Panimulang 12 tagumpay sa 50 taon

0
210

Ngayong Disyembre 26 ang ika-50 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines o CPP. Magaganap ito sa gitna ng kaliwa’t kanang atake at tuligsa ni Pangulong Duterte sa organisasyon. Nagpatupad pa nga ang gobyerno niya ng kampanya ng panunupil kontra sa “Red October,” na plano umano ng CPP at ibang grupo na patalsikin siya sa puwesto. Ang takot ni Duterte sa CPP ang isa sa maraming patunay na buhay ang kilusang Komunista, kahit matapos ang 50 taon.

Ang totoo, malaki na ang naging papel ng CPP sa kasaysayan at kasalukuyan. Kakampi man o kaaway nito, kinikilala iyan; nagkakatalo lang kung positibo o negatibo ang pagtingin. Anu-ano nga ba ang mga nagawa o “tagumpay” ng CPP na madaling kilalanin kahit ng mga hindi Komunista? Sa sumusunod, nakatala ang 12 tagumpay ng CPP sa 50-taong buhay nito; puwedeng-puwede pa itong dagdagan ng iba. Nagkataon naman na 12 rin ang bilang ng mga kasaping nagtatag ng CPP.

1. Paglaban at pagpapatalsik kay Marcos

Nasa kasaysayan na iyan: habang nakakulong, nanahimik, o umalis ng bansa ang mga pulitikong kalaban ni Marcos pagkadeklara ng Martial Law noong 1972, itinuloy ng CPP ang paglaban. Isinulong nito ang pakikibaka sa underground sa mga lungsod at bayan, at sa kanayunan sa porma ng New People’s Army o NPA na nagpahina sa militar. Pinalakas nito ang kilusang manggagawa, magsasaka, estudyante at ng ibang sektor, na nagpalawak ng mga protesta. Sa dulo, napuwersa ang US na bitawan ang alagang diktador.

2. Paglaban sa lahat ng sumunod na gobyerno kay Marcos

Dahil lahat ng rehimeng pumalit kay Marcos ay patuloy na naglingkod sa US at iilang naghaharing uri, nilabanan silang lahat ng CPP. Isang beses, dumulo ang paglaban sa pagkakapatalsik ng isa pang pangulo, si Estrada. Sinuman ang presidente, at gaano man kabango ang pangako niya, inaasahan ang mga Komunista na magsasalita at magpoprotesta sa mga kapalpakan at kasalanan niya. Tuluy-tuloy na ginawa ito ng CPP, kahit pa tuluy-tuloy rin ang panunupil ng mga rehimen.

3. Paglakas ng kilusan at paglaban ng masang anakpawis

Sa Pilipinas, kumpara sa ibang bansa, may malakas na kilusan ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang maralita. Ang mga sektor na ito ng lipunan, madalas na hindi pinapakinggan at kung nagsasalita ay binubusalan. At sa bawat pagsisikap nilang magpahayag, madalas na ang kasama nila, o nagbibigay ng inspirasyon sa kanila, ay ang mga Komunista. Kasama nila ang CPP sa pagsusulong sa interes ng masa, pag-aaral sa kalagayan, pagmumulat sa kanila, at pagpapalakas ng mga organisasyon nila.

4. Maraming tagumpay sa batayang antas

Sahod na naitaas, kontraktuwal na naging regular, benepisyong nakamit, tanggalang napigilan. Upa sa lupa na 4 napababa, lupang napamahagi at nasaka, iba’t ibang programang nagsulong ng kagalingan. Demolisyong napigilan, dagdag-matrikula na nahadlangan, kompanya ng pagmimina na napalayas. Organisasyong naitayo, lider na nasanay, kamulatang napalaganap. Napakaraming naipagtagumpay sa mga empresa, asyenda, sakahan, paaralan, at komunidad sa pamamagitan ng paglaban kasama ang CPP.

5. Mahusay na paliwanag sa mahahalagang tanong

Bakit naghihirap ang nakakarami sa sambayanan? Ano ang pagbabagong kailangan ng bansa natin? Paano ito makakamit? Nagbigay ang CPP ng malinaw na sagot sa mga tanong na ito, sa paglalapat nito ng tinatawag nitong Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kalagayan ng Pilipinas. Ang paliwanag ng CPP, malaganap sa hanay ng mga mamamayan at makatotohanan pa rin sa kabila ng maraming taon. Kahit mga kritikal sa CPP, hindi maiwasang alamin at tugunan ang mga paliwanag na ito.

6. Pagpapatuloy ng pakikibaka para sa kalayaan ng bayan

Lahat ng rehimen, naging sunud-sunuran sa US. Kung titingnan ang mga prinsipyong ipinaglaban nina Andres Bonifacio at maraming bayani, kailangang tuligsain at labanan ang dikta ng US at pagkatuta ng mga rehimen sa US. Hindi sila ang nagpapatuloy sa Rebolusyong 1896 laban sa kolonyalismong Espanyol, sa paghihimagsik laban sa kolonyalismong US at Japan, at sa paglaban sa neokolonyalismong US. Ang CPP, humahalaw ng aral sa mga naunang pakikibaka at ipinagpatuloy ang laban nila.

7. Pagtatayo at pamumuno sa NPA

Kapag sinabing “CPP,” madalas, inaakala nang awtomatiko ang “NPA.” Hindi laging ganito; sa iba’t ibang bansa, maraming partido ang may pangalang Komunista. Pero hindi lahat sila, o kaunti nga lang sa kanila, ang may armadong grupo gaya ng NPA. Isa na sa pinakamatagal na buhay na rebeldeng grupong armado ang NPA sa Asya at buong mundo. Sa kabila ng walang puknat at malupit na atake ng militar, ang sabi nga’y “hindi matalu-talo” ang NPA. Ang pamumuno ng CPP at pagiging malapit sa masa ang ilan sa dahilan.

8. Ambag sa pagpapalakas sa paglaban ng kababaihan, bakla at lesbiyana; Lumad, Igorot at iba pang katutubo; mga mamamayan sa iba’t ibang rehiyon; at para sa kalikasan

Sa ilang bansa, nabuo ang mga nabanggit na kilusan sa labas ng o laban sa progresibong kilusan. Sa Pilipinas, mahigpit silang kaugnay ng kilusang Komunista. Tinanganan ng CPP ang abanteng paninindigan laban sa kaayusang piyudal-patriyarkal, sobinismo sa mga pambansang minorya, dominasyon ng punong lungsod at ilang rehiyon sa bansa, at pag-abuso’t pagwasak sa kalikasan.

9. Pagpapanday at pagpapalaganap ng rebolusyunaryong kultura at sining

Itinulak ng CPP ang pagbuhay sa rebolusyunaryo at progresibo sa kultura at sining ng bansa, at sa pagpapanday ng bagong rebolusyonaryong kultura at sining. Saksi ang 50 taon sa paglabas ng mga rebolusyonaryong tula, kuwento, nobela, kanta, sining-biswal, teatro, at iba pa. Buhay at malaganap ito sa milyun-milyong magsasaka, manggagawa, maralita at iba pang sektor. Iniimpluwensiyahan nito maging ang kultura at sining na malaganap at dominante sa lipunan ngayon.

10. Paghubog sa nasyunalismo

Mababaw ang pakahulugan sa nasyunalismo ng gobyerno. Nagkakasya na ito sa pambansang awit at watawat, pagiging mabuting mamamayan, mga kaugaliang Pilipino, at iba pa. Paano, naglilingkod ito sa dayuhan at iilan; hindi nito mapangatawanan ang nasyunalismo. Sa Pilipinas, kapag sinabing “makabayan,” ibig sabihin, maka-Kaliwa o Komunista pa nga. Mas malinaw at malakas ang pakahulugan ng CPP sa pagiging makabayan — pagtindig at pakikibaka para sa nakakarami, laban sa dayuhang mananakop at alipores nila.

11. Pagpapalaganap ng organisadong paglaban

May mga bansa na ang porma ng paglaban ng mga mamamayan ay pabugsu-bugso, gaya ng terorismo, rayot sa lansangan, minsanang protesta, o pagboto sa eleksyon. Sa Pilipinas, kapag sinabing lalaban ang mamamayan, ang nabubuong larawan: pagtatayo ng organisasyon, pagpapataas ng kamulatan, paglulunsad ng mga protesta, at maging “pamumundok.” Ang paglaban, may tanaw sa hinaharap; hindi basta maibulalas lang. Ang paggamit ng pwersa, may disiplina; at hindi nakaturol sa sibilyan.

Luis Jalandoni, together with wife and fellow NDFP negotiator Coni Ledesma, in a press forum sponsored by PinoyMedia Center last April 2015. Boy Bagwis

12. Mahusay na pagsusuri sa mga usaping internasyunal

May matibay at natatanging ambag ang CPP sa pagsusuri sa mahahalaga at masisigalot na isyu sa mundo: gera at pandarambong ng imperyalismong US, modernong rebisyunismo o pagtataksil sa sosyalismo, imperyalistang atakeng neoliberal sa mga mamamayan ng daigdig, at ngayon, sumisibol na imperyalismong China. Maraming progresibo sa mundo na sumasangguni sa pagsusuri ng mga Komunistang Pinoy, bukod pa sa pagsusulong ng pakikibaka sa sariling bansa.

Muli, panimula lang ang listahang ito. Panimula, dahil pwede pang dagdagan ng iba. At panimula, dahil hindi pa diyan nagtatapos. Hindi lang dahil ang mga Komunista ay puspos ng diwa ni Francisco Dagohoy, na nag-alsa ng 85 taon. Mas sopistikado na sa pag-aalsang Dagohoy ang CPP at mas matindi ang krisis ngayon. Panimula, dahil patuloy na lumalakas ang CPP, at lalaban ito hanggang sa inaasam nitong tagumpay: ang pagbabagsak sa mga naghahari at paghawak sa kapangyarihang pampulitika — at paglikha ng mas marami pang tagumpay.