Panganib sa pangisdaan

0
408

Bahay sa Isla 15. Ryan Plaza

Bangka at mga bahura ng Taliptip. Ryan Plaza

Inabandonang dildilan ng asin. Ryan Plaza

Nagpapalipas ng oras ang mga bata sa bangka ni Mang Met. Ryan Plaza

Isa sa mga bahay sa Taliptip. Ryan Plaza

Magtatakipsilim. Ryan Plaza
Prev
Next

Bulakan, Bulacan. Halos isang oras na biyahe sakay ng bangkang de motor ang aabutin papunta sa isla ng Sitio 15, sa Brgy. Taliptip, Bulakan, Bulacan. Tataluntunin ng bangka ang isang malawak na ilog saka papasok sa isang dating sapa. Ayon sa mga taga-Sitio 15, dating pinalilibutan ng mga pilapil ang ngayo’y nagmistulang lawang kalawakan ng dagat na ito. Noong 2011, winasak ng bagyong Pedring ang mga pilapil kaya ang dating mga pribadong palaisdaan ngayo’y malaya nang pinangingisdaan ng mga sityo gayundin ng iba pang mangingisda mula sa mga kalapit na bayan tulad ng Obando.

At dahil napabayaan na ngang nakatiwangwang ang dating palaisdaan, nagtubuan at lumago ang mga puno ng bakawan at api-api na tila kagubatan sa gitna ng bahagi ng katubigang ito. At doon sa gitna ng mistulang gubat na iyon matatagpuan ang isang komunidad na binubuo ng 15 kabahayan na tinatawag na Sitio 15.

Magkakahawig ang mga bahay sa sityo. Lahat ay gawa sa kahoy, kawayan at pawid. Mapapasin din na nakaangat nang humigit-kumulang sa apat na talampakan ang mga ito para hindi abutin ng tubig kapag tumataas ang tubig sa dagat.

Inabutan ng Pinoy Weekly na naglalaro ng basketbol ang ilang kabataan sa pinakagitna ng isla, marahil ang tanging libangan dahil walang serbisyo ng kuryente dito. May mangilan-ngilan lamang na mayroong maliliit na solar panel para mayroon silang ilaw sa gabi. May mga radyo ring pinaandar ng baterya.

Sa mga kabahayan, magkakatuwang na naghahayuma ng lambat ang kababaihan habang nag-uumpukan sa isang ginagawang bangka ang kalalakihan.

Isang poso ang pinipilahan ng mga taga-sitio para umigib ng inumin at gamitin sa pang-araw-araw na gawain sa bahay.

Ayon kay Met Magbanua, 51, lider-sityo ng naturang lugar, Sitio 15 ang naging tawag dito dahil 15 ektarya ang kabuuan ng palaisdaang pinag-aalagaan ng alimango at iba pang lamang-dagat. Sa isang pagtingin, mas nakabuti pa, ayon sa mga taga-sityo, ang pagkabuwag ng mga pilapil dahil naging pampublikong pangisdaan na ito.

Pangingisda ang tanging kabuhayan

Pangingisda ang inabutang hanapbuhay ni Met nang mapadpad siya ng Taliptip. Sa Mindoro siya ipinanganak pero napunta sa Bulakan dahil sa himok ng isang kamag-anak.

Noong may mga palaisdaan pa sa lugar, nagtatrabaho sila at pinasusuweldo ng mga propitaryo bilang mga bantay-palaisdaan, mananambak o kaya’y nagsasabog ng taeng-manok na ginagawang pataba sa palaisdaan. Nagbago ito nang nanalasa nga ang bagyong Pedring. Kung dati’y nangangamuhan, ngayo’y malaya na silang mangisda sa malawak na lawang iyon.

Iba-ibang klase ng pangingisda ang ginagamit ng mga taga-sitio. Mayroong nagtatayo ng baklad, pukot at pamamanti na siyang pinakaraniwang paraan na panghuhuli ng alimango at alimasag. Nangangapa rin sila ng hipon, isang paraan ng pangingisda na tanging mga kamay ang gamit sa panghuhuli, at paminsan-minsa’y nangingilaw ng isda sa gabi.

“Maayos naman kami rito, tahimik,”sabi ni Met habang kinukumpuni ang makina ng kanyang bangka na aniya’y nalunod sa gasolina.

Bangka at lambat ang tanging puhunan ng mga mangingisda sa sityo. May bangka ang bawat bahay dahil bukod sa pangingisda, ito ang sinasakyan nila papunta sa pampang para magluwas ng kalakal at mamili ng kanilang mga pangangailangan sa araw-araw.

“Kinse mil ang aabutin para makagawa ng isang bangka at P1,500 naman ang gastos sa paggawa ng lambat o panti,” paliwanag ni Met. Ang halagang iyon ay pinag-iipunan nila dahil iyon ang magiging sandigan ng kanilang kabuhayan.

Namamanti sila mula Martes hanggang Sabado. Iniipon nila ang nahuhuling alimango, alimasag at hipon at sabay-sabay na dinadala sa punduhan ng Obando para ibenta kung Linggo o Lunes.

Kuwento ni Met, umaabot sa halos P4,000 ang kinikita nila sa isang linggo. Ang kalahati nito ay napupunta sa may-ari ng palaisdaan dahil kahit pala nawasak na ang mga pilapil, nagbabayad pa rin sila dahil ‘pagmamay-ari’ pa rin umano ng mga propitaryo ang lawa.

Tinatayang 15 kilo ng alimango ang nahuhuli nila kada linggo na naglalaro mula P170 hanggang P250 ang presyo sa punduhan.

Nakasasapat naman ang kanilang kinikita, ayon kay Met. “Wala naman kaming gaanong pinagkakagastusan dito sa isla,” dagdag niya pa.

Hindi rin nila iniinda ang mga pagbagyo at pagbaha dahil humuhupa agad iyon kapag kumakati ang tubig sa dagat.

Ang tanging nagiging suliranin ng mga mangingisda sa Sitio 15 ay ang tinatawag nilang ‘suong’ o masamang tubig na pumipinsala sa mga lamang-dagat. Pero kahit iyon ay nalalampasan nila dahil nakakabawi sila kapag umayos na ang tubig sa dagat.

“Masaya na kami dito dahil narito ang kabuhayan, kumakain kami nang maayos. Basta’t masipag ka, mabubuhay ka rito. Baka magutom lang kami sa baryo dahil wala kaming alam na hanapbuhay sa pampang,”paliwanag ni Met.

Panganib sa karagatan, kalikasan at kabuhayan

Hindi naman talaga iyon ang pinangangambahan ng mga taga-sityo kundi ang pinaplanong pagtatayo ng isang paliparan na makaaapekto sa kanilang lugar.

“Tutol kami sa airport dahil nandito ang aming kabuhayan,” sabi ni Met.

Matagal na nilang naririnig ang bali-balita tungkol sa naturang proyekto pero ang higit nilang ikinababahala ay ang tila pagwawalambahala ng gobyerno sa kanilang kalagayan. Tila umano walang plano ang lokal na pamahalaan para sa kanila kung sakaling matutuloy ang proyekto.

“Nababalitaan lang namin, hindi naman kami kinakausap ni Kapitan o ni Mayor tungkol diyan. Ilang dialogue na ang isinagawa namin pero hindi naman sila sumisipot,” ayon kay Met.

Ang tinutukoy nilang proyekto ay bahagi ng programang Build, Build, Build! ng administrasyong Duterte na kamakailan lamang ay inaprubahan na ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Ang P700-Bilyong proyekto ay pangangasiwaan ng San Miguel Corporation kasama ng walo pang proyektong pang-imprastruktura.

Ang panukalang “aerotropolis” ay bubuuin ng isang paliparan na sasaklaw sa 1,168 ektarya at isang city complex na itatayo sa 2,500 ektarya sa baybayin ng Manila Bay na kinabibilangan ng Sitio 15.

Ayon kay Rodel Alvarez, 38, residente rin ng Sitio 15, walang kalakal na mahuhuli kapag tinambakan ang karagatan. “Hindi lamang kami dito sa sitio ang maaapektuhan dahil maraming nakikinabang sa pangisdaang ito,”aniya pa.

“Hindi lang naman pabahay ang kailangan namin kung matutuloy ang proyektong iyan, kundi kabuhayan. Andito ang aming kabuhayan at nabubuhay kami nang maayos dito,” dagdag pa ni Alvarez.

Pinangangambahan rin ng mga residente ang magiging epekto ng naturang proyekto sa kalikasan dahil tiyak na madadamay rin ang mga puno ng bakawan at api-api na pinaninirahan ng mga isda. Malaki rin umano ang magiging papel ng bakawan kung sakaling magkakaroon ng tsunami dahil nakakatulong ito mapahina ang malalaking alon.

Naninindigan ang mga taga-Sitio 15 na ilalaban nila ang kanilang isla kahit malayo sa ‘kabihasnan’. Hindi umano sila papayag na basta-basta na lamang agawin sa kanila ang karapatang makapangisda sa karagatang matagal na nilang inaring pamayanan.

“Ilang bagyo na ang dumaan sa aming buhay pero narito pa rin kami. Narito pa rin ang isla at ang dagat na nagbibigay ng aming mga pangangailangan,” sabi pa ni Alvarez.