Pooled Editorial | Ipahayag ang Katotohanan, Sugpuin ang Kapangyarihan

0
212

NABAGO at nakontrol na ng pamunuan ni Rodrigo R. Duterte ang diskurso publiko sa mga usaping bayan sa paraang magaspang at lampas sa matwid. Ang malungkot na resulta nito: Nasasakal at nasa panganib ang kalagayan ng press freedom at people’s right to know.

Sa unang 22 buwan niya sa poder, kaduda-dudang karangalan ang nakamit ni Ginoong Duterte — 85 iba’t-ibang kaso ng pag-atake at pagbanta sa mga karapatan ng lahat ng Pilipino na, ayon sa Konstitusyon, dapat walang pasubali at lubos na igalang.  Ang 85 kaso ay higit na mas malaki sa bilang na naitala sa ilalim ng apat na pangulo na sinundan ni G. Duterte.

Hiwalay man o magkasama, ang 85 kaso ay nagbabadya ng higit na panganib sa mga taga-media sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Mula Hunyo 30, 2016 hanggang Mayo 1, 2018, kabilang sa mga kasong ito ang pagpatay sa 9 mamamahayag, 16 na kasong libel, 14 na kaso ng online harassment, 11 death threat, 6 na kaso ng tangkang pagpatay, 6 na kaso ng harassment, 5 kaso ng intimidation, 4 na kaso ng website attack, 4 na kaso ng physical asault, pagsasawalang bisa ng registration o pag-ipit ng prankisa, panlalait, strafing, at surveillance ng mga pulis sa mga reporter at tanggapan ng media.

Malinaw sa mga kasong ito ang kakayahan ng pamunuan na dominahin ang pulitika at diskursong bayan, sa tulong ng mga alyado at appointees ni G. Duterte, at ng kanilang mga bayad na kakampi online at offline. Pang-iinsulto, panlalait, at kung ano-anong bintang ang walang habas nilang ibinabato sa sinumang kritiko o mapanuring nag-uulat ng balita.

Kapos at di-epektibo ang aksyon ng mga ahensiyang gobyerno para lutasin ang mga kasong ito, sa gitna ng marahas at mapanakot na pakikitungo ng administrasyon sa media.

Samantala, ang Pangulo mismo at kanyang Gabinete, pati na ang House of Representatives, ay nagtakda at nagpanukala na ng kakaibang paghihigpit sa access ng media sa mga news events. Ang Kongreso at ibang ahensiya ng gobyerno, pinawalang bisa or inaantala ang registration at renewal ng prangkisa na kailangan sa operasyon ng ilang kumpanya sa media.

Ang pagkilos at opisina ng ilang reporter at media agencies, isinailalim na sa surveillance ng pulisya.

Sa mga pag-atake at pagbabantang ito, hindi lang ang media ang minamaliit at pineperwisyo. Nalalagay din sa peligro ang kakayanan ng mga mamamahayag na bigyan ng sapat at malayang impormasyon ang mga mamamayan, ukol sa mga isyu at usaping apektado ang lahat.  Ang pagka-uyam sa anumang uri ng pamumuna ay malinaw na gawi ng pamunuang Duterte. Ang ibang mga lider, sensitibo rin sa mga puna pero bukod-tangi si G. Duterte na may dagdag pang pananakot na ang mga kritiko, mahaharap sa parusang o masamang kaganapan.

Nangako ng pagbabago si G. Duterte. Marapat lang na ipaalam niya sa taumbayan kung ano at saan may pagbabago nang nagaganap, at kung ito ay nagdulot ng mabuti o masama. Magbahagi ng sapat at tamang impormasyon sa mga mamamayan at botante ukol sa mga iniluklok nila sa poder, iyan ang tungkulin ng media sa isang demokrasya.

Sa ngayon, taliwas ang sitwasyon sa ilalim ng pamunuan ni G. Duterte. Tintatakot, binabantaan ng parusa, napipigilan ang media na mag-ulat ng sapat at malaya ukol sa malalaking usapin. Kabilang dito ang giyera kontra droga, mga alegasyon ng korapsyon, mga tanong ukol sa yaman ng pamilya Duterte, ang pagkubkob sa Marawi, ang debate sa Charter change at pederalismo, ang shutdown sa Boracay, at higit sa lahat, ang mga pagkilos ng Tsina sa West Philippine Sea.

Pananakot ang kapangyarihan na itinataguyod ng administrasyong Duterte. Pagbanta at pag-atake sa mga kritiko, mula mismo sa tanggapan ng Pangulo. Kahit man may nakatakdang limitasyon sa Konstitusyon. At tila isang mensahe lang ang nais ipaabot nito sa media: Matakot kayo, matakot kayo ng lubos.

Ngunit tulad ng takot, ang tapang ay nakahahawa rin. At hindi tulad ng pagkatakot na nakababawas, ang pagkamatapang na umusbong sa  kapangyarihan ng katotohonan at pagkakaisa ay nakadaragdag, ng lakas ng loob.

Magkaisa para sa press freedom at demokrasya, magpahayag ng katotohanan at suriin ang nasa kapangyarihan — ito ang serbisyong inaasahan ng lahat sa media.

At sinuman ang Pangulo, tungkulin ng nagkakaisang media na itaguyod ang karapatan ng lahat ng Pilipino na makalaam at magkaroon ng tama, sapat, at malayang impormasyon ukol sa mga usaping bayan, ng walang tawad na tapang at pagkakaisa.

Ang pooled editorial na ito ay inilabas ng iba’t ibang media organization sa okasyon ng World Press Freedom Day

The post Pooled Editorial | Ipahayag ang Katotohanan, Sugpuin ang Kapangyarihan appeared first on Altermidya.