Pagligtas sa mga batang Lumad at ang gawa-gawang mga kaso

0
186

Sinadya ang pagaresto at pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga nagsagawa ng rescue operation para sa mga batang Lumad.

Ito ang naging pahayag ni dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at ACT Teachers Rep. France Castro sa isang press conference sa Quezon City sa nangyaring pag-aresto at pagkulong sa kanila ng mga pulis noong Nobyembre 28 sa Talaingod, Davao del Norte.

Inaresto at ikinulong sina Ocampo at 17 pa niyang kasamahan dahil sa isinagawang pagsagip sa mga mag-aaral ng Salugpongan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center, Inc. (STTICLCI) sa Dulyan, Palma Gil Village, Talaingod, Davao del Norte dahil sa sapilitang pagsasara ng paramilitar na grupong Alamara. Pansamantalang nakalaya sina Ocampo matapos magpiyansa ng aabot sa P1.5 milyong piso.

Pagligtas hindi pagkidnap

Nagtungo sina Ocampo at Castro para sa isang National Solidarity Mission dahil sa ulat ng presensya ng grupong paramilitar at walang pinahihintulutang pumasok na pagkain at tulong sa nasabing lugar sa loob ng tatlong lingo.

“Ang kuwento ng teacher sa amin, napilitan silang umalis dahil talagang matindi na ang pananakot sa kanila. May mga ilang paramilitary group na tinatakot na sila na kapag di sila umalis sa araw na iyon may mangyayari sa mga guro. Kaya umalis sila at sumama ang mga Pagligtas sa mga batang Lumad at ang gawa-gawang mga kaso Sinampahan ng gawa-gawang mga kaso sa pagtulong sa mga magaaral ng Salugpongan sina Ocampo. Pero nakahanda silang harapin ito at mapagtagumpayan. Ni Pher Pasion estudyante,” ayon kay Castro.

Iginiit nila Ocampo na hindi pagkidnap ang nangyari kundi aktwal na pagsagip sa mga mag-aaral at guro ng nasabing alternatibong eskwelahan dahil sa panghaharas at pananakot ng Alamara. Sinasabi kasi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na eskuwelahan daw ito ng mga rebeldeng New People’s Army.

Kinatakot ng mga guro at mag-aaral ang nasabing banta dahil sa nangyaring pamamaslang sa Executive Director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev) na si Emerito Samarca at dalawa pa noong Setyembre 1, 2015. Itinuturong mga salarin dito ang isa pang paramilitar na grupo ng AFP na Magahat-Bagani.

Ayon sa mga pulis, sinasabing may mga magulang umano na nagreklamo na isinama nila Ocampo ang mga bata na walang pahintulot ng mga magulang. Pero para kay Castro, kasama nila ang mga guro ng mga mag-aaral at umaksyon sila sa isang agarang sitwasyon para mailigtas ang mga ito sa isang tiyak na kapahamakan.

“Ang mga eskwelahan gaya ng Salungpungan ay isang boarding school. Sa umpisa pa lamang ng school year mayroon nang pinipirmahan ang magulang at guro na kasunduan na ang parental consent ay bibinibigay na sa mga guro. Emergency rescue operation iyon, wala nang oras, at that day of emergency, kailangan na naming rumesponde doon,” ayon kay Castro.

Pinlano, sistematikong pandarahas

Sa salaysay ni Ocampo, nagtungo sila sa lugar at humingi ng pahintulot sa lokal na gobyerno pero hindi nila nakaharap ang gobernador. Nagtungo din sila sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Social Welfare and Development para sa nasabing misyon pero paligoy-ligoy at hindi makapagbigay ng kooperasyon. Ito ang dahilan kung bakit sila ginabi hanggang sa dumating na ang balita na sinara na ang eskwelahan.

“Umalis na yung mga bata at teachers, naglalakad na sila sa highway at madilim na. Tapos nagkaroon ng communication ang mga teacher sa Salugpungan, humihingi sila ng tulong. Quick reaction, inorganize para i-rescue o salubungin ang mga teacher at bata,” ayon kay Ocampo.

Pagtungo nila sa lugar, hinarang sila ng checkpoint ng mga militar, nakipagnegosasyon at pinahintulutan silang makapunta sa pakay nilang lugar kaya nila nasalubong at nakuha ang mga guro at mga mag-aaral. Sa kanilang pagbalik, sinadyang lagyan ng pako ang kanilang daraanan para ma-flat ang kanilang gulong at pinagbabato ang kanilang sasakyan.

Nagpasya silang pumunta sa presinto para ipa-blotter na ang nangyari sa kanila. Pagdating sa presinto, idinukumento sila at kasamahan nilang mga bata. Inabot ito ng alas-3 ng madaling araw. Aalis na sana sina Ocampo pero hindi sila pinayagan ng mga pulis dahil umano sa seguridad sa daan at sinabihan silang magpaumaga na. Pumayag sina Ocampo dahil risonable naman ang sinabing dahilan. Pero kinaumagahan, hindi pa rin sila pinayagang umalis. Pagdating ang mga opisyal ng pulis, sinasabing inaaresto na sila sa salang “kidnapping” at “human trafficking”.

“Napaka-arbitrary ang ginawa sa amin na illegal detention at warrantless arrest at hindi man lang pinakinggan ang aming panig,” ayon kay Castro.

Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Kaloi Zarate, hanggang sa pansamantalang paglaya nila Ocampo tinangka pang gipitin ito ng mga pulis. Kinwestiyon pa umano ng mga pulis at militar at ayaw nilang sumunod noong una sa utos ng korte at pinalibutan ang buong court room. Ikinagalit ito ng hukom, ayon kay Zarate.

“Ipinapakita talaga ng PNP at militar, ang Mindanaw ay nasa ilalim ng martial law. Parang mas mataas pa sila sa proseso ng korte na kaya nilang suwayin kahit lehitimong kautusan mula sa korte at maaari din nilang labagin ang karapatan ng respondents,” ayon kay Zarate.

Pinangako ni Zarate na sasampahan din nila ng kaso ang mga may pakana sa nangyari kina Ocampo. Nais din ni Castro na mabuksan muli ang mga alternatibong paaralan dahil wala umanong nilalabag ang mga ito. Sa katunayan, magagaling ang mga mag-aaral sa mga nasabing eskwelahan. Sa halos 200 paaralang Lumad meron ang Mindanaw, 58 dito ang naipasara na nang walang anumang dahilan.

Tunay na pakay 

Hindi na bago para kay Bayan Muna Rep. Kaloi Zarate ang mga paninira sa mga paaralang Lumad at ang mga pandarahas gaya ng kinakaharap ngayon nila Ocampo. Ayon kay Zarate, ang ginagawang panghaharas at pagsampa ng gawa-gawang mga kaso kina Ocampo ay pagtatakip lamang sa tunay na mga isyu na kinakaharap ng Lumad. Nariyan ang pagpapaalis sa kanila para bigyang daan ang mga dayuhang minahan at monocrop plantations sa kanilang lupaing ninuno.

“Usapin ito ng kapabayaan ng gobyerno at usapin ito ng paggiit ng Lumad ng kanilang karapatan na sinasagasaan ng administrasyong Duterte dahil sa pilit na pagpapasara ng mga Lumad school sa Mindanaw,” ayon kay Zarate.

Dagdag pa ni Zarate, dahil sa pagkakaalam ng Lumad sa kanilang karapatan dahil sa edukasyon nagiging banta ang mga paaralang ito sa mga plano ng gobyerno para sa yaman ng kanilang lupain. Kaya naman, imbes na tugunan umano ng gobyerno ang kakulangan nito, mas pinag-aaway-away ang Lumad sa Mindanaw. Nariyaan na nagiging bahagi ng mga paramilitar at nirerecruit ng militar para maging CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit) ang ibang Lumad.

Sa kabila ng kanilang pansamantalang paglaya, hindi pa tapos ang laban nila Ocampo. Pero nakahanda silang harapin at pagtagumpayan ang mga binibintang sa kanila at ipaglabang mabuksan muli ang mga alternatibong paaralan ng Lumad.