Performance art at ang sining para sa pakikiisa sa gitna ng pandemya

0
404

Ni BOYET DE MESA

Naglunsad ng apat na performance solidarity event ang Solidarity in Performance Art Festival (SIPAF) nitong lockdown: #Ekinoks (Marso 20, 2020), #Igpaw: Solidarity in Performance for Health Workers, (Abril 8 ), #MaAyo Uno, Solidarity performance for workers/OFW ) at ang #AnoNewNormal: Performance Solidarity Against Anti-Terror Bill (Hunyo 4).

Ang Performance Solidarity ay nilahukan ng 13 performances sa Ekinoks, lumaki ito noong Igpaw na umabot sa 20 performances ng 25 artists, na Luzonwide, at kasama ang OFW mula sa Dubai at Japan, namintina ito ng MaAyo Uno (14 performances). Humantong ang tugon ng mga artista at mamamayan sa kilos protesta sa pagpasa ng anti-terror bill o ATB. Ilan sa mga kalahok na artists ay nakiisa sa kilos protesta, habang natuloy ang performance solidarity laban sa ATB.

Ang Performance Solidarity ay isang event ng sabayang performance, sa ibat-ibang espasyo (sa bahay o studio ng artists), sa panahon ng lockdown. Ang diwa ng solidarity ay mailalarawan sa pagsasama-sama, pagtugon sa isang partikular na usaping pambansa, at sa diwa ng sabayang performance (ng parehas na oras). Napagkaisahan din ang mga performances ay kukunan, idodokumento sa pamamagitang ng camera o cellphone at gamit ang social media (bilang instrumento) ay i-po-post sa kani-kanilang Facebook saparehas na araw (bilang konsiredasyon sa hina o lakas ng signal sa iba’t ibang erya kung saan ang artist na kalahok). Ang iba ay nakapag-Facebook Live.

Ang mga lumahok sa performance ay pawang mga middle class, estudyante, mga visual artists, guro/dalubguro, sound artists, manggagawang pangkultura, poet, mandudula, healthworker at iba pang propesyunal.

Ang Performance Solidarity ay napasimulan noong 2014-2015, sa panahon naganap ang trahedya ng Bagyong Haiyan/Yolanda. May 200 artista, mandudula ang nagkaisang sabayang mag-perform, 10 lugar sa buong bansa ang naghilamos ng putik sa buong katawan (bilang simbulo ng mga biktima), nagtanghal gamit ang putik, upang manawagan ng hustisya. Ginawa rn ang sabayang performance matapos ang trahedya ng Mamasapano at Maguindanao (Massacre).

Ang Performance Art/ Pagganap

Ang performance art ang gamit ng medium ng pagpapahayag. Isang sining na gumagamit ng elemento ng espasyo, oras/time, engagement at katawan (bilang pangunahing medyum). Ito ang depinisyon ni Eileen Legaspi-Ramirez sa isang porum sa SIPAF noong 2017:

Body, the body of the artist or artist as the case may be. The time in which the performance takes place. The space in which the performance encounter happens. And the possibility of engagement with other bodies that are present in that space and during that time. (2017)

However, apart from those core elements which most scholars do agree upon over the past decades and depending on which scholar you’re talking to…here have been certain aspects of performance that have since come into the landscape of the practice. This includes the incorporation of other forms apart from the immediate material which is the artist’s body. So, forms that are visual, forms that are literary, musical, so the time-based ones, and even activism or political action. As you heard when they were telling you what the talks would be like, I imagine a few of these would be taken in more detail by the other speakers. There’s also the idea of physicality or the body, or the immediate presence of the artist’s body in the time and space where the performance is happening. There’s also the issue of the immaterial. (2017)

Sa madaling sabi, sa performance art, maraming posibilidad ang pwedeng magamit para magtanghal, pinakamalapit itong maihahalintulad sa teatro, dahil sa live performance sa harap ng madla, pero hindi ito teatro. Labas ito sa pitong klasipikasyon ng sining na alam natin, pero pwedeng sumanib sa iba’t ibang mga disiplina sa sining. Maaring tumahi o tumulay ang performance art sa iba’tibang genre sa sining.

Mahalaga sa performance art ang “moment” o ang aktwal na performance sa harap ng madla. Dahil sa live performance, nagaganap ang interaksyon ng artist at manunuod, at may pagka-ispontanyo ang performance. Ngunit sa panahon nitong lockdown, ang usapin ng “moment” at performance sa audience ay nabago. Gayunman, social media ang naging daluyan ng mga ito.

Sa kabila ng kaibahan ng aktwal na performance sa harap ng madla at posibilidad ng tugon ng manunuod na kagyat na makukuha sa live performance. Ang diwa ng solidarity ay napangingibabaw sa nasabing event. At gamit ang social media, pinalaganap ang mga performances at binungkos sa paggamit ng #hashtags ng titulo at panawagan dala ng performances.

Performance Solidarity for Tacloban, 2014

Performing Solidarity (Pagganap ng pakikiisa)

#Ekinoks 2020 (March 20, 2020)

Ang Equinox ay isang performance solidarity na ginanap sa buong mundo, na sinimulan noong 2016. Pinangunahan ng mga performance artists na nagtipon sa isang kumperensya sa Thailand na nasabing taon. Sa pagputok ng pandemya ay tumungo sa pagtugon dito. Makikita ang mga lumahok na bansa sa FB group page ng Same Difference: Equinox to Equinox

Sa Pilipinas, pinangunahan ito ng SIPAF. Ang tubig bilang natural at komon na materyal ay ginamit na maging bahagi ng performance, simbulo na rin ng pagkakaisa at pakikiisa.

Performance nila Nadera, Sarmogenes, Ong sa Ekinoks 2020

Ang paglalarawan ni Vim Nadera sa pandemya ay tagtuyot. Ginamit nya ang imahen o postura ng The Thinker, siya ay naka-uniporme ng manggagawa, may hawak siyang hose at nagdidilig ng tuyong lupa sa paso. Sa paso, nakatirik ang isang maliit na bandila ng Pilipinas, habang siya ay nagdidilig, umuusal ng panalangin, sa pamamagitan ng tula. Bilang manunulat at poet, konsistente si Nadera sa paggamit ng tula kanyang sa performances. Magkasamang dasal at pagkilos ang nais ipahiwatig ng performance. Eto ang paulit-ulit na bahagi ng kanyang tula:

Santa Corona,
Patron ng Pandemia,
Iligtas mo kami sa corona,
virus na sakit ang dala.

Si John Andre Sarmogenes naman ay nagwisik ng kulay pulang likido (pintura) sa isang mapa ng mundo, sa panimula ng kanyang performance. Tila sinasabing paglaganap ng pandemya at dami ng biktima. Ritwal ng panalangin, sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig sa mukha ang ginawang kilos ni JAS. Pinili niyang mabuhay sa pamamagitan ng paghinga, matapos ang paghugas ng mukha.

Si Aze Ong ay gumamit din ng isang ritwal, halaw sa sinaunang ritwal ng hinggil sa maayos , matapat at makabuluhang pamumuno na sinisimbulo ng lumang kutsilyo na nasa isang palanggana at hinihugasan ng tubig. Ngunit, nagdiin siya sa kabaligtaran nito, ginamit nya ang paghuhugas ng kamay ng isang namumuno bilang pag-iwas sa responsibilidad o paninisi, makikita ito sa postura niya sa upuan tila isang reyna. Si Ong naman ay consistent sa paggamit ng kanyang nasusuot na crochet sculpture,sa kanya ito ay simbulo ng kapangyarihan.

Ang tatlong performances ay repleksyon ng pagsasakontemporaryo ng sinaunang ritwal, ng tradisyon ng paggamit ng tubig sa panalangin at pagsasakapangyarihan ng posisyon ng katwiran.

#Igpaw: Solidarity in Performance for Healthworkers (April 18, 2020)

Ang temang ito ay nabuo sa gitna ng pagkasawi ng maraming doktor dahil sa COVID-19, paghinto ng paglabas ng mga OFW na nurses at pag-iral ng Luzon-wide ECQ.

Nadera, Igpaw

Madaling naka-konek si Nadera sa tema, dahil ang ina niya ay isang doktora, na kung ito’y buhay pa sa ngayon. Alam niyang susuong ito sa tungkulin. Kaya ang performance ay personal din sa kanya. Ang espasyo ang malaking salik sa kanyang performance, pinili ang silid na naihalintulad niya sa silid sa ospital ng mga doctor at nurses. Ang silid ay isang santuwaryo, lugar para magpahinga at lugar pag-aaral. Nakasuot sya ng costume ng “Superman”, popular na simbulo ng bayani. Kalakip nito, ginamit nya ang tradisyon ng Diona/Dagli sa pagtula. Ang tula ay isinulat sa surgical facemask. Ang Diona, Dagli ay ay maiuugnayan ng kakagyatan (urgency) ng sitwasyon. Ang tula ay ginawa ring kanta at naging background music ng performance.

JAS, Igpaw

Si Sarmogenes ay nag-alay ng performance sa kanyang mga kakababayan sa Binan. Isang sound art ang -ineksplor nya sa performance. Ineksperimento niya ang paghahalo ng tunog ng sinaunang instrumento (hegalong) sa modernong instrumento at mga kontemporaryong tunog (gaya ng tunog ng air pump na malapit na tunog ng ventilator, patak ng tubig, shower hose, rain stick. Bagaman una niya itong sound art, ang inspirasyon ay mula sa isang kolaborayson sa isang sound artist. Dito niya iniugnay ang inspirasyon na dala ng mga frontliners sa kanyang bayan.

Magkakahalong damdamin ang madarama sa tunog na nalikha ng mga sama-samang bagay na lumikha ng tunog, nagsilbi itong bakgrawnd ng kanyang video. Habang nag-eeksperimento sa tunog, makikita sa kanyang (edited) video ang mga larawan ng mga healthworkers.

AO, Igpaw

Naihalintulad naman ni Ong sa bulaklak ang pagbibigay inspirasyon ng mga healthworkers. Suot nya ang kanyang crochet sculpture, hawak ang bungkos ng rosas (na ibinigay sa kanya ni David Medalla, noon pang 2018). Makikita sa isang bahagi ng kanyang suot ang isang tila bibig, sa kanyang pagkilos ng pataas at pababa, mapapansin na siya ay tila humihinga. Lalabas sa butas na ito isa niyang kamay na tila umaabot sa langit, na parang nanaghoy o nanalangin. Sa dulo ng pagtatanghal ay mag-aabot ang dalawa niyang kamay, hawak ang bungkos ng mga bulaklak. Pasasalamat ang larawan ng pagbibigay bulaklak. Balisa si Ong sa personal na danas, dala ng dalamhati sa pagpanaw ng kanyang biyenan.

IL, Igpaw

Si Ian Lomongo ay pag-awit naman ang sentro ng performance. Ang hugot ay mula sa reaksyon niya sa gabi-gabing talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa telebisyon. Naka-compose siya ng awit na ang pamagat ay “ We Don’t Wanna Hear the Mad Stories of Our Sorry State”. Nag-Facebook Live siya sa performance, kontra sa recorded speech ng Presidente. Gamit ang facemask, bukod sa layon nitong pag-iingat sa virus ginamit niya ito bilang simbulo ng pagbusal sa kalayaan sa pamamahayag. Mapapansin ito sa hindi buong pag-awit ng liriko ng kanta. Nakiisa si Lomongo sa parangal sa mga health workers, ngunit nagdiin siya protesta. Sa Facebook Live, makikita ang feedback ng mga nanuod ng performance. Ang bag at sumbrero sa kanyang bakgrawn ay larawan na paglalakbay, na hindi na magawa dahil sa lockdown.

Sa performance naman ni Angelo Chua, inilarawan niya ang paggamit ng liwanag at anino o kilala natin bilang shadow play,gamit ang puting tela, galaw at ilaw. Makikita ang mga anino ng mga kamay na nakakadena na humuhulagpos, nag-struggle para lumaya. May kalangkap na bakgrawnd music habang nagaganap ang kilos. Isang kwento ng paglaya ang laman ng kanyang performance.

MaAyoUno: Solidarity in Performance for workers/OFW (May 12, 2020)

Ang konsepto ng MaAyo Uno ay mula kay Sarmogenes, sa pag-aalay niya ng performance sa kaniyang kababayan, naisip nya, bakit hindi mag-ukol ng performance sa kanyang ate na OFW. Inihapag ang ideya sa grupo at pinalawig ang halaga ng manggagawa sa bayan at ang pinagtuunan ang miserableng kinahaharap ng manggagawang pinakaapektado ng pandemya. Ang maayo ay maganda sa Tagalog, halos katulad ang konsepto ng #Igpaw, ang diin lamang ay sa manggagawa sa kabuuan.

Si Nadera ay nagpahalaga sa manggagawa sa pamamagitan ng paghalintulad dito sa lumalagong mga halaman-flora at fauna (mga hayop) sa panahon ng pandemya. Naka unipormeng pangmanggagawa si Nadera, malakas ang kontras niyang kulay niyang kahel sa halamanan na tila may harmony ang kanilang existence. Isinaayos niya ang mahabang lambat na gagapangan ng halaman. Nakatayo siya habang ginagawa ito. Ang dulo ng performance ay pagharap nya ng nakaluhod sa isang tuyot na halaman at pagdilig dito na tila sinasagip para mabuhay..

Si Sarmogenes ay naglagay ng installation ng mga ibong gawa sa papel (origame) nakilala bilang simbulo ng kapayapaan o payapa. Sa pamamagitan din ng mga papel na hugis ibon, lumikha sya ng salitang Grazie Sorella o Salamat Ate.

Si Ong ay nagpakita ng tatlong minuto ng kanyang proseso ng paggawa ng kanyang sculpture. Literal na naggagantsilyo. Sinamahan niya tunog at ng maikling teksto ang performance:

Palad mo’y nagtamasa
Ng lahat ng biyayang
Dugo, pawis at luha
Sa kamay ng gumawa
-Rem Tanauan

Relatibong simple ang imaheng ipinakita niya sa performance, bumigat ito sa tekstong ginamit niyang caption sa kanyang post. Tila banta ng naniningil ang pahiwatig.

Si Lomong ay muling umawit, kanya naman isinalin sa Filipino ang kanta ni George Harrison na “All Things Must Pass” o “Lilipas din ang lahat”, FB live muli nya inawit. Narito ang kanyang salin:

Lilipas Din Ang Lahat

(Salin-Adaptasyon ng “All Things Must Pass “ ni George Harrison)

Bukang-liwayway ay saglit lang sa umaga
Tumitila rin pagbuhos ng ulan
Pag-ibig man lumisan nang walang paalam
Hindi laging ganito kalamlam.

Lahat ay lumilipas
Lilipas din ang lahat.

Takipsilim ay sandali lang sa gabi
Napapawi rin mga pighati
At kung pag-ibig man lumisan din sa huli
Hindi laging ganito kasawi.

Lahat ay lumilipas
Lilipas din ang lahat.
Lahat, lumilipas
Walang ‘di kukupas
Kaya bumangon na’t kagyat
Harapin ang bukas.

At sa gabi lamang ang dilim nananatili
Sa umaga ito ay nagagapi
Sisikat din ang liwanag lagi-lagi
Hindi parating ganito katindi.

Lahat ay lumilipas
Lilipas din ang lahat.
Lahat, lumilipas
Lilipas din ang lahat.

Mahinahon at puno naman ang pag-asa ang hatid ng awit, wala gaanong biswal na elementong dagdag sa kanyang performance. Magaan at masaya niya itong inawit.

Si Chua naman ay nag-set up ng pagtatanghalan sa kanilang kusina, kulay pula ang ilaw na bumabalot sa setting. Makararamdam ng panganib ang larawan. Ang ayos ng espasyo na tila pinaglipasan ng panahon dahil sa wala sa ayos ang mga bagay. Nasa sentro ang isang palanggana na puno ng tubig. Nakaputing damit si Chua, umiiyak na tila nagpapaalam. Niyakap niya ang asong pumasok sa eksena at nagpatuloy sa pag-iyak. Pinakawalan ang aso, saka nilubog ang kanyang sarili ng ilang ulit sa tubig na tila siya ay nagpapakamatay. Sumunod na eksena, nag-suot ng maskara, gumamit siya ng dalawang kandila at sinindihan ng ilang minuto. Tapos pinatay ang kandila. Umalis sya sa eksena, dala ang maleta. Makikita ang maikling dula ng paglisan ng mga kaluluwang dumanas ng pagbabalewala.

Pawang nilantad ng mga performances ang iba’t ibang mukha ng kahirapan, kaapihan ng dinadanas ng mga manggagawa. Maging ang maikling performance ni Ong ay nilangkapan niya ng caption ng pag-agaw ng yaman na pinagpaguran ng paggawa.

#AnongNew Normal, Performance Against Anti-Terror-Law (June 4, 2020)

Ang New Normal ang sumunod na diniskurso ng grupo , ang new normal, bilang salita ang naging madalas ng pag-usapan sa nagbagong kalagayan dahil sa pandemya. Si Chua naman ang naghapag ng ideyang ito sa grupo. May mungkahing gawing ispirasyon ang new normal, may kumewstiyon sa new normal, magiging mas malala ang new normal at marami pang ideya. Hanggang napabalita ang pagratsada sa Anti-terror Bill sa kongreso at sinabi pang “priority bill” ito ng Presidente. Natuon ang diskurso ng grupo sa pagpuna sa Bill, tila ang nasabing Bill ang sagot sa pandemiy , na lalong ikinagalit ng mamamayan. Napagkaisahan itapat sa araw ng protesta (indignation) sa pagpasa ng nasabing batas. Ilan sa mga artists ay lumahok sa kilos protesta sa UP Diliman, habang may anim na artists ang sumabay ng performance sa kani-kanilang bahay.

Si Nadera, ay literal na nagtatapon ng basura; isang maikling performance ang laman ng video, nakatutok lang ang camera sa transparent na plastic na laman ay kung ano-ano. Dala niya ito, dahil nakatutok ang camera dito, tila pinasusunod tayo sa kanyang pupuntahan. Sumunod na eksena ay ibinigay niya sa basurero ang dalang plastic ng basura (na nagkataong nasa lugar at naghahanap ng pwedeng mapakinabangan sa mga bagay na tinapon). Ang basurang inabot ay ibinasura din ng hindi pinakinabangan ng namamasura.

Si Sarmogenes ay gumamit ng popular na imahen ng isang teroristang tila nabro-broadcast ng kanyang pahayag sa media. Pero ang ginamit nya ito para ilahad ang kanyang pag-ka asar at pagtutol. Narito ang mga teksto:

“Iam not Terrosirt,
“Iam an Artist, Anti Fascist
#JunkTerrorBIll.

IL, AnongNewNormal

Si Lomongo ay gumamit ng simbolismo, ginamit ang kilalang campaign sign ni Duterte , ang kamao na may letrang DU30 na parang tattoo, naka-super-impose sa lente ng camera, hanggang ang kamao ay maging takip sa mata, simbulo ng pananakot o sensura, ang kamao ay maging busal sa bibig. Tututol ang kabilang kamay, gamit ang alcohol, pinilit burahin ang tattoo o nakasulat sa kamao ng Du30 (simbulo ng pag-aalis sa presidente), ang kamao na simbulo ni DU30 ay naging kamao ng paglaban, gamit ang teksto ng “Ang Tao, Ang bayan, Ngayon ay lumalaban (na isang popular ng agit ng pagtutol at pakikiisa.);

AO, AnongNewNormal

Simple at maikli ang performance ni Ong. Nakaupo, suot ang kanyang tinahing sculpture, hawak ang puting papel at pupunitin ito. Tsaka itatapon.

Si Chua, gamit ang plastic o clear tape, binalot ang isang stuffed toy na anyong oso, simbulo ng pagkitil sa kalayaan sa pamamahayag, nag-black out ang video at maririnig ang isang putok. Sumunod na imahen ay tambak ng laruang binusalan at piniringan. Magtatapos sa video na Teksto sa: KAHIT SINO.

Ang performances ay malinaw na pagpapahayag ng pagtutol at protesta sa pagpasa ng Anti-terror Law. Literal na pagtapon ng basura ang ipinahayag ng performance nila VN at AO.

Maikli ang mga performance ng mga artists, na tila lagom na nila ang kanilang posisyon sa diskurso ng bayan. Direkta rin ang paggamit ng mga simbolismo ng pagtutol, pang-aapi. Sa gitna ng pandemya, itinulak ang paghaharing militar na konsistente sa solusyon ng gobyerno Duterte at mga kaalaydo nya sa gitna ng pandemia. Si Nadera na nakaranas ng pag-iral ng Martial Law hanggang sa bagong henerasyon ni Chua, malinaw sa kanila ang pagtutol sa panukalang batas na ito.

Ang pagtutol bilang pagtunggali sa kapangyarihan ng nasa pusisyon ay malinaw na paggiit ng kapangyarihan ng api. Ang sinimulang solidarity sa pamamagitan ng performance at pagpalabas nito sa social media ay naging buhay na pagtutol, sa pagsama ng ilan sa mga artists sa pagkilos na ginawa sa UP University Avenue. Ito ay sa kabila ng banta ng kapulisan sa panghuhuli.

Nakaugat sa kasaysayan ng paglaban sa kolonyalismo ang pagiging aktibo ng mamamayan sa tutulan ang anumang pag-abuso sa kapangyarihan at paglabag sa karapatan. Hindi rin nakalilimot ang bayan sa madilim na bahagi ng kasaysayan, nuong pinatupad ang Martial Law ng dating diktador na si Marcos.

Sa mga performances, makikita ang tradisyon ng paggamit ng ritwal, ang paggamit sa mga imahen ng pananampalataya o tradisyong Katoliko. Makapangyarihan ang gamit ng salita, lalo na ang paggamit ng wikang Filipino sa pag-capture ng nais na “statement ng mga artists”. Gayundin ng mga paggamit ng mga kontemporaryong imahen. Ang pakikiisa ay isa din tradisyong sa mga Filipino, tulad ng ritwal ng sanduguan na larawan ng kapatiran o higit sa turing na kapatid, kundi ka-dugo. Ang performance solidarity, ay maihahalintulad din sa pag-iisa ng sining sa kasaysayan at ang pakikiisa, bilang Filipino values at patriotismo.

Sanggunian

Mga tugon, sa mga katanungan: Panayam hinggil sa Performance Solidarity sa panahon ng lockdown, VN, JAS, AO, IL, AC, Hunyo 2020.
Mga captured photos sa videos ng performances sa FB page ng Sipa Pinas Facebook.
Eileen Legaspi-Ramirez, Introduction to Performance Art from the Philippines, 2017
Dela Cruz, Pakikipagkaisa, Espasyo at Pagganap: Ang mga Ekspresyon sa Sining ng Pakikipagkaisa at Nasyunalismo, 2019

Ang awtor ang convenor ng SIPAF/Performance Solidarity, bahagi ng kaguruan ng College of Arts and Letters, Polytechnic University of the Philippines, at kasapi ng Concerned Artists of the Philippines-PUP

The post Performance art at ang sining para sa pakikiisa sa gitna ng pandemya appeared first on Bulatlat.