Naibalik man sa ibang lugar ang suplay ng tubig matapos ang ilang linggong pagtitiis, katakut-takot na gastos at abala naman ang dinulot nito sa mga karaniwang Pilipino. Lunod na lunod naman ang mga Pilipino sa pagpapalusot at pagtuturuan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Manila Water Company sa kawalan ng suplay ng tubig sa ibang bahagi ng Metro Manila. Sila, ayon sa batas at mga kontrata, ang dapat managot
Ayon sa Republic Act (RA) No. 6234, mandato ng MWSS ang “siguraduhin ang pagkakaroon ng walang patid at sapat na suplay at distribusyon ng malinis na tubig para sa pantahanan at pangkalahatang gamit.” Idinidiin ng batas na ito ang kahalagahan ng tubig bilang serbisyong pampubliko dahil kritikal ito sa kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Samantalang sa kasunduan naman sa Manila Water, nakalista sa Artikulo 5.1.2. ang kawalang-tigil ng suplay bilang isa sa mga obligasyon ng kompanya. Sinimulan na ng komite ng Senado na tumututok sa pampublikong serbisyo ang pagdinig para sa biglang pagkawala ng tubig sa kanlurang bahagi ng lungsod, na nagsimula pa noong Marso 6.
Sa bagal at kawalan ng maayos na tugon, kinailangan pang saluhin ng mga volunteer na bombero ang pagseserbisyo sa mga tao. Hindi bayad ang serbisyo ng mga bomberong lumilibot sa mga komunidad upang makapaghatid ng makakayanang tubig sa mga residente. Paminsan pa nga’y umaabot ng sampung oras ang kanilang shift.
Nang tanungin ng Senado kung magbibigay ang Manila Water ng diskuwento sa mga naapektuhan ng gawagawang krisis, tanging tugon lang ng kanilang presidenteng si Ferdinand Dela Cruz ay ang pagaaral ng Manila Water sa sunod na mga hakbang. Kung nababahala ang Manila Water sa maaaring pagbawas ng kanilang kita, lumilitaw lang ang likas na pagkaganid ng korporasyong hindi bababa sa P3-Bilyon ang kinikita kada taon.
Kung gaano kabilis ang pagkawala ng tubig sa libo-libong kabahayan, ganoon naman kabagal ang tugon ng MWSS at Manila Water. Kita na mismo sa batas ang pananagot ng MWSS, ngunit hindi pa rin nakapaglilinaw ang kanilang opisina sa mga hakbang pasulong. Sa Manila Water naman, patawad pa lamang ang naiaalay, kahit hindi masasapatan ng ano pang paghingi ng tawad ang libo-libong ginastos ng mga Pilipinong hindi na nga matahimik sa taas ng presyo ng mga bilihin.
Sa ilalim ng batas, malinaw kung sino ang dapat managot. Kailangang itulak ang Kongreso na masusing imbestigahan ang Manila Water. Isama na rin ang Maynilad, na hindi naman kaiba sa Manila Water sa oryentasyong unahin ang kita bago ang paglilingkod. Kailangan ding uriratin ang MWSS, na kasapakat ng dalawang water concessionaires kapwa sa paghuhuthot sa mga konsiyumer at sa maiitim na balak nitong tulad ng pagtatayo ng mapanirang mga dam.
Sa pakikipaglaro ng gobyerno sa mga negosyante, ang tanging malinaw pa lamang ay kung sino ang naagrabyado: masang Pilipino.