Pandemya sa lugar-paggawa

0
342

Inanunsiyo ni Pangulong Duterte ang pagbabalik sa general community quarantine (GCQ) ng Kamaynilaan, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan nitong Agosto 17. Sa kabila ito ng pagdami ng nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa. Marami sa mga bagong kaso, mga manggagawa.

Ayon kay Sec. Carlito Galvez Jr., punong tagapagpatupad ng tugon ng gobyerno sa pandemya, “Nakita natin na ang pinakakritikal na erya ngayon ay ang mga lugar-paggawa. Yung tinatawag natin na economic hubs at ’yung tinatawag nating industries.”

Sa Laguna, isa sa pinakamaraming kaso ng Covid-19, natukoy na nagkakaroon na ng “cluster” ng impeksiyon sa industrial zones mula nang magbalik sa full operation ang mga pabrika sa probinsiya.

Sa tala ng lokal na pamahalaan, nasa 5,513 na ang kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa probinsiya. Kalakhan dito’y mula sa Santa Rosa, Calamba, Biñan, San Pedro at Cabuyao, mga lugar na may pinakamaraming special economic zones at malalaking pabrika.

Kumakalat sa engklabo

Sa nakalap namang ulat ng Covid-19: Labor Watch, grupo ng mga unyon at samahang manggagawa na nakatutok sa paglaganap ng naturang sakit sa Timog Katagalugan, kabilang sa mga pabrikang may kumpirmadong kaso sa Laguna ang Gardenia, Ftech, Alaska, Coca-Cola, Imasen, Technol Eight, Optodev, Interphil, Edward Keller, Toshiba at Nexperia.

Pansamantala na ring ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Laguna ang Nidec Philippines Corp. matapos magpositibo ang 189 sa 8,000 manggagawa nito noong Hulyo 31.

Lalo tuloy nabahala ang Institute for Occupational Health and Safety Development (Iohsad) dito. Kung kaya, nanawagan ito sa gobyerno na tukuyin at tugunan ang tunay na sanhi ng pagkalat ng impeksiyon sa mga pagawaan.

Kataka-taka kasi umano na lumolobo ang kaso ng mga nagkakasakit na manggagawa sa kabila ng sinasabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na 77.24 porsiyento ng 35,729 negosyong dumaan sa monitoring noong Hunyo hanggang Hulyo 2020 ang sumusunod sa mga panuntunan ng gobyerno laban sa pagkalat ng Covid-19.

“Itong sinasabi ng DOLE na mataas na compliance rate ay hindi dapat ituring na tagumpay lalo’t tumataas ang bilang ng mga positibong kaso ng Covid-19 sa mga manggagawa. Palpak ang mahihinang panuntunan ng gobyerno sa pagprotekta sa mga manggagawa,” ani Nadia De Leon, executive director ng Iohsad.

Mga manggagawa ng Nexperia sa Laguna, nanawagan ng libreng mass testing at proteksiyon sa kanila sa panahon ng pandemya. Kontribusyon

Hawahan sa pagawaan

Ayon kay Mary Ann Castillo, pangulo ng Nexperia Workers’ Union, sumusunod naman ang Nexperia sa mga panuntunan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID). May pumupunta rin umanong opisyal ng City Health Office (CHO) para tingnan kung sinusunod ang safety protocols sa pabrika.

“Mahigpit sila sa pagpapasunod, pero sa dami namin – halos 100 porsiyento ang pumapasok – mahirap masunod ang physical distancing lalo na sa locker rooms, shoerack, kantina at production areas,” ani Castillo.

Para kay Castillo, ang paglobo ng bilang ng nagkakasakit sa mga manggagawa ay bunga ng “kapalpakan ng gobyerno sa kawalan ng maayos na sistemang pangkalusugan, kakulangan sa mga Covid-19 testing, isolation at quarantine facilities, at contact tracing.

“Naghahawaan ang manggagawa dahil sa kawalan ng pasilidad. Kung nagpositibo, may sintomas man o wala, pauuwiin lang sa bahay o boarding house na may kasama ring ibang manggagawa. Wala namang ibinibigay na ayuda kaya maski takot na madapuan ng virus ay sinusuong ang panganib sa araw-araw na pagpasok sa trabaho para may suwelduhin,” aniya.

Ang problema pa, sinasalo ng mga manggagawa ang epekto ng pandemya sa kanilang kompanya.

“Umaaray na ang mga manggagawa, lalo na ang mga nagpositibo sa Covid-19 at mga hindi pinapapasok o pinapauwi ng kompanya dahil sa ‘No work, no pay’,” ani Castillo.

“Ubos na ang kanilang leave credits na pilit ipinapagamit mula pa noong sumabog ang bulkang Taal noong Enero 2020 at ng magsimula ang community quarantine o lockdown noong Marso. Wala ring hazard pay na ibinibigay sa mga manggagawa gayung sumusuong sila sa panganib ng pandemya sa araw-araw na pagpasok sa trabaho,” aniya pa.

Mayroon nang 51 kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa Nexperia.

Joint Memorandum Circular

Naglabas naman ang DOLE at Department of Trade and Industry (DTI) ng panibagong panuntunan para mapigilan ang lalong pagkalat ng sakit sa mga lugar-paggawa na ayon sa National Task Force against Covid-19 (NTF) ay dahil umano sa mga paglabag sa panuntunan sa social distancing.

Sa inilabas na Joint Memorandum Circular No. (JMC) No. 20-04 noong Agosto 15, itinakda na kailangan laging magsuot ng face mask at face shields sa loob ng mga pagawaan. Iniutos din nitong tiyakin ang physical distancing, madalas na disinfection at pagpapaskil ng mga paalala sa tamang paghuhugas ng kamay. Dapat din umanong magtakda ang mga lugar-paggawa ng mga indibidwal na “booth” para sa paninigarilyo.

Samantala, hinihikayat ang malalaki at katamtamang negosyo na magbigay ng shuttle service na may paskil na “Bawal Mag-usap”, “Bawal Kumain”, at “Bawal Makipag-usap sa Telepono”.

Dapat din daw maglaan ang malalaki at katamtamang kompanya ng isolation areas na may isang kuwarto kada 200 manggagawa.

Nakasaad din sa JMC na hinihikayat ang mga kompanya na makipag-tulungan sa pambansa at lokal na mga pamahalaan para sa pagsisikap sa drive-thru o walk-in na pasilidad sa testing.

Kabilang sa dapat dumaan sa real-time reverse trans-cription-polymerase chain reaction (RT–PCR) test, ang mga manggagawa sa turismo, manupaktura, transportasyon at logistics, food retail, edukasyon, serbisyong pampinansya, non-food retail, services, public market, konstruksiyon, pampublikong sektor, at mass media.

Tila hindi naman magkasundo ang DOLE at DTI sa interpretasyon ng JMC hinggil sa testing. Para sa DOLE, ang mga manggagawa sa mga nabanggit na sektor ay dapat dumaan sa RT-PCR test. Iba ito sa sinasabi ng DTI na ang mga may sintomas lang na mga manggagawa ang dapat dumaan sa test.

Ayon din sa DOLE at DTI, dapat sagutin ng mga employer at hindi ng manggagawa ang gastos sa testing. Inalmahan ito ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP).

“(Umaabot sa) 90 percent ng enterprises ay micro and 65 percent of the workers come from them. Pagka ni-require mo ‘yan, ang estimate namin sa mga micro na hindi na magbubukas mga 50 percent na siguro. Madadagdagan pa yon,” ani Sergio Ortiz-Luis Jr, presidente ng ECOP.

Manggagawa sa piyer, nanawagan ng libreng mass testing. Kontribusyon

Hindi sapat

Para sa Iohsad, di sapat ang karagdagang mga panuntunan ng DOLE at DTI. Hindi umano nito natutugunan ang pangunahing mga dahilan ng pagkalat ng sakit.

Malabo ang mga panuntunan sa testing at nakadepende sa kapasyahan ng employer. Magdudulot din umano ito ng mas mabagal at hindi mabisang contact tracing. Wala rin itong ibinibigay na katiyakan sa kita ng mga manggagawang magpopositibo o makukuwarantina dahil paiiralin pa rin ang “no work, no pay”.

“Napakaliit at napakahuli ng tugon ng gobyerno sa pagkalat ng Covid-19 sa mga lugar-paggawa. Ito ang tunay na dahilan ng mabilis na pagkalat ng sakit sa mga manggagawa,” ani De Leon.

Iginiit ng Iohsad na dapat magbigay ang gobyerno ng tulong pinansyal sa maliliit at katamtamang negosyo para matiyak na may ayuda ang mga manggagawa. Dapat ding pilitin ang malalaking kompanya na magbigay ng paid quarantine leave na di baba sa 14 araw, akuin ang libreng mass testing sa mga pagawaan, at akuin ang mas mahusay at pro-active na contact-tracing.

Samantala, sa harap ng nakikita nilang kakulangan ng gobyerno, tuluy-tuloy naman na kumikilos ang mga manggagawa para mapigilan ang pagkalat ng Covid-19 sa kanilang hanay.

Sa Nexperia, binuo ng unyon ang kanilang Occupational Health and Safety Committee para tiyakin ang kalusugan at alalayan ng kapwa mga manggagawang apektado ng pandemya.

“Mula umpisa ng pandemya, ang pamunuan at active leaders na ang nagtitiyak, tumutulong ang members sa pagbato ng mga impormasyon. Nakita namin ang kahalagahan ng pagtatayo ng OSH Committee. Sa panimula, may 11 miyembro na kami at pararamihin (pa ito) na nakakalat sa iba’t ibang product line at departamento,” ani Castillo.

Pero lalong mahihirapan ang mga manggagawa sa pandemya kung patuloy naman ang pagsasantabi ng gobyerno at mga employer sa kanilang kalusugan at kaligtasan.

“Hindi dapat magkahiwalay ang kabuhayan at kaligtasan. Mas panig ang gobyerno ng mga kapitalista dahil dun sila kumikita. Kaya mas gusto nilang lumuwag ang community qaurantine para magbukas ang maraming pagawaan. Sa kabilang banda, napipilitang maghanapbuhay kahit may pandemya ang mga manggagawa para may kitain para sa pamilya,” sabi ni Castillo.

“Dapat na ibigay ng gobyerno at kompanya ang mga kailangan para ligtas sa loob ng pagawaan at ligtas na makapasok at makauwi sa pamilya,” dagdag niya.