Para sa Mabuting Anak – Pinoy Weekly

0
288


(para kay Jo Lapira at sa lahat ng mga kasamang napaslang)

Ipinagluluksa kita, anak, ipinagluluksa kita.
Ipinagluluksa’t ikinararangal,
pagkat mabuting supling ng bayan.

Inihahabilin kita kay Mebuyan, diyosa ng mga Bagobo,
diyosang maraming suso,
tagapagkalinga ng mga sanggol
na sa gatas ay gutom.
Inihahabilin kita, anak, pagkat sa maaga mong pagyao,
nais kong may ina rin na maghahatid sa iyo
sa dako pa roon, may tatanggap
sa katawan mong duguan, at may itim na ilog na maghuhugas,
sa iyong mga sugat.

Ipinagluluksa kita, anak, ipinagluluksa kita.
Ipinagluluksa’t hinahangaan,
ang iyong husay, ang iyong tapang.
Ang prinsipyong buong-buo mong niyapos,
Ang buhay na inihandog, sa lubos-lubusang paglilingkod.

Sa gitna ng hinagpis, sa ibang bahagi ng mito ako bumabalik.
Si Mebuyan, nagngangalit.
Niyuyugyog niya ang puno, hanggang ang mga bunga
ay mahulog sa lupa.
Itinuturo nito sa ating lahat,
na ano man ang ibanta ng pasista,
ano man sa atin ang ibansag o isumbat,
Hindi tayo kailaman, kailanman maduduwag.

Ipinagtitirik ka namin, naming lahat ng kandila,
at inuulit-ulit ang iyong ngalan at aming pagpugay
sapagkat walang kasama na nabubuwal nang mag-isa.
Anak ka na hindi ako ang nagluwal,
Ngunit wala sa dugo ang pagkamagulang.
Higit pa sa tali sa pusod ang sa atin ay nagbibigkis.
Supling kita, mahal kong kasama’t, kapanalig.
pagkat naging katuwang, sa ating himagsik.


Joi Barrios-Leblanc, BAYAN Women’s Desk
Ika-7 ng Disyembre, 2017