalayaan sa pamamahayag at iba pang inhustiya sa ilalim ng apat na taon ng pasistang paghahari ni Duterte,” ayon sa Dirty Shoes Collective, grupo ng mga punk hinggil sa nasabing music video.
Orihinal na kanta ang “Oust The Fascist” ng Kadena, isang Filipino-American bandang punk sa New York na pinamumunuan ni Gary Labao. Naunang inilabas nina Labao ang kanta noong Setyembre 2019. Makaraan ng ilang buwan, inareglo ng ilang punk sa Pilipinas ang naturang kanta sa pangunguna ni Itchie Reyes (New Fighting Task/Anti Suck System) na siyang naging batayan ng kasalukuyang bersiyon.
Ayon pa sa grupo, kalahok ito sa isang online compilation album na “Know Your Enemy Vol. II” na lumabas noong Hulyo 18, ilang oras bago maging epektibo ang Anti-Terror Law. Ang naturang compilation album ay tugon ng iba’t ibang banda at grupong punk laban sa patuloy na pananakot at pagpapatahimik ng administrasyong Duterte sa mga kritiko sa naturang batas.
“Ang batas na ito ay yuyurak sa pundamental na mga karapatan at kalayaan, na maging ang pagsulat ng mga kanta, paglulunsad ng mga tugtugan at events, fundraising at pagbibigay at tulong sa kapwa ay ikikriminalisa bunsod ng mga malabo at malawak na depinisyon ng “terrorist act’,” sabi ng grupo.
Libreng i-download ang buong album ngunit may pay-what-you-can basis din. Anila, 100 porsiyento ng sales ay ilalaan bilang pondo para sa legal services, at kung sakali’y pampiyansa, ng mga punk, artists, o sinumang indibidwal na maaakusahang terorista sa ilalim ng Anti-Terror Law.
Giit nila, hindi terorismo ang kritisismo, paglaban sa inhustisya at pakikibaka para sa panlipunang pagbabago. “Kami’y hindi terorista. Hindi kami yuyukod sa pasismo. Tinatawagan namin ang aming kapwa-punk at mga artist na lumaban kasama ang mamamayan at patalsikin ang pasista.”
Rage
Tumampok naman ilang araw maisabatas ang Anti- Terror Law ang mga hashtag na “#rage”, “#soon” at “#musiciansfightback“ sa mga Facebook status ng mga musikero na tutol sa nasabing batas. Lumitaw din sa newsfeed noong Hulyo ang page na Rage PH na nagtataglay ng mga naturang hashtag at ang mga linya sa kantang “Rage” ng bandang The Jerks na kinatatampukan ni Chikoy Pura, beteranong musikero at aktibista. Kamakailan lang ay naglabas ang naturang page ng video teaser at iba pang pubmat na nagsasabing “Musicians Rage For Freedom of Expression” at “Rage With Us”.
—
“Ngayon ang panahon”
https://www.facebook.com/alternatrip.net/videos/1072483603153949
“Oust The Fascist”
https://www.facebook.com/DirtyShoesCollective/ videos/1182214282142230/
“Know Your Enemy Vol. II”
https://knowyourenemyvol2.bandcamp.com/album/know-your-enemy-vol-ii
Rage PH