Pasakit sa babaing obrero

0
304

“Marami kaming kontraktuwal at pare-pareho ang load o quota na kailangang gawin sa isang araw katulad ng mga regular. Pero napakahirap maging regular.”

Kuwento ito ng kababaihang manggagawa sa electronics at garments. Nakapanayam sila ng mga tagapagsaliksik sa isang pag-aaral ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) kamakailan. Ang pakay ng pag-aaral: Alamin ang epekto ng mga polisiya ng gobyerno sa paggawa na nagdudulot ng paglabag sa karapatan ng kababaihang manggagawa.

Isinasalarawan ng sinabi ng manggagawang kababaihang ito ang isang bahagi ng kanilang problema: ang pagkunsinti ng gobyerno sa kontraktuwal na pag-eempleyo ng mga kompanya (20 empleyado pataas). Sa kabila ito ng paglabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng Department Order No. 174 na lalong naglegalisa pa sa kontraktuwalisasyon. Sa kabila ito ng mga pangako ni Pangulong Duterte na papawiin niya ang kontraktuwalisasyon sa bansa.

Pero bilang kababaihang manggagawa, hindi lang ito ang pinoproblema nila. Pinahihirapan din sila bilang babae, sa lipunang sa pangakalahata’y mas mababa pa rin ang tingin sa kababaihan, ayon sa naturang pag-aaral ng NAPC. Dahil sa kontraktuwal na istatus nila sa trabaho, nagiging mas bulnerable sila sa mga pang-aabuso.

Walang seguridad sa trabaho, walang benepisyo, walang karapatang mag-unyon. At bilang babae, walang proteksiyon sa mga panghaharas ng mga makapangyarihan sa pagawaan.

Kumakaunting unyonisado

Kahit pa bahagi ng gobyerno, tinitindigan ngayon ng NAPC sa ilalim ni Sec. Liza Maza ang pagsusuri na grabe na ang paghihirap ng manggagawang Pilipino dahil sa kontraktuwalisasyon. Lalong pinahihirapan nito ang kababaihang manggagawa.

Sinilip ng pag-aaral ang datos ng Intergrated Survey on Labor and Employment: halos 4.4 milyong manggagawa ang nasa manufacturing at retail (wala pa rito ang mga manggagawa sa agrikultura, pangingisda, at mga empresang may 19 empleyado pababa). Sa 4.4M na ito, 283,081 lang ang miyembro ng unyon.

Samantala, sa 1.9M na kababaihang manggagawa, 99,180 lang ang miyembro ng unyon. Dahil sa mga polisiya ng gobyerno sa paggawa kasama na ang pagpayag sa kontraktuwalisasyon, bumababa ang bilang ng mga manggagawang naguunyon—mga manggagawang nakakapag-organisa sa sarili para depensahan ang kanilang mga karapatan. Sa hanay ng kababaihan, lalong mas kumakaunti ang bilang (mula 14.3 porsiyento noong 2004, naging 5.3 porsiyento na lang nitong 2016).

“Lumalabas sa pagbabahagi ng kababaihang (manggagawa) ang maraming paglabag ng mga kompanya: ang iba’t ibang kontraktuwal na iskema, kawalan ng overtime pay, mas kaunting breaks lalo na sa peak season, walang break para umupo, walang libreng amenties kahit tubig, masamang kapaligiran sa trabaho, kawalan ng klinika o manggagamot,” ayon sa executive summary ng pag-aaral.

Bayan ng kontraktuwal

Karamih-an sa mga nakapanayam ng mga mananaliksik ay kontraktuwal at agency-hired. Ang marami sa kanila, nagtatrabaho nang nakatayo. Ang ilang kompanya na nag-eempleyo sa kanila, kailangan pang magpaalam isang linggo bago ang planong leave kahit na maysakit— pero minamarkahan pa rin itong “absent.” “Magastos ang muling pag-aaplay (matapos ang kontrata) na minsa’y umaabot hanggang P3,000. Pinagbabantaan din sila laban sa pag-oorganisa bilang unyon,” ayon pa sa executive summary.

Sa kabila ng hirap na dinaranas nila sa trabaho, karamihan din sa kontraktuwal na mga manggagawa ay mababa pa sa minimum na sahod ang nakukuha. Lalong nagpahirap pa sa kanila ang pagtaasan ng presyo ng mga bilihin dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law ng rehimeng Duterte.

Lahat ng gawaing ito—na nagpapahirap sa mga manggagawa—ay ikinukubli umano ng mga kompanya sa mga inspektor ng DOLE. O kung nahuhuli o nakikita man ng mga inspektor ang mga pang-aaping ito at nasisita ang mga kompanya, walang mapagpasyang aksiyon na ginagawa ang naturang mga ahensiya para masawata ang pang-aapi.

Mga abuso

Maliban sa talamak na pang-aapi sa kontraktuwal na mga manggagawa, talamak din ang mga pang-aabuso (pisikal, minsa’y seksuwal) sa mga babaing manggagawa. Wala silang magawa dahil bilang kontraktuwal, maaari silang tanggalin anumang sandali.

“Kasama sa inspeksiyon ng ilang kompanya ang inspeksiyon sa underwear ng mga manggagawa,” ayon sa executive summary.

Ayon pa sa pag-aaral ng NAPC, sa Keyrin Electronics Philippines sa Cavite Export Processing Zone, isang Koreanong manedyer diumano ang nadeport matapos ireklamo ng mga manggagawa ang paulit-ulit na seksuwal na panghaharas at abuso nito sa mga manggagawa. Dahil dito, nagkaisa ang mga manggagawang kababaihan dito para bumuo ng unyon para palakasin ang kanilang hanay—sa kabila ng mga aksiyon ng manedsment kontra sa pag-uunyon nila.

Samantala, mababa rin umano ang kaalaman ng mga manggagawa sa kanilang mga karapatan. Ang marami sa kanila, hindi alam ang kanilang karapatan bilang manggagawa at babae na nakasaad sa mga batas tulad ng Magna Carta of Women, mga utos sa gobyerno kaugnay ng paglalagay ng espasyo sa daycare at breastfeeding sa mga lugar-trabaho, Solo Parents’ Act, Family Welfare Program, Anti-Sexual Harassment Law at paglilikha ng Grievance Committees sa lugar trabaho. Hindi na ito nakapagtataka, kasi pinagbabantaan na nga sila na sumali sa mga unyon.

Kawalang katarungan

Nagmistulang nag-iisang boses para sa mga manggagawa ang NAPC, lalo pa’t kamakaila’y mistulang isinusuko na ni Pangulong Duterte ang pangako niyang wawakasan ang kontraktuwalisasyon.

“Palagay ko, hindi natin talaga mabibigay iyan lahat (ng pangako niya sa mga manggagawa),” ani Duterte, “kasi hindi naman natin mapilit ’yung mga kapitalista na kung walang pera o ayaw nila o tamad.” Sabi pa niya, huwag daw dapat pinahihirapan ang mga nagpapatakbo ng negosyo na patakbuhin ang mga ito ayon sa kagustuhan nila. “Pera naman nila iyan. Kaya parang kompromiso dapat ang mangyari — siguro — na katanggaptanggap sa lahat.”

Pero malinaw sa pag-aaral ng NAPC na hindi mga kapitalista ang nangangailangan ng saklolo ng gobyerno. Mga manggagawa — lalo na ang kababaihang manggagawa — na pinangakuan ni Duterte ng kaunting ginhawa sa pamamagitan ng pagpawi sa kontraktuwalisasyon ang nahihirapan ngayon. Ang lumalabas, hindi kaya ni Duterte banggain ang interes ng malalaking negosyante, o mga oligarko. Kaya ang inihahanda niyang kompromiso, ay pagkompromiso sa hiling ng mga manggagawa.

“Ang pagsasabuhay ng ating mga karapatan at pagkamit ng batayan nating mga pangangailangan ang pinaka-sukatan ng pagiging makatarungan ng lipunan,” ani Maza.

Sa lipunang ito, sa ilalim ng rehimeng Duterte, kung sukatan ang kalagayan ng mga manggagawa, lalo na ang mga babaing manggagawa, masasabi nating matindi ang kawalan ng katarungan sa ating lipunan.