Parola

0
330

Ni RICHARD R. GAPPI

Kung tayo’y mga pulo
na pinalilibutan ng tubig,
sino ang nagdurugtong;
ang tulay na tila dila
na nagtatawid at nagtatahi
sa mga pagi-pagitang kuwento,
pira-pirasong alamat
at pinakabagong balita
sa bawat pantalan at istasyon
na nililisan at dinadaungan?

Hindi ba’t ang mga mangingisda?

Sapagkat kabisado nila
ang talasik ng alon sa pag-aninag
sa saboy ng sinag ng buwan;
kilala at ramdam ng kanilang balát
ang kaliskis ng panganib
sa bawat pagbaba at pagtaib
ng tubig. Sapagkat
karugtong ng kanilang hininga
ang aliw-iw ng tahimik na tining

at ang mga nahuling isda
sa pamamalakaya na tuwina’y
inihahatag sa gusgusing lamesa.

Kung tayo’y mga pulo
na nakapalibot ang agua,
sinong lubos na may gunita at alaala?

Sumpa sa isang isla’t arkipelago
ang lunurin ang kanilang tinig.
At ilista sa tubig
ang kanilang hikbi at hibik.

Ay! Hindi sumpa.

Kundi traydor na pagpapabaya;
taksil na pangangalunya. (http://bulatlat.com)

The post Parola appeared first on Bulatlat.