Panunupil sa Sta. Cruz 5

0
352

Nagsiksikan sila sa likod ng masikip na sasakyang Suzuki Swift, umaga ng Oktubre 15. Magkakasama sila, tatlong kinatawan ng iba’t ibang organisasyong masa at sektor, at isang konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front (NDF), patungo sa isang konsultasyon. Patungo silang Laguna.

Sa National Road, tumigil pa sila para mamili ng lansones at rambutan. Baon para sa biyahe, at para rin sa konsultasyon.

“Papasok ng Sta. Cruz (sa Laguna), ala-1:30 ng hapon, papunta ng Pagsanjan, nang harangin kami ng isang tsekpoint,” kuwento ni Ireneo “Doy” Atadero, 55, organisador ng mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Hinarangan ng isang sasakyan ang daanan nila. Sa magkabilang gilid, may humarang ding sasakyan.

“May kumumand, ‘Baba!’”, sabi ni Ireneo. Pinalabas sila—ang apat na aktibista at isang drayber—at pinatabi sa daan. Pinosasan sila agad. Alas-dos ng hapon ito. Pinadapa ang lima sa mainit na aspalto. Ang isang kasamahan nila, si Edisel Legaspi, 60, sunog ang braso sa init ng kalsada. Samantala, pinaandar ng isang umaresto ang sasakyan nina Ireneo. Hindi na nila nakita kung ano ang ginawa sa sasakyan.

“Wala kami sa loob ng sasakyan (nang isagawa ang inspeksiyon),” kuwento pa ni Edisel.

Matapos ang tila’y isang oras, dumating ang ilang opisyal ng barangay. Ang deklara ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP)—nakakuha sila ng dalawang baril at tatlong granada. Pero matapos ideklara ito, may inihabol pang isang granada at isang improvised explosive device o IED.

Isinakay sina Ireneo at Edisel, kasama si Hedda Calderon, 63 (konsultant ng Gabriela Women’s Party o GWP) na kasama sa konsultasyon), sa isang Toyota Innova ng CIDG. Samantala, ang drayber na si Julio Lusania, 53, at ang konsultant pangkapayapaan ng NDF na si Adelberto Silva, 71, isinakay sa isang trak ng 2nd Infantry Division, 1st Infantry Battalion ng Philippine Army. “Mga 12 sundalo ang kasabay namin. Armado sila—may (ripleng) M60, may M203, at iba pa,” kuwento ni Julio.

Pero sa harap ng mga opisyal ng barangay, hindi idineklara ng Army na kasama sila sa operasyon. Ipinalabas na simpleng operasyon ito ng CIDG.

Tanim-ebidensiya

Kinondena ng iba’t ibang organisasyong masa ang pag-aresto kina Silva at tatlo pang aktibista kasama ang kanilang drayber na tinagurian ngayong Sta. Cruz 5.

Inalmahan nila ang pagtatanim ng mga ebidensiya laban sa Sta. Cruz 5 nang sila’y arestuhin. Ayon sa kanila, ang iligal na pag-aresto at pagtatanim ng mga baril at granada bilang ebidensiya ay isang desperadong hakbang ng rehimeng Duterte para parusahan ang lehitimo at sibilyang mga aktibista na mayroong mahahabang rekord ng pagsisilbi sa mga manggagawa, magsasaka at kababaihan.

Si Ireneo, beteranong organisador ng mga manggagawa sa port area at San Miguel Corp. Si Hedda Calderon naman, matagal nang lider-kababaihan mula sa Gabriela at GWP. Kasalukuyan pa nga siyang konsultant ng GWP sa House of Representatives. Matagal siyang nagsilbing pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela, at namuno sa pagsasanay sa kababaihang mahihirap kaugnay ng mga karapatan nila.

Samantala, matagal namang magsasaka at organisador ng mga magsasaka si Edisel, na nakabase sa kanyang isang-ektaryang lupaing sakahan sa San Juan, Bataan. Adbokasiya niya ang organikong pagsasaka, at produkto siya ng kursong agrikultura sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Banos, Laguna.

“Hindi po totoo na si Ka Adel at ang iba pa ay may dala-dalang granada. At lalo siyang walang dahilang magdala. Katawa-tawa ang kuwento ng mga pulis na sila ay kabahagi ng telenovela na ‘Red October,’ at si Ka Adel ang bida. Paulit-ulit na istorya na yan,” ani Kristina Conti, isa sa mga abogado ng lima at bahagi ng Public Interest Law Center.

Ayon naman kay Sharon Cabusao, asawa ni Silva at convenor ng Kapayapaan Campaign for a Just and Lasting Peace, “Si Adel (Silva) ay bahagi ng Reciprocal Working Committee para sa Caser (Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms), at matagal nang bahagi ng pagbubuo nito. Ang sinasabing ‘Red October’ plot ay imahinasyon ng AFP bilang pantakip sa matitinding problema ng bayan.”

Tinawag ng mga organisasyong masa na witch hunt ang pag-aresto sa mga aktibista, mga lider at miyembro ng progresibong mga grupo.

“Ang pag-aresto kina Silva at mga kasamahan nito ay bahagi ng nagpapatuloy na witch hunt sa mga aktibistang manggagawa, mga lider at miyembro ng mga progresibong oraganisasyon.” Ani Lito Ustarez, bise presidente ng KMU.

Samantala, sinabi naman ng Anakbayan na layunin ng tumitinding atake sa mga progresibo ang pagpigil sa makatarungang galit ng mga mamamayang Pilipino na sawa na sa kanyang kawalang kakayahan upang tugunan ang mga pang-ekonomiyang suliranin ng bansa.

“Isa itong kalunus-lunos na tangka para bigyan matwid ang kanilang tangka. Ang sobrang kahihiyan na natamo ng AFP at PNP sa kanilang kathang-isip na ‘Red October’ ang nagtutulak sa papalaking pag-aresto sa mga lehitimong paglaban ng mga progresibong grupo at mga indibidwal. Ito ay malinaw na tangka ng AFP para isalba ang kanilang imahe,” sabi ni Einstein Recedes, pangkalahatang kalihim ng Anakbayan.

Binawing pagpapalaya

Dapat sana’y lumaya na ang tatlo sa lima. Noong Oktubre 16, naglabas kasi ng release order ang piskal sa Sta. Cruz na si Victoria Dado kina Ireneo, Edisel at Hedda. Sa naunang utos na ito, ibinasura ang kasong illegal possession of firearms sa kanila, habang pinaiimbestigahan pa ang sinasabing pagkakaroon nila ng explosives noong maaresto.

Pero kinabukasan, bago pa man maibigay sa CIDG-National Capital Region sa Kampo Crame (kung saan nakakulong ang lima) ang kopya ng naturang utos ng piskal, biglang inamyenda ang utos na ito. Inihabol diumano ng CIDG ang isang resulta ng kemikal na ebalwasyon na nagdedetalye sa lakas ng epekto ng posibleng pagsabog ng mga eksplosibong nakuha. Dahil dito, inamyenda ng piskal na si Dado ang utos at inirekomenda ang walang bail sa lima sa kasong illegal possession of explosives. Samantala, may kasong illegal possession of firearms sina Adelberto at Julio.

“Kitang kita na gustong siguruhin (ng rehimeng Duterte) na manatili ang lima sa kulungan, sa pekeng mga kaso, para suportahan ang naratibo ng pekeng destabilisasyon—lahat kasinungalingan at biro,” pahayag ni Rachel Pastores, managing counsel ng PILC.

Ayon sa mga aktibista, si Pangulong Duterte mismo ang nagsabing dapat ituloy pa ang mga konsultasyon sa mga mamamayan kaugnay ng panukalang Caser sa usapang pangkapayapaan. Sinabi niya ito matapos ikansela muli ang pinakahuling round ng usapang pangkapayapaan noong Hunyo ngayong taon.

Pero sa pag-aresto kay Adelberto Silva at kasamang nakikipagkonsultang aktibista, gayundin ang pag-aresto sa konsultant pangkapayapaan ng NDF na sina Rafael Baylosis at Ferdinand Castillo, at pagpiit sa daan-daan pang bilanggong pulitikal—lumalabas na walang interes ang rehimeng Duterte na talagang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.

Bukod sa Sta Cruz 5, may inaresto din, batay sa gawa-gawang kaso, na apat na mga organisador ng magsasaka sa Nueva Ecija noong Oktubre 13, 2018.

“Ang papalaking bilang ng atake sa mga aktibista at mga lider at miyembro ng progresibong grupo ay resulta ng walang awang red-tagging kasabay ng kathang isip na planong destabilisasyon, ang kolaborasyon ng militar at kapulisan sa ilalim ng Inter-Agency Committee on Legal Action (Iacla) at ang kontra-insurhensiyang programa ng rehimen,” ani Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Samantala, nanawagan naman ang mga organisasyong masa ng pagpapaigting ng paglaban sa rehimeng Duterte.

“Ang papaigting na pasismo ay laging sagot ng isang rehimen na nasa krisis,” ani Recedes. “Ang papalaking pasismo ay magagapi lang sa pamamagitan ng papataas na pagkakaisa at papaigting na pakikibaka.”