Prangkisa sa pamamahayag

0
505

“Mahalaga ang papel ng broadcast media sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.”

Iyan ang unang linya sa House Bill 4997 ni dating Isabela Rep. Giorgidi B. Aggabao, noong taong 2014. Ang panukalang ito’y para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN Corp., anim na taon bago ang inaasahang pagkapaso ng prangkisa, bago ang kasalukuyang hinaharap natin.

Paano tayo umabot dito?

Sa usapin ng prangkisa ng ABS-CBN, may ilang malilinaw na imahe.

Una rito ang 70 miyembro ng House of Representatives o Kamara ang bumoto laban sa panukalang renewal sa prangkisa ng ABS-CBN Corp. na pinakamalaking korporasyon ng broadcasting sa bansa.

Sunod dito ang mas malaking grupo ng tao: mahigit 11,000. Iyan ang bilang ng mga manggaagwa ng ABS-CBN na ngayo’y nanganganib ang hanapbuhay.

Ikatlong imahe na tumatak sa alaala ng maarami ang pagdilim ng mga telebisyong nakatapat sa channel ng ABS-CBN ganap na 7:52 ng gabi, Mayo 5. “In the service of the Filipino, now signing off.”

May ilang mukha rin sa bahagi ng kasaysayan na ito ang hindi ganoon katampok. Nariyan ang imahe ng Technical Working Group (TWG) na bumuo ng resolusyong inaprubahan ng 70 miyembro ng Kamara. Ang resolusyong nagsasabi na hindi dapat aprubahan ang prangkisa ng ABS-CBN ay naisulat nang wala pang 24 oras sa kabila ng higit 100 oras ng mga hearing at makakapal na dokumento, pagpupuna ni Albay Rep. Edcel Lagman.

Upang maintindihan nang lubos ang bahagi na ito ng kasaysayan na higit pa sa mga piling imahe na iyan, kailangan masagot ang ilang katanungan.

Bakit kailangan ng prangkisa?

Walang prangkisa sa Kongreso ang ibang news medium tulad ng broadsheet at tabloid na mga diyaryo. Ano ang kinaiba ng ABS-CBN at ng iba pang broadcasting network tulad ng GMA? Nariyan ang Act No. 3846 o Radio Control Law of 1931, batas na unang naisulat bago pa ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dito nakasaad na kailangan ng prangkisa mula sa Kongreso bago makapagtayo at makagamit ng commercial radio broadcasting station.

Sa pag-apruba ng prangkisa naitatalaga o naipapanatali ang hawak na frequency ng isang broadcasting corporation. Frequency ang kailangan para makapaghatid ang mga estasyon ng TV signal papunta sa milyun-milyong telebisyon ng mga bahay. Limitado ang mga frequency sa bansa kaya naman inakong tungkulin ng gobyerno ang pangangasiwa sa mga frequency na ito.

Kaya naman sa kabila ng hindi naaprubahang prangkisa, nakakapaglabas pa rin ng programa ang korporasyon gamit ang kanilang mga cable channel tulad ng ABS-CBN News Channel o ANC, Cinema One, at iba pa. Nariyan rin ang social media channels at ang iWant.

Ganumpaman, kapansin-pansin ang pagkawala ng brodkast na mas abot-kaya tulad ng radyo. Ito ang isa sa mga ipinaglalaban ng mga tagasuporta ng ABS-CBN at Kalayaan sa pamamahayag: paano na ang mga kabahayang nakadepende sa mga channel na ngayo’y nananatiling tahimik?

Muli, paano makakarating dito ang mga impormasyon at programa?

Kapangyarihan at responsabilidad ng Kamara

Hindi pa naihahalal si Pangulong Duterte nang ipanukala ni dating Isabela Rep. Aggabao ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN. Hindi ito nakalusot sa committee level. Naulit ito noong 2016, dala ang panibago na namang numero, panibagong house bill. Hanggang committee level lang.

Taong 2017 nagsimula ang mga atake ng pangulo sa korporasyon dahil sa mga advertisement niya noong tumatakbo pa lng siya na aniya’y hindi naipalabas ng ABS-CBN. Giit ni Carlo Katigbak, chief executive officer ng ABS-CBN, ito’y dahil sa kapos na airtime. Nagpaabot ang korporasyon ng refund na hindi na rin tinanggap ng pangulo.

Rurok na siguro ng mga atake ni Duterte ang 2019 nang tahasang sabihin ng Pangulo na “ang inyong franchise, mag-end next year. If you are expecting na marenew yan, you’re out.” Sinundan pa niya ito ng pahayag na tila nagpapakita ng kontrol niya sa Lehislatura: “I will see to it that you’re out” (“Sisiguruhin kong mawawala kayo sa ere”).

Giit ngayon ni Presidential Spokesperson Harry Roque, walang pinapanigan ang pangulo sa isyu — taliwas sa mga pahayag ni Duterte.

Samantala, tila pinaasa ng mga alyado ni Duterte sa Kamara ang ABS-CBN. Pebrero nitong taon, sabi ng Espiker ng Kamara at 2016 running mate ni Duterte na si Alan Peter Cayetano, hindi pa raw maasikaso ng Kamara ang prangkisa ng ABS-CBN. “Hanggang March 2022 ay p’wede silang mag-operate eh.”

“Huwag kayong mag-alala dahil hindi naman mago-off the air ang inyong mga paboritong show,” dagdag niya.

Kamara ang sinisi ni Solicitor General Jose Calida nang pukulan ng kritisismo ang National Telecommunications Commission para sa cease and desist order laban sa ABS-CBN Corp.

Sa ilalim ng batas, nasa Kamara ang pangunahing kapangyarihan sa pagdedesisyon ukol sa pribadong mga prangkisa. Ito nga ang puntong inilalaban ni Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta. “Dapat respetuhin ang kalooban ng Kongreso,” giit niya. Litaw sa pahayag niyang ito na hindi mahalaga ang mga “facts of the case” o mga datos ng kaso. Ang masusunod pa ri’y ang gusto ng mga alyado ng Pangulo.

“Malinaw ang binanggit na resource persons sa iba’t ibang regulatory agencies (na) walang napatunayang pagkakasala ang ABS-CBN,” giit ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate. Halimbawa, sinabi na mismo ng Department of Justice na Filipino citizen si ABS-CBN chairman emeritus Gabby Lopez. Ito ang unang isyung nilista ng TWG sa resolusyong di-pag-apruba sa ABS-CBN.

“Sa totoo, hindi pa natutugunan nang may diin at linaw ng Korte Suprema ang mga isyung pumapalibot sa mga dual citizen at ang 100% Filipino requirement para sa pagmamay-ari ng mass media,” ayon sa resolusyon, “pero dahil ang kapangyarihan ng plenaryo at pagdedesisyong nakasaad sa Konstitusyon ay nasa Kamara, Kamara na ang bahala sa interpretasyon.”

Bukod dito, binanggit rin Zarate ang sinabi ng Securities and Exchange Commission (SEC) na walang naging paglabag ang ABS-CBN sa pagbebenta ng Philippine Deposit Receipts (PDR). Giit ng ABS-CBN, naaprubahan naman ng SEC at ng Philippine Stock Exchange ang mga PDR.

Nariyan rin ang Bureau of Internal Revenue na nagsabing regular na nagbabayad ng buwis ang korporasyon.

“Walang napatunayang pagkakasala ang ABS-CBN,” giit ni Zarate.

Sa usapin ng pangangalaga sa karapatan ng mga manggagawa nito, ipinangako nitong aayusin ng korporasyon ang pagreregularisa sa mga puwedeng maregularisa. Tumestigo naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) na gumagawa naman daw ang ABS-CBN ng hakbang para rito.

Ayon sa DOLE, lumabas sa kanilang inspeksiyon na may paglabag na nagawa ang ABS-CBN pero natugunan daw ng kompanya ang mga nasabing paglabag.

Para naman sa mga grupo ng mga manggagawa, kailangan ngang mas kilalanin ng korporasyon ang karapatan ng mga manggagawa nito, sa regular na trabaho, nakabubuhay na sahod, pag-uunyon, atbp. Pero hindi ito dapat gawing dahilan para itanggal sa ere ang ABS-CBN.

Isyu ba ito sa kalayaan ng pamamahayag?

Samantala, isa sa pangunahing idinadaing ng mga grupo ng karapatang pantao at midya: Ang pagbasura sa prangkisa ng kompanya ay pagyurak sa karapatan sa pamamahayag na ginagarantiya dapat ng Saligang Batas.

Igiit man ng Kamara na isyu lang daw ito ng prangkisa at mga alegasyon ng paglabag sa batas.

Pero taliwas ito sa mga sinasabi ng mga kongresistang kontra sa prangkisa.

Isa na rito si Marcoleta. “Patayan dito, patayan doon. Wala man lang ibinalita na ‘o, yung Sagip party-list ni Cong. Rodante Marcoleta nagbigay po ng bigas,” sabi niya sa hearing noong Hulyo 9. Sa madaling salita, ang inirereklamo ni Marcoleta ay hindi lumalabas sa news coverage ng kompanya ang kanyang party-list.

Si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor naman, nagsabing “siguro wala na muna yung sa News and Public Affairs Division not to silence the News and Public Affairs Division but to allow the Digibox to continue para sa inyong pabor na makalma ko yung aking mga kasama na huwag ipasara ang digibox out of toleration nang hindi mawalan ng trabaho ang mga tao.”

Sinasabi man sa resolusyon ng TWG na hindi puwedeng magbigay ng ruling gamit ang reporting ng ABS-CBN alang-alang sa prinsipyo ng kalayaan ng pamamahayag at “self-regulation of media,” naging malinaw sa marami ang pagkakaintindi ng mga alyado ng Palasyo sa tungkulin ng mga alagad ng midya. Hindi tungkulin ng midya na tiyaking natutuwa ang mga kongresista sa pagbabalita nito. Ang tungkulin nito, maghatid ng balita, imporasyon at opinyon na kailangang malaman ng madla — gusto man ito o hindi ng mga nasa kapangyarihan.

Sa madaling salita, hindi makinarya para sa mga interes at pagpapaganda ng imahe ng mga pulitiko ang midya.

Kung kaya dapat ipaglaban ang karapatan ng mga mamamayan, hindi lang sa pagbabalita ng ABS-CBN, kundi sa kalayaan sa pamamahayag mismo. Sabi nga ng Altermidya, “hindi matatapos sa Kongreso ang laban para sa kalayaan sa pamamahayag at karapatan ng taumbayan makatanggap ng de-kalidad na impormasyon.”