Pandi 4: Pati online protest, bawal na?

0
260

Hindi nakadalo sa SONAgkaisa, protesta sa UP Diliman noong Hulyo 27, sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, ang magkakapitbahay na sina Net, Trixie, Malou at Maymay, mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at residente ng isang pabahay sa Pandi, Bulacan. Bukod sa walang pamasahe, mahirap din bumiyahe dahil kailangan pa ng travel permit upang makaluwas sa Maynila alinsunod sa mga patakaran kaugnay ng umiiral na community quarantine.

Upang makiisa sa nagaganap na protesta, nagsagawa na lang ang magkakapitbahay ng online protest. Hawak ang mga plakard na may panawagan para sa karapatan ng tulad nilang mga maralita – mass testing, ayuda, at pagtutol sa Anti-Terrorism Act, ipinaskil ang litrato ng kanilang protesta sa Facebook bago magtanghali.

Laking gulat nila nang sila’y arestuhin ng mga tauhan ng Pandi Police Station, ilang oras matapos “lumahok” sa naturang online protest. Kasunod ang naganap na pag-aresto ng pagkulong kay Rose Fortaleza, lider ng Kadamay sa nasabing lugar, noong Hulyo 26, isang araw bago ang SONA.

Naaktuhang nagrarali

Apat na kababaihang inaresto ng pulisya sa Pandi, Bulacan matapos magsagawa ng online protest. Larawan mula sa Kadamay

“Ang sabi lang sa kanila’y iimbitahin sila para mag-usap sa presinto,” ani Larry Cinco, asawa ni Janet Villamar, isa sa apat na inaresto ng mga kagawad ng PNP sa Pandi bunsod ng online protest sa loob ng isang bahay noong Hulyo 27. Kasama ni Janet sina April Tricia Musa, Marilou Amaro, at Edmylyn Gruta, tinaguriang Pandi 4, na ayon kay Larry ay pilit na isinakay sa sasakyan ng pulis.

Sabi sa police report hinggil sa insidente, naaktuhan diumano ng mga nagpapatrulyang pulis na nagsasagawa ng rali ang nasabing mga kasapi ng Kadamay bandang alas-tres ng hapon. Dagdag pa ng naturang report, “pumalag at itinulak ang mga pulis” ng mga naturang kasapi ng Kadamay nang wala umanong maipakitang permit para magprotesta matapos silang sitahin.

Pero taliwas sa naturang police report ang bersiyon ng kuwento ng Kadamay.

“Wala po iyang katotohanan at kinokondena namin ang pahayag na iyan (ng kapulisan) dahil 11:00 am sila nag-photo-ops, 3:00 pm sila pinuntahan. Si April Trixie, naglalaba na sa loob ng kanilang bahay. Si Janet ay nagpapahinga na,” ani Eufemia Doringo, tagapagsalita ng Kadamay, sa panayam ng Rappler noong Hulyo 29.

Paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases at Batas Pambansa Blg. 880 o ang Public Assembly Act of 1985 ang ikinaso ng Pulis Pandi sa apat na kasapi ng Kadamay na isinampa lamang matapos ng 24 oras ng pagkakakulong.

Pilit na pinapirma

Ibinahagi ng Kadamay na diumano’y pilit na pinapirma ang apat ng isang form na “boluntaryong isinusuko ang kanilang karapatan sa ilalim ng Article 125 ng Revised Penal Code” o ang pagtatalaga ng restriksiyon sa kung gaano katagal na maaaring ikulong nang walang nakasampang kaso sa isang indibidwal na nakakulong. Hindi rin umano pinahintulutan ng pulis na makausap ng apat ang sinuman, maging ang kanilang mga kaanak.

Ibinunyag din ng Kadamay na itinutulak ng kapulisan na magsampa ng kasong trespassing si Rosario Ricacho laban sa kanyang mismong manugang na si Edmylyn Gruta kaugnay ng naturang insidente.

“Sinabi sa akin ni hepe, kung maaari, magsampa ako ng kaso dahil trespassing ang ginawa sa bahay ko. Ngayon, kung hindi daw po ako magsasampa, ako nga daw po ang makakasuhan,” ani ni Ricacho sa panayam ng AlterMidya. Saad pa ni Ricacho, wala siyang magawa kundi sundin ang nais ng mga pulis sa takot na makulong ang kanyang manugang sa isang banda, o siya ang makasuhan o makulong.

Tila kahalintulad ang mga paratang na pamimilit at pressure ng kapulisan sa isa pang insidente na kinasangkutan ng mga kagawad ng Pulis sa lugar noong Hulyo 26 kaugnay ng kumpiskayon ng mga kopya ng Pinoy Weekly sa opisina ng naturang organisasyon.

Ayon kay Lea Maralit, opisyal ng Kadamay sa lugar, pinilit din siyang pumirma sa inihandang kasulatan ng mga pulis na nagsasaad na “voluntary surrender of subversive documents” na tumutukoy sa naturang dyaryo at mga polyeto ng kanilang organisasyon. Aniya, binantaan umano sila ni PCPT Jun Alejandrino, hepe ng istasyon ng Pulis sa Pandi, na kung hindi pipirma ay “may mangyayari.”

#FreePandi4

Bumuhos ang suporta sa panawagang #FreePandi4. Sa pangunguna ng Kadamay, Mayo Uno, Gabriela, Anakbayan at iba pang mga alyadong nitong organisasyon mula sa Pilipinas, Australia, Canada, Hong Kong, South Korea, Pakistan, Taiwan, Thailand at USA.

“Ang mga pinakahuling atake sa Pandi ay bahagi ng ginagawa ng gobyerno upang supilin ang paglaban,” saad ng pahayag ng International League of Peoples’ Struggle-Philippines na inako ang Kadamay bilang kanilang kasaping organisasyon.

Para naman sa Task Force on Urban Conscientization ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (TFUC-AMRSP), ang pag-aresto sa Pandi 4 ay pagpapatahimik umano sa mga anila’y “tunay na nakaramdam na inutil ang pamahalaang ito”.

“Nagpakita lang na gigil ang mga kapulisan sa mapangahas na pagsasambulat ng di makatarungang kalagayan ng hanay ng maralitang lungsod na di kayang tanggapin ng ating pamahalaan, lalo na ang mga pahayag na kritikal sa kanilang pamamahala.,” dagdag pa ng grupo.