Pagtutol sa Anti-Terrorism Act: Saan ito patungo?

0
242

Noong nakaraaang Hulyo 18, 2020, ayon kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, naging epektibo na sa ating bansa ang Republic Act 11479 o ang Anti- Terrorism Act.

Maala-ala na ilang araw pa lamang matapos itong lagdaan ng Pangulo noong Hulyo 3 ay ilang grupo na ng mga human rights advocates ang nagsampa ng kaso sa Korte Suprema upang hamunin ang legalidad ng batas na ito dahil sa paglabag sa ating Saligang Batas.

Kasama ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), kabilang ang inyong lingkod sa mahigit walong grupo na nagsampa ng kaso sa Korte Suprema upang labanan ang batas na ito.

Inaasahang madadagdagan pa ang bilang ng mga grupong magsasampa ng kaso laban sa Anti-Terrorism Act.

Malungkot isipin ngunit ngayon pang gitna tayo ng pandemya ay saka pa naisipan ng Kongreso na maglabas ng mapanupil na batas na ito.

Kung titingnan natin kasi, maliwanag ang paglabag ng batas na ito sa 1987 Philippine Constitution.

Una ay ang karapatan ng bawat mamamayan upang maging pribado at huwag pakikialam ng Estado sa kanyang pakikipag-usap kaninuman maliban lamang kung may legal na batas tungkol dito.

Ayon kasi sa Sec.16 ng Anti-Terrorism Act, ang pakikipag-usap ng isang taong pinaghihinalaang terorista ay maaring lihim na pakinggan o i-record ng isang pulis o militar sang-ayon sa utos ng Court of Appeals batay sa ex-parte application tungkol dito ng nasabing pulis o militar na sinasang-ayunan ng Anti- Terrorism Council.

Pinaghihinalaan ka pa lamang at wala pang maliwanag na batayan na ikaw ay isang terrorista ngunit maari ng pakialaman ng mga ahente ng gobyerno ang iyong mga pribadong komunikasyon nang hindi mo nalalaman.

Ang lihim na pagmamanman at pagre-record ng iyong mga usapang ito ay ibibigay ng Court of Appeals sa pulis o sa militar sa pamagitan ng isang aplikasyong ex-parte na sinasang-ayunan ng Anti- Terrorism Council.

Ang ibig sabihin ng salitang ex-parte ay hindi na nila pakikinggan ang inyong panig at bibigyan na lang ng karapatang mag-surveilance ang pulis o militar sa inyong mga pribadong gawain nang hindi natin nalalaman.

Paano na lang ang ating right to privacy and communication na ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas?

Isa pa rin sa probisyon ng Anti-Terrorism Law na ating tinututulan ay ang Sec. 25 ng nasabing batas, pati na ang Sec. 26 at 27 nito.

Ayon sa Sec. 25, maaring itakda ng Anti-Terrorism Council na terorista ang isang tao o isang samahan basta may nakikita ang Anti-Terrorism Council na “probable cause” sa bagay na ito.

Ang ibig sabihin nito ay hindi na kailangan ang buong proseso ng pagdinig at maaring itakda na isang terorista ng Anti-Terrorism Council. ang isang tao o samahan batay lamang sa deklarasyon ng pulis o militar at laban sa kanya.

Ang kanyang mga pag-aari naman tulad ng bank accounts at iba pa ay maaring pagbawalan siyang galawin.

Isipin natin na ang Anti- Terrorism Council ay hindi naman husgado kungdi binubuo ng mga executive department secretaries na itinalaga ng Pang. Duterte.

Sa Sec. 26 at 27 naman, ay sinasabi na maaring ang Court of Appeals ang magdeklara sa isang samahan o organisasyon bilang terorista dahil hinihingi ito ng Department of Justice, at may karapatan ang Court of Appeals na maglabas ng preliminary order of proscription sa loob ng 72 oras.

Ibig sabihin nito ay hindi pa man naririnig ang panig ng KMU, Bayan, Gabriela at iba pang progresibong samahan o asosasyon ay maari na silang pansamantalang ideklarang terorista habang dinidinig pa ang kaso laban sa kanila .

Paano naman ang kanilang freedom of association at right to due process ayun sa Bill of Rights ng ating Saligang Batas?

Ngunit hindi lamang yun, mga kasama.

Tinututulan din natin ang Sec. 29 ng nasabing batas na nagsasabing ang isang taong pinaghihinalaang terorista ay maaring hulihin at ikulong sa loob ng 14 hanggang 21 na araw na walang kaso ng pulis o militar ayon sa utos ng Anti- Terrorism Council.

Ngunit ayon sa ating Saligang Batas, tanging isang huwes lamang ang may karapatang magpakulong sa isang tao sa pamamagitan ng paglabas ng mandamiento de aresto o warrant of arrest. Ang Anti-Terrorism Council ay hindi huwes at walang karapatang maglabas ng warrant of arrest.

Isa pa, nakasaad din sa ating Saligang Batas ang karapatan ng isang akusado sa isang mabilis na paglilitis.

Nakapagtataka kung bakit binibigyan ng batas na ito ng 14 hanggang 21 araw pa ang pulis o militar bago sila magsampa ng kaukulang kaso sa taong pinaghihinalaang terorista.

Sa ating Saligang Batas, nakasaad na dapat sampaan ng kaso sa loob ng tatlong araw ang isang nakakulong kahit na suspendido ang pribilihiyo ng writ of habeas corpus, kung hindi man, siya ay dapat palayain.

Higit sa lahat, pinalawak ng Anti-Terrorism Act ang ibig sabihin ng terorismo.

Ayon sa Sec. 4 ng batas na ito ay nagkasala ng terorismo ang sinumang gumawa ng hakbang na maglalagay sa panganib sa buhay ng ibang tao upang makalikha ng public emergency.

Napakalawak ng depisyong ito kung kayat sinabi ng Human Rights Watch na ang pagsisimula ng away sa loob ng isang inuman ay maaring sakop sa depinisyong nabanggit.

Sinabi rin ng Commission on Human Rights na maaring gamitin ang batas na ito laban sa mga mamamayang gumagawa lamang ng kanilang batayang karapatan tulad ng karapatang mag-ingay laban sa mga pagkukulang ng ating gobyerno.

Sa ngayon, ang bola ay nasa kamay na ng Korte Suprema.

Bagamat ang karamihan sa mga Supreme Court Justices ay itinalaga ni Pang. Duterte, umaasa pa rin tayo na pakikinggan nila ang ating hinaing sa bagay na ito at mananaig ang kanilang pagtingin sa ating Saligang Batas.

Sa ngayon ay huwag tayong tumigil sa pagsigaw: Anti- Terrorism Law, ibasura!