Paglalakbay na naantala, salamat sa kapitalista

0
150

PALIPARANG SCHIPHOL, The Netherlands – Ano kaya ang puwedeng gawin sa loob ng mahigit 13 oras? Isipin mo, nasa loob ka lang ng paliparan. Ayaw mong gumastos nang malaki dahil sa pera mong kaunti.

Mas mainam na lang sigurong magmuni-muni. Una, bakit ba ako nasa isang dayuhang bayang atrasado nang anim na oras kumpara sa Pilipinas pero maraming dekadang napakaunlad kumpara sa ating bayang pinagkaitan? Ikalawa, bakit ba ako mistulang “preso” sa napakaganda pero nais kong iwanang paliparang ito? Ikatlo, ano ang kinalaman ng kapitalismo sa isyung ito?

Una sa lahat, naka-transit lang ako rito sa Amsterdam para magsalita sa isang pandaigdigang komperensiya ng mga akademiko sa komunikasyon sa Brno, Czech Republic. Kung nasunod lang ang plano ko, ilang oras lang ako dapat dito dahil deretso na sana sa paliparan ng Prague. Pero hindi ganoon ang “tadhana” (o baka mas akma ang salitang “itinakda.”)

Punta na tayo sa ikalawang punto ng aking pagiging “preso” sa paliparang Schiphol. Sa check-in counter sa paliparan sa Maynila, sinabihan akong nakansela ang orihinal kong connecting flight mula Amsterdam papuntang Prague. Kaya ang ginawa ng airline ay binago ang buong itinerary kung saan darating ako sa Prague makalipas ang 24 na oras mula sa orihinal na iskedyul. Siyemre, kasama na rito ang paghihintay nang 13 oras sa Amsterdam. Kay saya, hindi ba?

Tinanong ko kung bakit nakansela pero walang malinaw na sagot. Basta lang daw nangyari. Siyempre’y wala ring sagot kung bakit hindi ako naabisuhan nang mas maaga samantalang alam nila ang aking email at mobile phone number. Medyo natigilan ang staff sa NAIA nang tinanong ko kung may legal na batayan ba ang ora-oradang pagkansela nang hindi ipinapaliwanag ang dahilan. Makalipas ng ilang minuto, ang tanging naging sagot ay nangyayari daw talaga ito. Sa madaling salita, oo!

Paumanhin sa aking pulitikal na hugot, pero nasisilip natin sa sitwasyong ito ang galamay ng kapitalismo. Isipin mo na lang na maraming dahilan kung bakit nakakansela ang isang biyahe. Posibleng may diperensya sa gagamiting eroplano (pero nakakakuha naman ng kapalit, hindi ba?). Posibleng masama ang panahon (pero hindi ganoon ang kaso; mataas nga ang araw ang habang sinusulat ko ito). Posibleng lumindol nang malakas, posibleng matindi ang airline traffic, posibleng nagwelga ang mga manggagawa sa paliparan (pero ang mabilis kong sagot ay hindi po, hindi po, hindi po sa sitwasyong ito).

Dahil hindi makapagbigay ng maayos na paliwanag, hindi siguro ako masisisi kung iisipin kong ang ganitong klaseng pagkansela ay ginawa sa ngalan ng kapitalismo. Kakaunting pasahero lang kaya ang nag-book ng gusto kong iskedyul ng flight mula Amsterdam hanggang Prague? O baka naman sapat ang bilang ng pasahero pero hindi overbooked kaya nag-aalala ang mga opisyal na kakaunti lang ang aktwal na magpapakita sa boarding gate?
Overbooking. Ito naman kasi ang tinatawag sa wikang Ingles na “dirty little secret” sa airline industry. Hinahayaan ang ganitong gawi ng mga negosyante dahil dito sila kumikita nang malaki, kahit na paminsan-minsa’y napipilitan silang magbigay ng ganansya sa mga naagrabyadong pasahero tulad ng libreng airline tickets at hotel accommodations. Sa pamamagitan ng overbooking kasi nasisiguradong puno (o halos puno) pa rin ang mga biyahe kahit na may mga nagkansela at nagpa-reimburse ng ginastos.

Kapitalismo rin ang dahilan kung bakit hindi pinapansin ang reklamo ng mga naagrabyadong pasahero. Walang pakialam ang mga negosyante sa naantalang iskedyul o maging sa buhay o kamatayang sitwasyon (kung mayroon man) ng mga pasahero. Para sa kanilang basta-basta na lang itinatakda ang pagbabago sa iskedyul ng biyahe ng mga pasahero nila, sapat na ang tokenistang paghingi ng paumanhin. Tahimik na lang sila sa kanilang pagkamal ng milyon-milyong kita (o baka naman bilyon-bilyon!).

Kapitalismo ang nasa likod ng pagtanggi ng transfer desk na ire-book ako sa mas maagang flight. Bagama’t ang opisyal na dahilan ay “fully booked” ang mga biyahe, ang hindi lantarang binabanggit ay walang pakialam ang kapitalista sa mga katulad kong naagrabyado. Hindi rin kasi malinaw na makasagot ang airline staff dito nang tinanong ko kung saan ako puwedeng manatili sa loob ng mahigit 13 oras. Tinanong ko kasi kung magagamit ko ang airport lounge ng airline na ito. Oo raw kung may membership card ako. Pero kung wala, kailangan ko raw bumili (hindi ko na sasabihin kung eksaktong magkano, pero libo-libong piso po ang presyo).

Direkta kong tinanong kung bakit hindi puwedeng ipagamit sa mga naagrabyadong pasahero ang kanilang lounge. Ang tanging naging sagot ay iyon daw ang polisiya nila. Siyempre, walang kasalanan ang kawawang airline staff na araw-araw hinaharap ang anumang problema o reklamo ng mga pasahero. Sa huling pagsusuri, iyan naman kasi ang esensya ng kapitalismo.

Hindi ito isyu ng kalakihan o kaliitan ng “istorbong” ibinunga ng nangyari sa akin. Puwede kasing sabihin ng ibang hindi hamak na mas malala ang pinagdaanan nila. Totoo naman. Pero hindi tayo nagpapaligsahan ng kung sino ang nagmamay-ari ng kuwentong pinakanakakairita.

Patunay lang kasi ang kolektibong karanasan natin, sa loob at labas ng paliparan, sa patuloy na pagkondena sa mga kapitalista. Hayaan nating ang panawagan ng paglaban ang lumipad at umabot sa ulap ng ating diwa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Paglalakbay na naantala, salamat sa kapitalista appeared first on Bulatlat.