Paulit-ulit na panghahamak ng China

0
329

Paulit-ulit na lang. Paulit-ulit ang panghahamak sa mga mangingisdang Pilipino ng mga Tsinong nang-aangkin sa West Philippine Sea.

Ilang araw bago ang ikaapat na anibersaryo ng desisyon ng International Arbitration Court na nagsasabing pag-aari ng Pilipinas ang malaking bahagi ng WPS, isa na namang bangkang Pilipino ang binunggo ng barkong Tsino nito lang Hunyo 28. Labing-apat na mangingisda at pasaherong Pilipino ang lunan ng bangka. Nakarehistro man sa Hong Kong ang barko, mga Tsino ang tripulante nito. May hold departure order nang isinumite upang hindi makabalik ng China ang crew ng barko, at sinabing hindi umano nakikialam ang Tsina sa maaaring isampang kaso, nakita na natin noong nakaraan kung paano hindi nakamit ang hustisya sa ating mga mangingisda.

Noong nakaraang taon, sa gitna ng gabi at dagat noong Mayo 29, 2019, napabalita ang pagbangga ng isang Chinese fishing vessel sa isang pampalakayang bangka. Nagulat umano ang lahat na lulan ng Gimver 1, dahil pawang natutulog silang lahat nang nangyari ang insidente.

Salamat sa saklolo ng isang bangka ng Vietnam na malapit, at nasoklolohan ang mga mangingisda. Nakatatak na sa kasaysayan ang sambit ng mga Biyetnames sa sinaklolohang mga Pilipino: “Vietnam, Philippines, friends.”

Kaysaya sanang mapakinggan ng mga kataga, kasama na rin ng unang pagkondena ni Defense Sec. Delfin Lorenzana at ng Malakanyang sa insidente. Anila, “duwag na aksiyon” ang pag-abandona ng mga intsik sa mga Pilipinong mangingisda. Pero nangyari man ang imbestigasyon, naabsuwelto pa rin ang mga Tsino. Nawala ang matapang na tono ng mga Pilipinong opisyal, habang hindi na napakinggan ang mga mangingisdang Pinoy na nawawalan ng kita dahil sa limitadong galaw sa dagat.

Dalawang insidente lang ito ng paghahari ng mga Tsino sa West Philippine Sea at iba pang bahagi ng karagatang pag-aari dapat ang Pilipinas. Sa mga nakaraang mga taon, tuluy-tuloy ang pag-aangkin ng China sa karagatang ito ng Timog-Silangang Asya.

Kumpara sa tindig ng karating-bansa sa rehiyon, kakaiba ang tindig ng Pilipinas sa agresyon ng mga Tsino. Rehistrado ng mga bansa tulad ng Vietnam ang kanilang pagtutol sa pamamalagi ng mga bangkang Tsino sa kanilang bakuran, at nagawa pa ngang itaboy ang mga ito papalayo sa kanilang bahagi ng karagatan. Pero malayo ito sa larawan na iniwan ng insidente ng Gimver1. Tila yumuko ang Pilipinas sa lakas ng mga Intsik.

Ganun na lang ang lakas ng loob ng mga Tsino na banggain ang mga angkang pamalakaya ng Pilipinas. Habang nitong papasok ang pandemya dulot ng coronavirus disease-2019 (Covid-19), mismong si Pangulong Duterte ang nagsambit na ayaw niyang masaktan ang damdamin ng mga Tsino. Kung ayaw niyang masaktan ang damdamin ng China kahit pa sa usapin ng pagpasok ng sakit sa bansa, lalo pa kaya sa usapin ng maliliit lamang na tao, oo lalo na ng mangingisdang mga Pilipino.

Apat na taon na ang nakalilipas nang nakatanggap ng desisyon ang Pilipinas pabor sa claim nitong pag-aari ng bahagi ng dagat na inaangkin ng China. Apat na taon na rin ang pamumuno ni Duterte. Apat na taon rin ito ng patuloy na pamamayagpag ng mga Tsino sa WPS at iba pang bahagi ng dagat na teritoryo ng Pilipinas.

Apat na taong mistulang pagpapakatuta ng gobyernong Pilipino sa isang bagong-usbong na imperyalista sa mundo.