Pahayag ng Anakbayan-UP Manila hinggil sa #lonsileaks, frat-related violence

0
192

Kinukundena ng Anakbayan UP Manila ang mga anti-kababaihan at anti-mamamayang pahayag ng mga miyembro ng Upsilon Sigma Phi Fraternity (Upsilon) sa isang kumalat na group chat. Sa pahayag ng Upsilon na pagkundena sa diskriminasyon laban sa mga sektor na nadawit sa group chat, ipinanawagan namin na mapapanagot ng fraternity ang kanyang mga miyembro na sangkot sa gayong mapaminsala at hindi produktibong gawi. Hinihingi rin namin ang kanilang aktibong papel sa pagkakaroon ng mapayapang resolusyon sa mga insidente ng frat-related violence.

Nakababahala na ang mga kamuhi-muhing mga pananaw na nabasa ng madla sa group chat na iyon ay katulad ng mga kasuklam-suklam na pananaw at pahayag ng pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte (hal. sa mga tinuran ni Duterte ang pagpapabomba sa mga paaralan ng Lumad, guguyurin sa harap ng mga drayber ang jeep nila, pagsasabing maraming rape sa Davao dahil maraming magandang kababaihan doon, ‘mayor ang dapat nauna’, pag-uutos sa pagsasagawa ng gera laban sa mga komunista sa paraang labag sa international humanitarian law, at iba pa). Nakalulungkot na ang mga binitawang pahayag ni Duterte ay nakaimpluwensiya sa ilang mga miyembro ng Upsilon. Malamang maraming iba pang naimpluwensiyahan, hindi lamang sa mga fraternity kundi lalo pa nga sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Aktwal na isinasakatuparan ng AFP at PNP sa mga operasyon nito ang mga nasabing pananaw ng pangulo, kung kaya’t libu-libo ang napatay na saspek sa gera kontra droga, libu-libo ang apektado sa militarisasyon sa kanayunan, higit isang daan ang pulitikal na pamamaslang sa ilalim ni Duterte at napakaraming paglabag sa karapatang pantao at walang napapanagot. Dagdag pa ang de facto martial law sa bansa, nagpatapang ang mga pahayag ni Duterte sa AFP at PNP at nananaig sa bansa ang isang kultura ng walang pakundangan (culture of impunity). Habang nananawagan kaming panagutin ang mga miyembro ng Upsilon sa mga iresponsableng pahayag sa group chat, nananawagan din kaming panagutin ang rehimen na promotor ng ganitong mga pananaw. Hamon sa organisasyon ng Upsilon na itakwil ang anti-kababaihan, anti-mamamayan at militaristang pananaw ng rehimeng Duterte at makipagkaisa sa mamamayan sa paglaban sa pasistang si Duterte.

Ang kultura ng karahasan sa mga fraternity ay inanak ng dekadente, patriyarkal at pyudal na sistema ng lipunan. Hindi rin kumpletong malalabanan o mapapawi ang kultura ng karahasan kundi lalabanan ang nabubulok na sistemang ito. Naiba ang oryentasyon ng mga college fraternity sa bansa sa paglakas ng kilusang anti-imperyalista sa panahon ng First Quarter Storm, kung saan malaki ang naging papel ng mga fraternity sa pagpapabagsak sa diktaduryang Marcos. Kung kaya’t hinihikayat namin ang mga fraternity at iba pang organisasyon na ibuhos ang lakas, enerhiya at tapang sa kilusan para sa panlipunang pagbabago, gaya na lamang ng ipinamalas nila noong FQS, Edsa 1 at Edsa 2.

Hamon din namin sa lahat ng organisasyon ng kabataan na gawing ehemplo ang pagpupunyagi ng pinakaunang kapatiran sa bansa: ang Kataas-taasan, Kagalang-galangan, Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) na itinaguyod nina Andres Bonifacio. Ibinuwal ng Katipunan ang 333 taong paghahari ng kolonyalistang Kastila sa bansa. Humalaw tayo ng inspirasyon sa KKK at kay Bonifacio na nagawang pagkaisahin at pukawin ang buong bayan sa isang pinakamakabuluhang adhikain.

Malaking hamon sa kabataan ngayon ang labanan at wakasan ang tiranikong rehimeng nagpapalaganap ng anti-kababaihan, anti-mamamayan at anti-nasyunal na pananaw at patakaran. Higit pa rito, ipamalas natin sa buong bayan na ang kabataan ay handang kumilos para magkaroon ng tunay na makatarungan, demokratiko at malayang lipunan.

The post Pahayag ng Anakbayan-UP Manila hinggil sa #lonsileaks, frat-related violence appeared first on Manila Today.