Pahayag ng Migrante Middle East sa pagbisita ni PBBM sa UAE

0
96

Trabaho sa Pilipinas, Hindi sa Labas!

Sa darating na Nobyembre 26, 2024 ay nakatakdang bumisita si Pangulong Marcos sa United Arab Emirates para lalo pang pagtibayin ang paglalako sa mga mangaggawang Pilipino sa ibayong dagat sa pamamagitan ng Labor Export Program at patindihin ang pagsikil sa karapatan ng mga migranteng Pilipino.

Ang pagbisita ay sa kabila ng kaliwa’t kanang drama at awayan ng dalawang paksyon ng naghaharing kampon ng kasamaan, ang pagkating Marcos at Duterte, katatapos na mga bagyo at patuloy na matinding krisis pang-ekonomiya. Hindi na bago sa Rehimeng Marcos Jr. ang pagbisita sa iba’t ibang mga bansa para ilako ang mga mangaggawang Pilipino sa ibayong dagat at mamalimos ng Foreign Direct Investments. Mula sa mga nakaraang rehimen hanggang sa kasalukuyang ay iisa lamang ang kwento ng mga pagbisita sa ibat ibang bansa, ito ay makakapagbigay diumano ng trabaho at magpapalakas sa ekonomiya ng bansa. Ngunit kabaliktaran ang nangyayari sa mga pagbisita, ang bawat rehimen ay namamalimos ng proyekto mula ibayong dagat na hindi naman napapakinabangan ng malawak na mamamayang Pilipino.

Imbis na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industralisasyon, mas abala ang kasalukuyang rehimen sa pagpapatupad ng Labor Export Program at panlilimos sa banyagang pamumuhunan na wala namang direktang kapakinabangan sa malawak na sambayanang Pilipino.

Sa pagpapatuloy ng ganitong sistema, asahan natin na hindi ito makakalikha ng trabaho at makakapagbigay ng nakabubuhay na sahod para sa mamamayan.

Habang abala ang kasalukuyang rehimen sa pagbebenta ng murang lakas paggawa sa ibayong dagat, inutil ang Rehimeng Marcos at mga ahensya nito na bigyang proteksyon ang mga migranteng Pilipino. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naibibigay ang full compensation ng mga mangaggawa na biktima ng Saudization. Nagpapatuloy ang malawakang pang-aabuso sa mga Pilipinong Migrante sa Middle East. Hindi natutugunan ng Department of Migrant Workers ang malawakang isyu ng contract substitution, Human Trafficking, iba’t ibang klase pang-aabuso ng mga employers, kagaya ng sexual at physical abuses sa mga domestic workers, at repatriation sa mga naiipit ng gyera sa Middle East. Inutil ang Department of Migrant Worker sa pagtulong sa mga nabibiktima ng pang-aabuso dahil mas abala ang ahensya sa pagpapatupad ng pagpapataw ng singilin sa Philheatlh, SSS, Pagibig, OWWA at OEC.

Sa isang araw na pagdalaw ng Pangulong Marcos sa UAE, sinabi niya na hindi na niya mahaharap ang Filipino community dahil madami pa raw kailangang ayusing problema sa ating bansa. Pero kung ating susuriin hindi naman seryoso at sinsero na makikinig ang kasalukuyang Rehimen sa tunay na kalagayan ng mga Migranteng Pilipino dahil ang polisiya nito ay ibenta ang kanyang mamamayan at hindi seryosong tugunan ang karaingan nating mga Migrante Pilipino. Sa halip, malamang na mas pagkaabalahan niya ang pagpirma sa mga kasunduang inihahanda ng dalawang gubyerno mula pa nitong mga nagdaang buwan, na malayong ihayag nila sa publiko.

Sa ganitong kalagayan, marapat lamang na ipanawagan natin ang paglikha ng trabaho sa ating bansa. Hindi matutugunan ng kasalukuyan sistema ang karaingan nating mga Migrante. Ngayong tumitindi ang awayan ng mga nasa kasalukuyang naghaharing paksyon sa politika, kailangang magkaisa ang mga Migranteng Pilipino sampu ng kanilang pamilya, at makiisa sa sambayanan, upang ilantad ang mga magpalinlang na mga boladas at pangako ng pagbabago.

Tutulan ang Labor Export Program! Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon para sa tunay na masagana at malayang Pilipinas!