#NutriAsiaWorkersStrike | Jimmy

0
233

“Syempre po kailangan din po namin ng sapat na sahod, sapat na mga benepisyo na makukuha namin sa kanila para po matugunan namin ang mga pangangailangan po namin sa araw-araw.” — Jimmy Cubar, machine operator ng Nutri Asia

Si Jimmy Cubar ay walong taon nang nagtatrabaho sa NutriAsia bilang isang machine operator. Isa lamang siya sa nasa pitumpong (70) mangagawang iligal na tinanggal ng pamunuan ng NutriAsia sa kadahilanang naglunsad sila ng ‘noise barrage’ bilang pagprotesta sa mga nauna nang natanggal na mga opisyales ng kanilang unyon. Pinaratangan rin silang sumira ng mga kagamitan sa pabrika.

Ayon kay Jimmy, kinabukasan matapos ang noise barrage, ipinatawag sila ng management ng NutriAsia. Doon ay pinatawan sila ng “diciplinary action,” kung saan sila ay sapilitang pinapipirma para sa isang suspension at diumano’y paglilipat sa mga lumahok sa noise barrage sa main branch ng NutriAsia sa Cainta, Rizal. Lakas-loob na tinanggaihan ni Jimmy at ng kanyang mga kasamahan ang alok ng management. Dahil dito, tuluyan na silang tinanggal.

Dagdag pa ni Jimmy, kahit ang ibang mangagawa na hindi naman lumahok sa isinagawang noise barrage ay pinatawag din umano ng management ng kumpanya at sapilitang pinapipirma ng kasunduang sila ay hindi na sasali sa anumang unyon kapalit ng mas mataas na pwesto sa trabaho.

Si Jimmy, katulad ng iba pang mga manggagawa ng NutriAsia, ay nagtatrabaho ng walong (8) oras o higit pa pero kumikita lamang ng P 380 bawat araw.

At liban sa SSS at Philhealth ay ikinakaltas pa sa kanilang kakarampot na sahod ang sinasabing “Coop Share” na 50 pesos at “HMO” na 225 pesos. Lalong lumiliit ang maliit na ngang sahod ni Jimmy.

Sa huli, ang panawagan ni Jimmy ay gawing regular ang katulad nilang manggagawang kontraktwal, at mabigyan sila ng sapat na sahod at mga benepisyo.

The post #NutriAsiaWorkersStrike | Jimmy appeared first on Manila Today.