Palaruan sa butas na pader ng Katuparan

0
365

slide

Palaruan ng mga bata ng Katuparan. KR Guda
slide

Cora at isa sa mga apo niya. KR Guda
slide

Kinuhanan ni Cora ang slug ng bala na nakuha sa lugar kung saan nabaril ang apo. KR Guda
slide

Sumilip sa kabaong ng labi ng kanyang kapatid si Alvin, 17. KR Guda
slide

“Pinagtatanggol niya ‘yung mga kaibigan niyang inaapi,” kuwento ni Chinchin, nakakatandang kapitbahay nina Aldrin at kasintahan ni Alvin. KR Guda
slide

Nakita ng mga bata ang marka ng dalawang palad sa beam na natira sa gumuhong bahagi ng pader. “Ngayon lang namin ito nakita,” sabi ng isa. “Parang dugo. Parang kamay ni Ilong.”
slide

Si Ella (di tunay na ngalan), nakababatang kapatid ni Ilong. KR Guda
slide

Tanaw mula sa isa sa mga butas sa pader kapwa ang dating slaughterhouse at ang mga bagong condominium na tayo sa Tondo, di kalayuan sa Katuparan. KR Guda
slide

Ang lubluban ng mga kalabaw at baka, pinaliliguan din ng mga bata. KR Guda
slide

Patuloy ang paglalaro ng mga bata sa dating slaughterhouse. Abie Alino

PrevNext


May karagdagang ulat ni Abie Aliño

Magpapakabata ang mga bata. Maglalaro sila, magtatatakbo, maghaharutan. At kung walang lugar para sa mga ito, maghahanap at maghahanap sila. Sa mga kalsada, saan mang may kaluwagan. Magpapakabata sila.

Mahirap maging bata sa Katuparan Tenement Housing sa Vitas, Tondo, Manila. Maputik, marumi at masikip ang mga eskinita, habang mapanganib ang nabubulok nang mga pader at hagdan ng bilding na mga tirahan. Dekada ’90, naging relokasyon ito ng mga maralitang pinaaalis sa iba pang lugar sa Maynila. Pinagigitnaan ito ng dating bundok ng basura, maruming ilog at katayan ng hayop. Sa mahigit dalawang dekada, unti-unti at sadyang binulok ang bilding. Pero dumami ang nakatira. Dumami ang mga bata.

Unti-unti na ring gumuguho ang pader sa pagitan ng katayan at Katuparan. Nagkarooon ito ng malalaking butas na kasya ang mga bata. Nakita ng mga residente ang kabila ng bakod: Maluwag, tinitirhan ng mga baka. Sa di-kalayuan, may pinatatayong tirahan ng mga manok-panabong at sabungan (ni Atong Ang, diumano). Nakita ito ng mga bata, at nakahanap sila ng paglalaruan.

Dito tumatambay sina Aldrin, 13. “Ilong” ang bansag sa kanya ng mga kalaro dahil sa lapad ng ilong, pero niyakap na rin niya ang katawagang ito. Dito sila naglalaro, nagsisipa, minsan namumulot ng bakal para maibenta. Sa mga panahong katulad ngayong tag-init, ang paliguan ng mga baka’t kalabaw, naging lubluban na rin ng mga bata. Kapag nakikita ng mga guwardiya, nasisita, hinahabol. Kapag napapadpad na malayo sa pader, hinahabol ng mga tauhan ng slaughterhouse. Minsan, tinitirador.

Marso 2, alas-otso ng gabi, tumambay muli sina Ilong sa butas. Bago nito, galing siya ng eskuwela—sa Vicente Lim Elementary School kung saan graduating siya, Grade 6. Kabibili lang niya ng panindang Red Horse sa Building 13. Kalilibre lang niya ng softdrinks sa mga kapatid dahil nakadelihensiya mula sa pamumulot ng bakal.

Nakaupo siya sa gumuhong bahagi ng pader, kaharap ang karimlan ng slaughterhouse. Kasama niya si Nano, 13. Maglalaro sila ng sipa. “May bigla pong nag-flashlight. Bigla po siyang inilawan,” kuwento ni Nano. “At binaril.”

Sa ikatlong palapag ng Building 8, nagpapatulog ng pitong buwang-gulang na apo si Cora. Nakahiga na ang kanyang asawa at naghahanda na ring matulog. Nagulat sila sa putok. Mula sa direksiyon ng pader. “Nabigla siya (asawa) at hindi agad makatayo,” ani Cora. Kinutuban na siya. Tinulungan niya ang asawa at tiningnan ang pinagmulan ng putok.

Mga sampung minuto na ang lumipas. Si Nano na lang ang naabutan niya. Kilala niyang kalaro ito ng kanyang apo, si Ilong. “Naglalaro lang po kami sa butas…” ani Nano. Kinuwento ng kalaro ang nangyari. Naglakad pa si Ilong papunta sa direksiyon ng bahay. Sinabi na niya kina Nano na binaril siya. Pero akala niya, nagbibiro lang si Ilong. Palabiro kasi ito. Nang makarating malapit sa bahay, nandun si Allan, ang tatay niya.

Natumba na si Ilong. Hawak niya ang kanang tagiliran, pero lumabas pala ang bala sa kaliwa. Dumurugo rin siya sa kaliwa. Naghanap agad si Allan ng traysikel at tinakbo sa Tondo General Hospital.

Nakapagsalita pa si Ilong. “Tay, lalabanan ko ito. Lalaban tayo…”

Pagdating nina Cora sa ospital, nandun na si Allan. Nars ang kumausap sa kanila. “Dasal na lang po ang magagawa natin,” sabi sa kanya ng nars. Pinapirmahan ng nars si Allan, dahil ooperahan si Ilong at nauubusan na ng dugo. Wala nang magawa, bumalik silang mag-asawa sa Katuparan. “Sabi ko sa asawa ko, sweetheart, pasok muna tayo sa slaughterhouse,” ani Cora. Gusto niyang makita ang lugar kung saan nabaril ang apo. At baka nandoon pa ang bumaril.

Sa loob ng slaughterhouse, naabutan niya ang barangay chairman at ilang taga-barangay. Nandoon na rin ang mga pulis. “Nahalata ko (iyung isang pulis), kasi tagaktak ang (kanyang) pawis,” kuwento ni Cora. Noong dumikit siya sa isang kagawad, biglang lumayo ang pawisang pulis.

Binalikan ni Cora si Nano: Nakita mo ba ang namaril? “Naka-mask, tapos naka-t-shirt na puti. Nakapantalon ng pang-pulis at naka-belt bag,” sabi ni Nano kay Cora. Hindi naman nag-uuniporme ang guwardiya na ganoon. Naka-orange ang mga guwardiya. Pulis lang ang nagsusuot ng ganoong t-shirt.

Bumalik sila ng bahay. Alas-dos y medya ng madaling araw, kumatok si Allan. Wala na raw si Ilong.

Umaga na ng Marso 5 nang mabalitaan nina Allan at Cora na sumuko na ang isang PO2 Omar Malinao sa Homicide Section ng Manila Police District. Umamin daw ito na nabaril niya si Ilong. Aksidente lang daw ang pamamaril.

Pero hindi makapaniwala rito sina Cora. Malinaw ang kuwento ni Nano: Inilawan ng flashlight si Ilong, saka binaril. Desidido silang ituloy ang kaso. Nag-alok ang hepe ng ayudang pinansiyal para sa pamilya, pero siniguro muna ni Cora na kung tatanggapin nila ito, hindi ibig sabihi’y iaatras na nila ang kaso. Mahirap magtiwala sa imbestigador na kasamahan din ng akusado.

Magmula nang ma-convert ang slaughterhouse para gawing cockpit arena ng diumano’y tagapayo/kaibigan ni mismong Pangulong Duterte, binabantayan na ng mga pulis ang lugar. Bahagi ito ng plano ng lokal na gobyerno ng Maynila para i-convert ang buong lugar para gawing lugar ng negosyo. Di kalayuan, nagtatayugan ang bagong tatag na mga condominium, tanaw sa bintana ng mga residente ng Katuparan. Tila nangungutya ito sa kanila. Tila nagsasabing wala kayong lugar dito. Umalis kayo. Kapag nagpumilit kayo, kapag nanlaban kayo, malilintikan kayo. Baka mabaril kayo.

Ilang araw matapos ang pamamaril kay Ilong, bumalik ang mga bata sa butas na pader, sa malawak na lugar ng slaughterhouse. Maghahanap at maghahanap sila ng lugar na paglalaruan. Magpapakabata pa rin sila.