‘Point of order, your honor’

0
262

Akala ng marami, bawal gamitin ang wikang Filipino sa Kongreso. Kapag may pulong ang komite o sesyon sa plenaryo, ang madalas na naririnig ay wikang Ingles. Ito ang pangunahing ginagamit ng mga mambabatas lalo na tuwing may debate o interpelasyon sa plenaryo.

Mali ba ito? Kung ang isang institusyo’y nagpapakilala bilang kinatawan ng mga mamamayang Pilipino, hindi ba’t akma lang na ang iba’t ibang wika ng bansa’y magkaroon ng silbi o papel sa loob nito? Na sa halip na wikang banyaga ang daluyan ng komunikasyon, wikang sarili ang prayoridad at may mga hakbang upang ang iba pang wika ng bansa’y ituturing bilang mga opisyal na wika tuwing deliberasyon sa Kongreso.

Subalit sinasalamin ng Kongreso ang nagpapatuloy na diskriminasyon laban sa pagtukoy sa wikang Filipino bilang wika ng mga edukado, propesyunal, at iba pang intelektuwal sa lipunan. Palibhasa’y pinamumunuan at pinamumugaran ng mga elitista na sanay sa paggamit ng wikang dayuhan sa kanilang pang araw-araw na transaksiyon sa opisina, negosyo o asyenda kaya may pagtingin na ang wikang Filipino’y hindi nababagay gamitin tuwing magkakaroon ng debate sa kapwa-mambabatas. Maaaring wikang Filipino ang bukambibig sa karaniwang mga usapan. Pero mabilis o awtomatikong napapalitan ito ng wikang Ingles kapag nakabukas na ang mikropono ng kapulungan.

Eh ano ba ang patakarang gumagabay sa Kongreso hinggil sa anong wika ang dapat gamitin ng mga miyembro nito?

Noong Agosto 16, 1988, nagtalumpati si Rep. Oscar Santos ng Quezon gamit ang wikang Filipino. Minungkahi ni Rep. James Chiongban ng South Cotabato na sa wikang Ingles magsalita si Santos. Ang sagot ng nagpapadaloy ng sesyon ay naaayon ang paggamit ng wikang Filipino bilang selebrasyon ng Buwan ng Wika. Tinanong ni Rep. Jose Yap ng Tarlac kung ito ba’y maaari ring gawin sa mga susunod na araw. At ang sagot ay oo, ang wikang Filipino ay wastong gamitin sa plenaryo.

Hindi ba’t kakatwa na kailangan pa ng opisyal na desisyon bago magkaroon ng kaliwanagan na nararapat lamang ang paggamit ng sariling wika sa Kongreso? At higit na kakatwa na sa bawat Kongreso ay laging may titindig upang magtanong kung nasa alituntunin ba ng institusyon ang pagsasalita sa wikang Filipino.

Maaaring isipin na tagumpay para sa pagsusulong ng wikang Filipino ang desisyong kumikilala sa kawastuhan ng paggamit ng wikang katutubo. Subalit bibihira ang mambabatas na mangangahas magsalita sa wikang Filipino sa plenaryo. Wala ring pagsasalin ng mga talumpati, buod ng mga debate, at panukalang batas sa wikang Filipino.

Noong 2 Mayo 1988, habang may interpelasyon sa pagitan nina Rep. Herminio S. Aquino ng Tarlac at Rep. Raul A. Daza ng Northern Samar gamit ang wikang Filipino, hiniling ni Rep. Antonio T. Bacaltos ng Cebu na isalin sa wikang Ingles ang kanilang usapan. Nilinaw ng nagpapadaloy ng sesyon na tanging mga talumpating binigkas sa wikang Filipino lamang tuwing ‘privilege hour’ ang pwedeng isalin sa wikang Ingles.

Samantala, nagkaroon ng kakaibang interpelasyon sa pagitan nina Rep. Celso L. Lobregat ng Zamboanga at Rep. Aleta S. Suarez ng Quezon noong Nobyembre 28, 2002 dahil nauwi ito sa paggamit ng wikang Cebuano Bisaya. Nagtanong si Rep. Raul L. Villareal ng Nueva Ecija kung ito ba ay tama at ang nakuha niyang sagot ay hindi, tanging wikang Ingles o Filipino lamang ang pwedeng gamitin ng mga mambabatas. Sa isang iglap, kung hindi man agad naunawaan ng kapulungan ang implikasyon ng desisyong ito, ay nawalan ng boses ang milyun-milyong katutubo at kahit ilang bahagi ng populasyon sa mga probinsiya na hindi pamilyar sa dalawang wikang nabanggit.

Mapapaisip tayo kung bakit sa kabila ng mabilis na pag-abante ng teknolohiya sa komunikasyon ay hindi nakabuo ang Kongreso ng programa kung paano isasalin ang deliberasyon sa plenaryo sa iba’t ibang wika ng bansa. Ilang dekada na itong praktika sa United Nations at puwede na itong gawin sa Pilipinas nang hindi mangangailangan ng malaking pondo o kumplikadong makinarya.

Ang laking pagkakaiba ng debate sa plenaryo at pagdinig sa mga komite kapag wikang Filipino ang ginagamit sa palitan ng mga diskurso. Mas ramdam ang emosyon, nakapokus ang atensyon ng mas marami, walang pagpipigil ng saloobin at iniisip, at tuwirang naipaparating ang mensahe sa publiko lalo na kung ito’y pinapalabas sa TV, radyo, o internet. Pero kadalasan, ang sesyon ay pinapaandar ng mga salitang tunog teknikal at dayuhan sa pandinig ng kamalayang Pilipino. Hindi rin kaaya-ayang pakinggan ang mga kalahok sa debate na tila humahabi ng mga argumentong walang salalayan sa rason o nagpapanggap na may alam sa sinasabi kahit baluktot na ang mga binibitawang salita sa wikang Ingles.

Hindi nakapagtataka kung bakit kaunti ang nagpapahayag ng interes kung ano ang nangyayari sa Kongreso. Bukod sa kontra-mamamayan ang karamihan sa mga batas na pinapasa rito, ang daluyan ng impormasyon ay sinasala ng wikang hindi mabilis na tumatagos sa pang-unawa ng publiko.

Hindi rin nakakagulat kung bakit napakadali para sa Kongreso ang maghain ng mga panukalang batas o resolusyong nagsasantabi sa wikang Filipino habang pinalalaki ang ambag ng wikang Ingles sa edukasyon ng mga kabataan. Ang ilan ay nagpapakalat pa nga ng lason sa kaisipan ng publiko tulad ng mga argumento na hindi pormal na wika ang Filipino dahil humihiram ng salita o kaya nama’y imposible itong gamitin sa pagtuturo ng agham at matematika.

Paano isusulong ang wikang Filipino kung ang mga kinatawan ng mamamayan ang mismong nangunguna sa pagpapababaw at pagpapalabnaw ng pagmamahal sa sarili nating kultura?