#NutriAsiaWorkersStrike | June

0
249

“Sana ay ‘wag na silang gumamit ng dahas. ‘Yung mga pulis, dinahas nila kami pero ang gusto lang naman naming mga manggagawa ay matamasa at maisulong ang aming batayang karapatan sa loob ng pagawaan.” -June Serencio, manggagawa ng Nutri Asia.

Si Pelino Serencio Jr. o June ay isang manggagawa ng NutriAsia na kamakailan ay natanggal sa trabaho bilang close packer. Siya rin ang ingat-yaman ng kanilang unyon, ang Nagkakaisang Manggagawa ng NutriAsia.

Pitong taon na siyang nagtatrabaho sa kumpanya at nakapasok dito sa pamamagitan ng isang agency, ang B-mirk, na ayon sa kanya ay hindi maganda ang pasahod at kulang-kulang ang mga benepisyong kanilang natatanggap. Kabilang pa rito ang mga iligal na deduksiyon sa kanilang arawang sahod na sinasabi ay mapupunta sa kooperatiba nila, pero hindi naman nahuhulugan ng agency nang maayos.

May kasamahan rin silang namayapa na ngunit nahirapan ang kanyang pamilya sa mga bayarin sa ospital. Nagkaroon kasi ng problema sa insurance ang kasamahan niya. Buwan-buwan naman silang kinakaltasan para mailaan sa insurance – kitang-kita naman daw ito sa pay slip – ngunit hindi nakasulat ang kanilang pangalan sa listahan ng kumuha ng insurance.

“Ito ang isa sa mga naging dahilan namin kaya humantong kami sa ganitong sitwasyon,” ani June.

Bakit nangyari ang pagkakatanggal sa mahigit 70 na manggagawa ng NutriAsia?

Ayon kay June, noong nirerehistro pa lang nila ang kanilang unyon ay pinatawag sila ng management ng NutriAsia. Noong una ay pinapapirma pa sila ng isang dokumento na nagsasabing pumapayag silang huwag nang mag-unyon kapalit ng pagtanggap ng mas mataas na posisyon sa kumpanya. Hindi pumayag si June at ang kanyang mga kasamahan. Kinabukasan, tinanggal na sa trabaho ang lahat ng opisyales ng unyon.

Hindi basta basta’ng tinanggap ng mga manggagawa ang kinasapitan ng mga kasamahan nila. Nagkasa sila ng noise barrage sa pagawaan. Pagkatapos ng palakpakan at sigawan bilang protesta sa tanggalan, pinatawag rin ng management ang iba pang manggagawa at muling nagbigay ng offer ng mas mataas na sahod, basta huwag lang silang mag unyon. Muli, hindi pumayag ang mga manggagawa.

Ani June, ang iligal na pagtanggal sa mga manggagawa ng NutriAsia ay isang uri ng “union busting”. Inakala yata ng management na kapag natanggal ang mga pinuno, matatakot na ang mga manggagawang ipaglaban ang kanilang karapatan. Ngunit maling mali sila. Nagkaisa ang mga manggagawa na maglunsad ng welga.

 

The post #NutriAsiaWorkersStrike | June appeared first on Manila Today.