Ang NutriAsia ay kilalang producer at distributor ng mga kilalang produktong ginagamit sa bawat kusina ng ordinaryong pamilyang Pilipino. Nariyan ang suka’t toyo ng Silver Swan at Datu Puti, sarsang Mang Tomas, UFC at Papa banana ketchup at Golden Fiesta cooking oil.
Hindi lamang sa Pilipinas matatagpuan ang produkto ng NutriAsia. Ang mga ito’y ineexport din sa iba’t ibang dako ng daigdig, tulad ng Europe, Middle East at North America.
Ang mga produktong ito ay pampasarap sa ating ulam. Subalit sa likod nito ay ang mapapait na kwento ng pagsasamantala.
Nakapanayam namin si Ricky, isang manggagawang pitong taon nang nagtatrabaho sa NutriAsia. Siya ang nagooperate ng makina na nageempake ng Datu Puti soy sauce.
Pamilyadong tao si Ricky. Father’s Day at araw ng Linggo nang amin siyang nakapanayam, pero sa mga oras na iyon ay wala siya sa piling ng kanyang pamilya. Kasama ang iba pang ama at ina ng tahanan, nagpasiya silang muling bumalik at magpicket. Ilang araw lang bago noong ay marahas na pinaalis ang mga manggagawa sa kanilang piket sa labas ng pabrika.
“Simple lang naman ang aming mga kahilingan, ang kilalanin ang aming karapatan bilang manggagawa,” sabi ni Ricky.
Sila’y nagtatrabaho sa ilalim ng manpower agency na B-mirk Enterprises Corporation. Isa si Ricky sa tinatayang higit 1,400 na manggagawang kontraktwal ng NutriAsia. Ang mga regular naman na manggagawa ng NutriAsia ay nasa 100 lamang.
Noong Pebrero, nagpasya ang Department of Labor and Employment (DOLE) na gawing regular ang nasa 914 na manggagawa ng NutriAsia. Ayon sa DOLE, lumabag ang kumpanya sa mga batas sa paggawa. Kabilang na rito ang labor-only contracting.
Sa loob ng pitong taon na pagtatrabaho ni Ricky, maraming siyang napansin na paglabag sa kanilang karapatan. Nariyan ang ‘di regular na paghulog sa kanilang SSS, Pag-Ibig at health insurance na kinakaltas sa kanilang sahod. Tuwing nagkakadisgrasya, mas minarapat ng mga manggagawa na ilihim na lang ang aksidente bunga ng takot na mawalan ng trabaho. P380 lang ang arawang sahod ng manggagawa ng NutriAsia.
Malimit din na pinapatrabaho sila ng mahigit walong oras. Umaabot hanggang 12 oras ang kanilang shift. Sobra na sa quota ang kanilang naggawa pero pilit pa rin silang pinapagtrabaho.
Nasaksihan ni Ricky ang pag-unlad ng kumpanya.
“May robot na rin ngayon sa pabrika,” kwento niya.
“Kaya lang imbis na mapadali ang trabaho namin, lalo pang humirap dahil kailangan naming sumabay sa bilis ng robot,” dagdag ni Ricky.
Nagdulot din ito ng tanggalan sa kumpanya dahil napalitan ng robot ang manggagawa.
“Noon, nasa 20 kami sa aming linya, pero ngayon ay nasa 15 na lamang,” sabi ni Ricky.
Nang magpasya ang mga kapwa manggagawa na magtayo ng samahan, hindi nagdalawang-isip si Ricky na sumali.
Sinibak siya sa trabaho dahil sa kanyang paglahok na ginanap na noise barrage sa loob ng NutriAsia. Sabay-sabay pumalakpak sa loob ng pabrika ang mga manggagawa, na ikinagulat ng management ng kumpanya. Binalaan na matatanggal ang pumalakpak. Ang ‘noise barrage’ ay isinagawa bilang protesta sa pagsibak ng management sa limang lider ng Nagkakaisang Manggagawa ng NutriAsia, ang bagong tatag na samahan ng manggagawa ng NutriAsia.
Dahil sa noise barrage, 50 manggagawa ang tinanggal. Maging ang mga pinaghihinalaan ay ‘di ligtas.
“Kahit yung mga nasa CR at nasa locker room ay sinibak sa trabaho,” dagdag ni Ricky.
Ika-2 ng Hunyo, itinirik ang welga sa harapan ng pabrika ng NutriAsia. Sa kabila ng desisyon ng DOLE na kilalanin ang karapatan ng manggagawa, nakakuha ng Temporary Restraining Order mula sa Bulacan regional trial court ang NutriAsia at ito ang sinasabing batayan upang marahas na buwagin ng mga security guard at kapulisan ang welga.
Noong ika-14 ng Hunyo, binuwag ang piket ng mga nakawelgang manggagawa. Apat ang dinala sa ospital at 23 ang inaresto.
Dalawang araw pagkatapos ng marahas na dispersal, muli silang bumalik upang igiit ang kanilang karapatan.
Ilang dipa lang ang layo ng nakahilerang guwardiya at pulis sa bungad ng subdivision. Subalit hindi naman natitinag ang mga manggagawa.
Kinikilala ni Ricky ang pangangailangan na magsakripisyo.
“Ang ginagawa naming ito ay hindi lamang para sa aming kapakanan, kundi para din sa mga susunod pang henerasyon, ” wika ni Ricky.
The post #NutriAsiaWorkersStrike | Si Ricky, machine operator appeared first on Manila Today.