Paninira sa progresibo

0
148

Muli, sinasangkot ng rehimeng Duterte at militar nito ang sibilyang progresibong kilusan sa giyera kontra insurhensiya nito. Ang ibig sabihin lang nito, kasama sa pangunahing target ng giyera ang mismong mga sibilyang organisasyon na pinakamasugid sa pagtiligsa sa mga polisiya ng rehimen na kontra sa mga mamamayan.

Kamakailan, napagalamang kinasangkapan ng militar ang isang pahayagang tabloid para lang ilathala ang malisyoso at walang batayang pagturing daw sa legal na mga organisasyon bilang “komunista-terorista”. Hayagang paglabag sa batayang mga prinsipyo ng pamamahayag ang mistulang pagbenta ng naturang pahayagan sa paninira at fake news ng militar.

Siyempre, nandiyan din ang pagpunta noong Pebrero ng delegasyon ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at militar sa Europa para hilingin daw sa European Union na itigil ang pagpondo sa mga proyekto ng naturang mga progresibong organisasyon. Ayon sa mga ito, ginagamit lang daw ang pondo para sa “terorismo”.

Hindi lang ang mga organisasyong pinagbabantaan ng rehimen ang apektado sa ganitong mga paninira ng PCOO at militar sa European Union. Apektado nito lalo ang maraming programang kinalalahukan ng progresibong mga organisasyon para mapaglingkuran ang mardyinalisado at ineetsapuwerang mga sektor at lugar sa lipunang Pilipino. Pinakamaliwanag na halimbawa na niyan ang pagpondo sa ilang mga paaralang Lumad. Inamin mismo sa midya ng mga kinatawan ng mga organisasyong Europeo na kumukuha ng pondo sa European Union na para sa mga gawaing pangagrikultura at pangkabuhayan ang pondong ibinibigay nila sa mga paaralang Lumad.

Nakakaalarma na mas ginugusto pa ng militar at rehimeng Duterte na gawing mangmang, sakitin, at wala talagang akses sa iba’t ibang serbisyo dahil una, matagal na silang napabayaan ng gobyerno at, pangalawa, pati ang mga progresibong grupo at non-profit institutions na kumukuha ng pondo sa Europa para magserbisyo sa kanila, pagkakaitan na rin ng serbisyo.

Malinaw ang mensahe ng pag-atake sa mga proyekto ng mga progresibo na pinopondohan diumano ng European Union: Para patahimikin na ang naturang mga organisasyon na pinakamalakas na tumutuligsa sa rehimeng Duterte. Sa pagiisip ng mga ito, kung walang pondo ang mga organisasyon, wala itong kakayahang pumuna.

Hinihikayat ng progresibong mga grupo ang mga nagpopondo mula sa Europa ng mga proyektong ito na maging patas sa pagsusuri, at isaalang-alang na ginagawa lang ito ng rehimeng Duterte dahil di tumatahimik ang mga progresibo sa pagtutol sa pasistang diktadura niya. Katunayan, ang rehimen ang dapat imbestigahan — sa libu-libong pamamaslang at pangaabuso sa giyera kontra droga at kontra insurhensiya.

Hinihikayat ng mga grupo na ibaling sa rehimen ang imbestigasyon.