Peryodismo bilang propesyon?

0
197

Peryodismo. Iisang propesyon, iba’t ibang depenisyon.

Teka, may mga nagsasabing hindi akmang salita ang “propesyon” kung ipapaliwanag ang konsepto ng peryodismo. Ang isang katangian daw kasi ng propesyon ay ang pagiging bayad na okupasyon (paid occupation). Hindi naman daw sumusuweldo ang lahat ng peryodista.

Totoo ba ito? Talaga bang may mga peryodistang hindi nababayaran sa kanilang pagtatrabaho? Opo.

Sila ang mga nagtatrabaho sa tinatawag na alternatibong midya. Kadalasang hindi masyadong kilala ang mga organisasyong ito dahil limitado ang naaabot ng kanilang mga ulat. Pinapatakbo sila ng ilang indibidwal na ang tanging hangarin ay gamitin ang peryodismo para maiparating sa publiko ang kanilang pagsusuri sa nangyayari sa lipunan. Bakit alternatibo? Palibhasa, progresibo!

At dahil medyo partikular tayo sa akmang salita, siguradong may mga taga-alternatibong midya na magsasabing hindi sila gumagampan ng trabaho kundi ng gawain. Ano pa nga ba ang matatawag mo sa pag-uulat para sa isang alternatibong organisasyong pang-midya (alternative media organization) na nakapaloob sa normatibong pamantayan ng peryodismo pero labas naman ng balangkas ng suwelduhang propesyonal?

Sa halip na buwanang suweldo, nabibigyan naman ang alternatibong peryodista ng paminsan-minsang subsidyo (kung may badyet ang organisasyon). Siyempre, kailangan din niya ng pamasahe’t pambili ng pagkain. At dahil sumusunod siya sa mataas na pamantayan ng peryodismo, asahan nating hinding hindi siya hihingi ng pera sa mga iniinterbyu niya at handa niyang tiisin ang mahabang paglalakad kung sakaling wala nang mabunot sa bulsa.

Hindi trabaho kundi gawain. Hindi suweldo kundi subsidyo. At kung sa tingin ng alternatibong peryodista ay hindi propesyon ang peryodismo, ano ito?

Mainam sigurong ipaliwanag muna kung ano ang peryodismo sa konteksto ng alternatibong midya. Kung normatibong pamantayan ang pag-uusapan, sumusunod ang alternatibong peryodista sa itinakdang code of ethics. Alam niya ang nilalaman ng The Philippine Journalist’s Code of Ethics o kahit na yung mula sa ibang bansa tulad ng Society of Professional Journalists’ (SPJ’s) Code of Ethics. Bahagi ng kanyang mga pagsasanay (training) ang pagbabasa ng mga sanggunian (references) tungkol sa peryodismo na mula sa mga lokal at dayuhang awtor. Siyempre pa, pinag-aaralan din niya ang epektibong pag-uulat sa wikang naiintindihan ng ordinaryong mamamayan, sa loob o labas man ng bansa.

Kumpara sa mga peryodistang nasa dominanteng midya (dominant media, minsa’y tinatawag ding corporate media), mapapansin ang kakaibang perspektiba ng alternatibong peryodista. Dahil mas akma para sa kanya ang terminong gawain sa halip na trabaho, mas binibigyang-halaga niya ang bawat isyung kinokober. Hindi lang simpleng pag-uulat ang ginagawa niya dahil metikoloso ang pag-uungkat. At mula sa mabusising pag-uungkat, nagagampanan ang malalimang pagmumulat ng sinumang interesadong basahin, pakinggan o panoorin ang ulat niya.

Paano niya nagagawa ito? Bahagi ng kanyang tuloy-tuloy na pag-aaral ang pagsusuri sa pambansang kalagayan para malalim na maisakonteksto ang partikular na isyu sa pangkalahatang kaayusan. Minsan pa nga’y nagsisimula ang lingguhang pagpaplano ng alternatibong organisasyon pang-midya sa isang diskusyon kung ano ang nangyayari sa bansa, pati na ang ilang pandaigdigang isyung may implikasyon sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Marami-raming oras ang inilalaan kung ano-anong isyu ang kailangang mapatampok, pati na ang mga taong dapat lapitan at mga dokumentong dapat pag-aralan. Dahil may pagkakaisa na sa pagsusuri sa nangyayari sa lipunan, hindi problema ang interpretasyon ng mga datos. At dahil nakikita ang kahalagahan ng gawain, asahan ang agarang pagsusumite ng mga ulat.

Pero may problema ring kinakaharap ang alternatibong peryodista at organisasyong pang-midyang kinabibilangan niya. Pera!

Halimbawa, kailangang isakripisyo ang pag-uulat ng mahalagang isyu, lalo na ang nangyayari sa malayong komunidad, dahil walang pamasahe para makapunta roon. Sa sitwasyong ito, sinusubukan ng alternatibong peryodistang makiusap sa kakilalang residente ng komunidad, kung mayroon man, na siya na lang ang magbigay ng mahahalgang datos na gagamitin sa pag-uulat. O kung may kakayahan ang residenteng siya mismo ang mag-ulat, bibigyan siya ng espasyo ng alternatibong organisasyong pang-midya para gawin ito.

Minsan naman, magkakaroon ng mapanlikhang desisyon hindi lang ang isa kundi ang maraming alternatibong organisasyong pang-midya. Mag-aambag sila mula sa kanilang limitadong pondo para ipadala ang isa lang sa kanila sa ikokober na komunidad. At ang mga datos na makukuha niya ang siyang gagamitin ng mga nag-ambag na organisasyon para sa ulat na ilalabas. Posibleng pare-pareho ang datos at pagsusuri, pero asahan natin na kanya-kanya ang paraan ng pag-uulat.

Peryodismo. Para sa alternatibong peryodista, malalim ang depenisyon nito. Dahil hindi ito suwelduhang trabaho, iba ang antas ng paggampan sa tungkulin. Wala siyang bagahe ng isang peryodista ng dominanteng midya na minsa’y nag-iingat na magalit ang mga bossing dahil sa “tapang” ng kanyang ulat. Hinahayaan kasi ang alternatibong peryodistang palalimin ang kanyang pagsusuri basta’t umaangkop sa datos na nakalap, pati na sa interes ng mga pinagkakaitan sa lipunan.

Ulitin natin ang tanong: Kung hindi propesyon ang peryodismo, ano ito? Sa progresibong pamantayan, ang peryodismo ay adbokasiya.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa phttps://risingsun.dannyarao.com