Pakikibaka sa NutriAsia

0
207

Karapatan. Karahasan.

Ang una’y ipinagkakait ng Estado at kompanya ng NutriAsia Inc. sa mga manggagawa nito. Ang pangalawa nama’y sagot ng “condiments giant” sa kanilang lehitimong mga hinaing.

Hataw ng batuta, pambubugbog at panunutok ng baril ang isinagot ng pulisya sa hinaing ng mga manggagawa ng NutriAsia na nagsagawa ng picket protest magmula noong Hunyo 14.

“Parang baboy (kaming) pinagdadampot,” sabi ng liderunyon na si JC Gerola. Isa siya sa tinanggal na limang opisyal matapos nilang buuin ang Nagkakaisang Manggagawa ng NutriAsia Inc.

Bilang pagtuligsa sa pagtanggal sa trabaho ng limang lider, nagsagawa ng handclap protest noong nakaraang Mayo 23 hanggang Mayo 26 ang iba pang kasamahang manggagawa at miyembro ng unyon.

Sa muling pagkakataon, pagtanggal sa trabaho ang isinagot ng NutriAsia. Mahigit 40 manggagawa ang muli pang nawalan ng trabaho, ayon sa unyon.

Dahil dito, pinili na ng mga manggagawa na magdaos ng picket protest upang mapalakas ang kanilang panawagan. Sa mga kuha ng protesta, makikita ang mga larawan at video ng pandarahas sa mga manggagawang humihingi lamang ng regularisasyon at sapat na suweldo.

Karapatan ng mga mamamayan ang makapagprotesta nang mapayapa. Ngunit kulong at bugbog ang salubong sa kanila ng mga pulis na naturingang tagapagtanggol ng bayan. Mayroong 23 manggagawa ang pinagdadampot at kinulong ng mga pulis na hanggang kahapo’y hindi pa hinahainan ng mga kaso.

“Itong mga kapulisan parang buwayang gutom,” ani ni Gerola.

Ngunit ang tunay na kalam ng sikmura ay mula sa mga maralitang manggagawa na nakakatanggap lamang ng P380 sa walong oras ng pagtatrabaho. Ayon kay Gerola, binuo ang unyon upang matugunan ang kulang-kulang na suweldo, kawalan ng benepisyo at hindi maayos na regularisasyon.

Ang malawakang kontraktuwalisasyon sa mga manggagawang Pilipino–o kawalan ng seguridad sa trabaho at karapatang magunyon– ang ilan lang sa mga isyung pinangakong lulutasin ng administrasyong Duterte.

Sa kabila ng pandarahas na sumalubong sa mga manggagawa, mas kapansinpansin ang katahimikan mula sa NutriAsia at rehimeng Duterte.

“Yung tatlong beses na nakikipagnegosasyon na kami, ‘yung NutriAsia, ‘yung management, hindi humaharap sa amin,” paliwanag ni Gerola.

Samantala, walang maririnig na imik o pagkondena mula sa administrasyong Duterte na nangakong papanig sa mga
maralita’t nasa laylayan.

Karapatan. Karahasan.

Malinaw sa mga mamamayan kung alin ang pinapanigan ng gobyerno at ng naghaharing uri.