Pangangamkam at militarisasyon: ‘Salot’ sa buhay ng mga magsasaka

0
351

Storya nina Jemelle De Leon at Patricia Esteban | Interns mula sa University of the Philippines- College of Mass Communication, Diliman

Peste ang turing ng mga magsasaka sa mga mapaminsalang armyworm na umaatake at naninira ng kanilang mga pananim at kabuhayan. Pero bukod sa mga mapanirang peste, may mas malaking “salot” pa silang kinakaharap sa kanilang mga lupang binubungkal. 

Noong Hunyo 8, ipinarada ng mga grupo ng magsasaka mula sa Nueva Ecija, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Laguna, Cavite, at Batangas ang isang “Duterte armyworm” sa isang kilos-protesta patungong Mendiola. Sinisimbolo ng nasabing effigy ang malaki at malawakang pinsala na dulot umano ng militarisasyon sa kanilang mga lugar sa ilalim ng programang kontra-insurhensiya na Oplan Kapayapaan.

Kasabay ng anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ipinawagan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pagpapatupad ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) at pagpapanagot kay Pangulong Duterte sa lumalang kahirapan, pamamaslang sa mga magsasaka at kanilang kawalan ng lupa. 

“Sa loob ng dalawang taon na pag-upo ni Presidente Duterte, wala siyang programa para sa reporma sa lupa, sa halip ang mga agricultural land ay halos ibigay niya sa mga dayuhang investor. Kaya dapat namin ipakita na dapat itulak ang malawakang bungkalan sa buong bansa,” ani Antonio “Ka Tunying” Flores, pangkalahatang kalihim ng KMP.

Ang kilusang bungkalan ay itinulak ng pananatili ng malalawak na lupain sa kamay ng mga panginoong maylupa sa ilalim ng 30-taong implementasyon ng CARP. Sa bungkalan, kolektibong inookupahan at sinasaka ng mga magbubukid ang mga lupaing matagal nang dapat ibinigay sa kanila ng gobyerno. 

Pangulong Duterte bilang armyworm o “peste” kung ituring ng mga magsasaka. Kuha ni Aira Juarez.

Samantala, libreng pamamahagi at distribusyon ng lupa naman ang isinusulong ng GARB, kaiba sa CARP kung saan kailangan ng isang magsasaka na bayaran ang lupang ipinagkaloob sa kanya sa loob ng 30 taon.

Namiminsala rin sa payak at simpleng pamumuhay ng mga magsasaka at katutubo sa iba’t ibang lugar sa bansa ang mga proyekto sa ilalim ng programang ‘Build Build Build’ ng administrasyong Duterte.

Isa si Ningning Pasco, magbubukid mula sa Siniloan, Laguna, na nakakaranas ng pagpapalayas mula sa lupang sakahan dahil sa itatayong SM mall. “Hindi pabor sa amin na ipamigay ang lupang aming tinitirikan at ipamigay sa mga dayuhan. Ang pag-aari ng Pilipinas ay pag-aari ng Pilipinas, at hindi pag-aari ng mga dayuhan,” aniya.

Tinututulan din ng mga magsasaka ang panukalang Charter Change, na magbibigay-daan sa 100% foreign ownership sa lupa.

Bukod pa rito, bahagi ng pangaraw-araw na pamumuhay ng mga magsasaka ang pang-aabuso sa kanilang karapatan. 

Nakakaranas ng pang-aabuso mula sa mga awtoridad ang mga miyembro ng Alyansa ng mga Mambubukid sa Asyenda Luisita (AMBALA) na sina Rudy Corpuz at Vicente “Ka Bubot” Rumasambu.

Noong nakaraang taon, si Ka Bubot at ang lima pa nitong kasamahan ay bigla na lamang pinagdadampot at binugbog ng mga pulis habang sila’y payapang namamahinga. Idinetine sila sa prisinto, bagama’t hindi pormal na nakasuhan. 

“Labis labis ang problema ng mga magsasaka ngayon. Hindi lang sa Hacienda Luisita kundi sa buong Pilipinas dahil nga sa ginagawa ng gobyerno natin. Dapat pansinin ng gobyerno niyan na sana mawala ang pangha-harass na ito at pananakot,” ayon kay Corpuz, pinuno ng AMBALA.

Ayon naman kay Sanny Serrano, pangulo ng Central Luzon Aeta Association, nilalagay ang mga magsasaka sa Order of Battle ng militar kapag ipinaglalaban fila ang kanilang lupa. “Ilalagay ka sa listahan ng mga NPA (New People’s Army) at tinatawag na masamang tao. Masama ba na ipaglaban mo ang lupa mo?” aniya. 

“Huwag nilang pakialaman ang aming lupang ninuno kasi kapag wala na kaming lupa, kapag inalis mo yung lupa sa magsasaka, parang inalisan mo na rin ng buhay,” dagdag ni Serrano.

Para kay Lourdes Corpuz, 72-anyos na magsasaka mula sa Hacienda Luisita, wala naman silang maaring gawin kundi ipaglaban ang kanilang kabuhayan at karapatan. Sinimulan niyang gawin ito sa naunang mga administrasyon, at wala siyang nakikitang pagkakaiba ng kasalukuyang administrasyon—wala pa rin silang sariling lupa, at lumalala ang nadaramang kahirapan. 

“Kasi kaya naman kami lumaban, kahit sa korte lumaban kami. Mamamatay na lang din kami sa gutom, di mamatay na din lang kami sa rebolusyon. Pag nanalo kami, pakinabang ng mga apo ko, mga anak ko,” wika niya.

The post Pangangamkam at militarisasyon: ‘Salot’ sa buhay ng mga magsasaka appeared first on Altermidya.