Taong 2004 nang sinimulan ang pagpili sa Salita ng Taon sa Pilipinas. Magmula noon, nagkaroon na ng siyam na salita ng taon na sumasalamin hindi lang sa yaman ng ating sariling wika kundi sa kalagayan ng lipunan (i.e., canvass, huweteng, lobat, miskol, jejemon, wangwang, selfie, fotobam at tokhang).
Panahon
na sigurong simulan ang proseso sa pagpili ng Numero ng Taon. Bukod
sa salita, umiinog kasi ang ating mundo sa numero. Anong oras na?
Magkano ang pera mo sa pitaka? Ilang beses ka ba kumakain araw-araw?
Marami ka pang tanong na masasagot sa pamamagitan ng numero. Ang
tanong lang sa puntong ito, anong Numero ng Taon ang gusto mo?
Tatlo (3). Sa aking palagay, may tatlong party-list group na kinakailangang isama ng Commission on Elections (Comelec) sa balota – Aksyon Health Workers (AHW), Manggagawa Partylist at People Surge Disaster Survivors Group, Inc. (People Surge). Kung susuriin ang kanilang plataporma, malinaw ang kanilang tindig para sa mga sektor na kinabibilangan nila. At kung aalamin ang track record ng mga nakalistang nominado nito, malawak ang kanilang karanasan sa pagkilos para sa pagbabago. Bakit kaya sila hindi pinayagang tumakbo? Paumanhin sa pagiging pilyo, pero may tatlo sigurong dahilan: (1) Wala silang pera; (2) Hindi sila artista; at (3) Nagsusuot sila ng pula.
Labintatlo (13). Kontrobersiyal ang numerong ito. Malas daw kasi. May salita nga sa wikang Ingles na “triskaidekaphobia” na ang ibig sabihin ay pagkatakot sa numerong 13. Para sa mga naniniwala sa pamahiin, kailangang mag-ingat tuwing Friday the 13th. Buti na lang at natapat sa Lunes ang ika-13 ng Mayo. Ito po ang araw ng halalan. Pipiliin natin ang mga lokal na opisyal at mambabatas na mauupo sa puwesto sa loob ng tatlong taon (anim na taon para sa mahahalal na 12 senador). Huwag isiping malas ang paglabas ng bahay para bumoto sa araw na ito. Kailangan pa rin kasi nating maging mapagmatyag at mapagbantay paglabas ng polling precinct.
Siyam
(9). Kung masusunod ang maraming mambabatas, puwede nang tratuhing
kriminal ang isang 9 na taong gulang na nasangkot sa krimen. Naging
kontrobersyal ang panukalang ito dahil sa sunod-sunod na batikos at
kilos-protesta. May sumuporta rin naman pero hindi malinaw sa
kanilang paliwanag ang siyentipikong batayan sa konteksto ng lipunan.
Pilit lang na sinasabing malapit sa siyam na taong gulang ang minimum
age of criminal responsibility (MACR) sa ibang bansa tulad ng
Indonesia (8 taong gulang) at Australia (10 taong gulang). May tanong
lang ako sa mga nagnanais pababain ang MACR: Bakit ayaw n’yong
banggitin ang mga bansang Colombia at Ecuador? Alam ko na: 18 taong
gulang kasi ang MACR nila!
Labindalawa
(12). Sa gitna ng mga batikos at kilos-protesta, binago ng mga
tagasulong ng pagpapababa sa MACR ang panukala nila. Sa halip na 9 na
taong gulang, ginawa na nila itong 12 taong gulang. Hindi pa rin ito
katanggap-tanggap sa maraming sektor, pati na sa mga grupo ng
pediatrician, child psychologist, psychiatrist at neurologist na
naglabas ng mga opisyal na pahayag para idiin ang kawalan ng
siyentipikong batayan sa gusto ng mga nasa kapangyarihan. Bago pa man
naging isyu ang MACR, tandaan nating para sa mga peryodista, mahalaga
ang numerong 12 dahil ito ang kasalukuyang bilang ng mga peryodistang
pinatay sa ilalim ng administrasyong Duterte. Sa katunayan, parehong
pareho ang statistika ng mga grupong Center for Media Freedom and
Responsibility (CMFR) at National Union of Journalists of the
Philippines (NUJP) sa pagdokumento ng tinatawag na work-related
killings mula Hulyo 2016 hanggang sa kasalukuyan.
Dalawa
(2). Pasintabi sa maraming kakilala’t kaibigan, pero kailangan
talagang ulitin ang nangyaring trahedya noong madaling araw ng Enero
30 habang natutulog ang marami sa atin. Bandang alas-dos ng madaling
araw, may dalawang suspek na umakyat sa bus, may dalawang balang
pinaputok sa natutulog na pasahero, may motorsiklo (na alam nating
dalawang gulong) na ginamit para tumakas. Kinitil siya nang tulog at
walang kalaban-laban dahil mulat siya’t patuloy na lumalaban. Opo,
patay na siya. Pero tandaan nating dalawa pa ang kanyang natitirang
buhay. Ang unang buhay niya ay nasa ating alaala samantalang ang
ikalawang buhay niya ay nasa pagkamit ng kanyang mga pangarap. Mainam
na sama-sama siyang buhayin sa dalawang paraan: (1) sama-samang
pag-alala; at (2) sama-samang pagkilos.
Marami
pang numerong puwedeng pagnilayan. Sa ating pagpili ng nararapat na
Numero ng Taon, tandaan lang natin ang angkop na mensahe para sa mga
nasa kapangyarihan: “Bilang na ang araw ninyo!”