Protesta at kawalan ng trabaho

0
193

Inuulit lang niya ang matagal nang sinasabi ng mga nasa gobyerno, lalo na ng mga nasa pulisya at militar, hinggil sa lumalabang mga manggagawa.

“Paano nila masasabing kontra-manggagawa kami (mga pulis)? Baka sila ang kontra-manggagawa,” sabi ni Philippine National Police Chief Gen. Oscar Albayalde, sa isang press conference sa Kampo Crame noong Abril 29.

Sabi ni Albayalde, mga miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang dahilan ng kakulangan ng trabaho sa bansa. “Bakit po ba umaalis ang mga investors sa atin? Papasukin ng KMU, i-i-instigate ’yung unyon, at magrarali sila ’Yung investor mawawalan ng gana, uuwi sa kanila,” sabi ng heneral.

Nagreresulta umano ang mga protesta ng KMU sa pagkawala ng libu-libong trabaho.

Reaksiyon ang naturang press conference ni Albayalde sa inilabas ng KMU na “Anti-Worker Matrix” noong nakaraang Sabado, Abril 27. Dito, makikita si Pangulong Duterte bilang sentro ng paglala ng kalagayan sa paggawa sa bansa. Kasama rin sa matrix ang mga miyembro ng gabinete tulad ni Budget Sec. Benjamin Diokno, ang tagapagsalita ng pangulo na si Salvador Panelo, ang mga kandidato ng administrasyon sa pagkasenador na sina Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher “Bong” Go, at iba pa.

Kasama rin sa naturang matrix ang mga opisyal ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP). Pati si Albayalde mismo.

Kober ng Mayo 3 isyu ng Pinoy Weekly.

Kober ng Mayo 3 isyu ng Pinoy Weekly.

Dati nang paninira

Sa totoo lang, inuulit lang ni Albayalde ang matagal nang sinasabi ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na ng mga opisyal ng PNP at AFP: na kung walang protesta ang organisadong sektor ng mga manggagawa, lalo na ang mga militante, umaasenso na sana ang bansa.

Sa esensiya, isinisisi nila sa kolektibong pagkilos at paggiit ng karapatan ng mga manggagawa ang kawalan ng kaunlaran sa bansa.

Pero makikita mismo sa datos ng gobyerno na sa kabila ng mga polisiyang neoliberal ng administrasyong Duterte, tumitindi ang kawalan ng trabaho o unemployment sa bansa.

“Makikita mismo ito sa datos ng gobyerno. Makikita sa datos ng Philippine Statistice Authority (PSA) na bumagsak ang bilang ng nakaempleyong Pilipino mula 41.8 milyon noong Enero 2018 tungong 41.4 milyon noong Enero 2019,” sabi ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Ito umano ang ikalimang taon lang na bumaba ang bilang ng nakaempleyong manggagawa sa Pilipinas matapos ang diktadurang Marcos. Ayon sa Ibon Foundation, bumaba ang employment ng bansa nang 529,000 noong 1997. Noong 2005, bumaba ito nang 270,000. Noong 2014, bumaba nang 1.5 milyon. Noong 2017, bumaba nang 13 milyon, at nitong 2019, bumaba nang 387,000.

Sa kabila umano ito ng di-napuputol na pag-akit ng iba’t ibang administrasyon ng dayuhang mamumuhunan para magnegosyo sa Pilipinas. Sa ilalim ng rehimeng Duterte, kung kailan naganap ang dalawang pagbaba ng empleyo, naging masugid at agresibo pa ang gobyerno sa pag-akit ng mga mamumuhunang Tsino.

Ipinapakita ng datos na ito, ayon sa KMU, na hindi nagreresulta sa pagkakaroon ng dagdag na trabaho sa bansa ang dayuhang pamumuhunan. Hindi rin dahilan ng pagbaba ng empleyo sa bansa ang sama-samang mga pagkilos ng KMU.

Ang salarin, ayon sa Ibon Foundation, ay ang kawalan ng kaunlaran sa agrikultura. Noong 2018, tumala lang ng 0.8 porsiyentong pag-unlad ang sektor ng agrikultura sa bansa, ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon. Samantala, kalakhan ng foreign investments, lalo na sa panahon ng Build, Build, Build na programa ni Duterte, ay nakatuon sa imprastraktura sa mayayaman o mauunlad nang mga sentrong bayan at lungsod.

At kalakhan ng mga imprastrakturang ito ay nakatuon din para sa mas madulas na daloy ng dayuhang negosyo sa bansa.

Walang interes lutasin

“Mukhang halos walang interes ang administrasyong ito na baligtarin ang trend (sa agrikultura),” sabi ni Africa. “Halimbawa, Ang P49.3-Bilyong badyet sa departamento ng agrikultura na panukala ng Kongreso ay mas maliit nang P1.4-B sa P50.7-B badyet noong 2018.”

Sa kabilang banda, matagal nang ipinapanukala ng KMU ang paglilikha ng sapat na trabaho sa mga mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng malakas na suporta ng gobyerno sa agrikultura, gayundin sa pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon.

“Nagresulta ang matinding paggiging palaasa natin sa dayuhang pamumuhunan sa pandarambong ng ating mga rekurso at pagsasamantala ng ating lakas-paggawa,” sabi pa ni Labog. “Ang gusto ng mga manggagawa ay paglikha ng trabaho na tutugon sa pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino sa halip na malalaking dayuhang negosyo.”

Hindi lang ang mga militante at KMU ang nagsasabi nito. Maging ang mga tradisyunal o burges na ekonomista, halimbawa, ng World Bank, ay may pag-amin na na sa pamamagitan lang ng masusing distribusyon ng lupaing agrikultural at pagtatatag ng sariling batayang mga industriya malulutas ang kahirapan at kawalan ng trabaho sa iba’t ibang bansa.

“Iniluwal ng 39 taon ng militanteng pakikiaka ng KMU ang di-mabilang na mga tagumpay sa dagdag sahod, regularisasyon at pagtataguyod ng demokratikong mga karapatan (ng mga manggagawa at mamamayan),” sabi pa ni Labog.