Pangalawang magulang, guro ng bayan

0
365

Gigising sila nang maaga upang maghanda sa pagpasok sa eskuwela. Mag-aalaga at mag-aambag ng karunungan sa kabataan inako na nila bilang

kanilang mga anak. Sila ang itinuturing ng lipunan na “pangalawang magulang”. Sila ang mga guro.

Katulad ng maraming batang Pilipino, pagiging guro ang isa sa pinakatampok na pangarap ng paslit sa kanyang paglaki. Isa si Jennifer Reyes, o Titser Jen, 35, sa mga pinalad na matupad ang pangarap.

Malaki ang responsabilidad ni Titser Jen sa maraming estudyante. Bilang guro ng Grade 1 sa A. Mabini Elementary School sa Caloocan City, kinakailangan na lagi’t lagi siyang may baong bagong kaalaman at estilo kung paano makukuha ang atensiyon ng mga bata. Mahabang pasensiya rin ang baon niya at ng iba pang guro sa araw-araw nilang pagharap hindi lang sa kanilang mga estudyante maging sa mga gawain sa mismong paaralan.

Pero noong Oktubre 5, ibang leksiyon ang itinuturo niya sa mga bata. Lumahok si Titser Jen sa pagkilos ng mga guro sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT). Ang araw na ito’y nagbibigay parangal sa tinaguriang “ikalawang magulang” ng kabataan. Pero sa protestang iyon, hindi na lang pagpaparangal kundi paggigiit ng mga guro para sa nakabubuhay na sahod at mga benepisyo ang iginigiit nila sa gobyerno.

Itinuturo ni Titser Jen sa kanyang mga estudyante ang halaga ng paggiit ng karapatan kung ika’y inaapi at pinagsasamantalahan.

Hindi sapat na sahod

Sa kabila ang kasiyahang dulot sa mga guro ng pagtuturo sa mga bata, hindi nito matatakpan ang kakulangan ng sahod na inilalaan ng gobyerno sa kanila.

Di-sapat ang P20,000 kada buwan ng sahod ng mga guro lalo na ngayong sunud-sunod ang taas-presyo ng bilihin at ilan pang gastusin. Halos P5,000 na lang ang kanilang naiiuwi sa kanilang pamilya dahil nakakaltasan na ito agad ng pambayad sa ilang benepisyo tulad ng Government Service Insurance System (GSIS), PhilHealth, at Pag-ibig. Kung minsan pa’y may ilang guro ang may binabayarang insurance at loan sa GSIS at private lending institutions (PLIs).

Kamakailan, ipinatupad ng GSIS ang kanilang memo na agarang nagkakaltas sa halos P75,000 sa kanilang utang na kinakakailangan nang mabayaran hanggang sa katapusan ng buwan, Oktubre 31. Ganito ang nangyari kay Solita Diaz, 34, na guro sa Raja Sulayman Science and Technology High School at tagapangulo ng ACT-Manila. Umabot na sa P375,000 ang utang niya sa GSIS na kailangan niyang mabayaran hanggang sa itinakdang araw. “Hindi ko alam kung paano ko ito babayaran,” ani Diaz.

Isa ito sa mga inirereklamo ng mga guro na dala nila noong Oktubre 5 sa lansangan.

Sa naturang protesta, hiniling ng mga guro ang pagsasabatas ng House Bill 7211 na naglalayong itaas ang sahod ng mga guro at non-teaching personnel sa pampublikong mga paaralan.

Isinusulong ng Blokeng Makabayan sa pangunguna ng ACT Teachers’ Party-List ang pagpapatupad ng P30,000 entry-level salary para sa pampublikong mga guro, P31,000 para sa instruktor at P16,000 sa non-teaching personnel. Dagdag na P5,000 rin para sa personnel economic relief allowance.

“Hindi namin hinihiling ang hindi rasonableng pagtaas (ng sahod). Hinihiling lang namin kung ano ang nararapat.” ani Joselyn Martinez, pangkalahatang pangulo ng ACT-Philippines.

Upang makaabot at makaligtas hanggang sa susunod na sahod, dumidiskarte na lang si Diaz para madagdagan ang kanyang kita. “Kulang na kulang na ang aming sahod. Para makaagapay sa gastusin ng pamilya nagtitinda ako ng longganisa, bacon at iba pa sa aking kapwa-guro at mga kapitbahay,” dagdag pa ng guro.

Dagdag na gawain

Dahil sa hirap ng buhay, napapasok ang mga guro sa kung anu-anong raket. Mayroon sa kanilang nagiging nars, clerical staff, tindera, hardinera, hanggang sa pag-aasikaso ng mga benepisyaryo ng Programang Pantawid Pampamilyang Pilipino o 4Ps. Nagiging electoral staff din sila kung eleksiyon. Ginagampanan ng isang guro ang lahat ito nang walang idinadagdag sa kanilang sahod.

Iniinda na rin nila ang dagdag pasanin dulot ng Results-Based Performance Management System (RPMS) at Philippine Professional Standards for Teachers (PPST). Ito ang bagong panukala ng Department of Education (DepEd). Dito, kinakailangan nilang makakuha ng outstanding rating mula sa kanilang supervisor at principal at dito ibabatay ang kanilang performance-based bonus (PBB) na ibibigay sa kanila ng gobyerno taun-taon.

Pero naniniwala ang mga guro na dagdag lang ito sa kanilang mga isipin at gawain. Anila, nakokompromiso lang nito ang kalidad ng edukasyon at dapat na gamiting itong mga basehan para sa kinakailangan nilang pagsasanay at pagdalo sa mga seminar hindi bilang basehan ng kanilang matatanggap na bonus.

“Ang polisiyang ito’y hindi para sa paghahatid ng edukasyong de kalidad kung hindi sa pagpapatupad lang ng neoliberal na mga polisiya na siyang nagsasamantala sa mga guro,” ani Daz.

Isinisisi rin ng mga guro ang mabibigat na gawaing ipinapagawa sa mga guro na dumudulot sa depresyon ng ilang guro at kahit, sa kaso ng sa ilan, pagkitil sa sariling buhay.

Ayon kay Ruby Ann Bernardo, guro sa Sta. Lucia High School, ang sitwasyon ngayon ng kapwa niya guro ay repleksiyon ng kung paano sila itrato ng gobyerno. “Para kaming mga robot,” ani Bernardo.

Mali-maling paratang

Sunud-sunod na ang nagiging problema ng mga guro. Maliban sa mababang sahod at pagpapasan ng maraming gawain, hinaharap din nila ngayon ang mga banta na maging target sa giyera kontra-insurhensiya ng gobyerno—dahil lang sa paggiit nila ng karapatan.

Inaakusahan sila na katuwang daw ng mga rebeldeng komunista para magrekluta sa destabilisasyon o pagpapabagsak sa rehimeng Duterte.

Kamakailan lang, naglabas ang militar at kapulisan ng listahan ng pangalan ng mga kolehiyo at unibersidad na diumano’y pinagmumulan ng planong “Red October”. Binalaan din ni Philippine National Police chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang mga propesor na maaari silang makasuhan ng contempt kung sakaling mahuli silang nagtuturo ng “rebelyon” sa mga estudyante.

Maging ang anak ng pangulo at Davao City Mayor Sara Duterte, nagsabing “sinungaling” at “terorista” raw ang mga miyembro ng ACT Teachers-Davao matapos ibunyag ng nasabing grupo na Davao City na lang ang natatanging lungsod sa bansa na hindi nagbibigay ng allowance sa mga guro.

Ang pahayag na ito’y agad na ikinabahala ng ilang guro. Maaari umano itong magdulot ng kapahamakan sa kanila bilang guro at sa kanilang estudyante.

“Pananakot ito, harassment at naglalagay sa panganib sa mga guro natin. Alam naman natin na may mga kaso na kapag tinatawag na terorista nagiging biktima ng pagdakip at extrajudicial killings,” ani ACT Teachers Rep. Antonio Tinio.

May mga pagsubok man na dumating sa kanila bilang mga guro, patuloy pa rin sina Teacher Jen, Ma’am Diaz at Martinez, at maraming iba pa, sa paggising nang maaga, pagpasok sa eskuwela at pagharap nang nakangiti sa kanilang estudyante.

At sa paggiit ng kanilang karapatan, mahalagang lekisyon ang itinuturo nila: ang halaga ng paglaban sa pang-aapi.

May ulat ni Iya Espiritu