Philippine Long Distance Telephone Company o PLDT ang pinakamalaking telecommunication at digital services company sa buong Pilipinas na pinamumunuan ng CEO na si Manny Pangilinan. Limpak-limpak ang kinikita nito taun-taon, pero isa ito sa inilista ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga pinakamalaking kumpanyang nagsasagawa ng iligal na labor-only-contracting. Sa kabila ng katanyagan at tagumpay PLDT ang lugmok na kalagayan ngayon ng libu-libong manggagawa na iligal na tinanggal.
Matapos maglabas ng DOLE ng kasulatan para tanggalin ang mga manpower agency at gawing regular ang mga manggagawa sa kumpanyang PLDT, tinanggal ng PLDT ang mga manpower agency nito na nagresulta sa pagkawala rin ng trabaho ng mga manggagawa.
Noong July 9, 2018, nagsimulang magkampuhan ang mga tinanggal na manggagawa sa harap ng opisina ng PLDT sa España, malapit sa Welcome Rotonda, upang kundenahin ang iligal na pagtatanggal sa libu-libong manggagawa nito.
Isa si Elezar Bajolunes sa natanggal na mga manggagawa. Nagtatrabaho siya sa work force management o yung mga taga-gawa ng mga iskedyul ng call center agent. Siya rin ay kabilang sa mga sumasagot ng tawag kapag mayroong nagrereklamo hinggil sa mabagal na internet.
Ayon kay Elezar, sa loob ng isang araw ay tumatanggap sila ng 4,000 na tawag sa kanilang corporate hotline (177), samantalang 20,000 na tawag naman ang natatanggap nila sa kanilang Residential Hotline (171). Sa kada araw na pagsagot nila sa libu-libong tawag na ito mula sa mga costumer at pagbibigay nila ng serbisyo taun-taon ay hindi man lamang masuklian ng management ng PLDT na gawin silang regular.
Limang taon nang nagtatrabaho si Elezar sa PLDT na sumasahod naman ng above minimum. Ngunit nang maglabas ng order ang DOLE ay bigla na lamang nagkaroon ng malawakang pagtatanggal sa halos 12,000 manggagawa ng PLDT.
Curo Teknika ang agency na kinabibilangan ni Elezar. Ayon sa kanila, sa kabila ng laban nila ngayon para sa regularisasyon at mabalik sa trabaho ay nanatiling nakasuporta sa kanila ang agency na ito.
Hunyo 5 pa tinanggal ang ibang manggagawa ng PLDT at ang iba naman ay noong Hunyo 30. Ang mga tinanggal sa katapusan ng Hunyo ay sinabihan na terminated na sila sa trabaho noon lamang Hunyo 29.
“Naglabas ng mga instructions yung PLDT para raw makabalik kami, pero para sa amin yung mga instruction na ‘yun ay parang rehiring lang,” paliwanag ni Elezar.
Mula sa kampuhan sa España, ngayon ay nagtungo na sila sa Mendiola upang lalong itambol ang kanilang panawagan hinggil sa kontraktwalisasyon.
“Ang kontraktwalisasyon talaga na iyan yung nagpapababa ng kalidad ng paggawa ng mga manggagawa. Kahit kailan talaga ay walang kasiguraduhan ang mga manggagawa kapag may kontraktwalisasyon.” hinaing ni Elezar.
The post #PLDTWorkersCampout | Manggagawa sa workforce management appeared first on Manila Today.