Pulitika ng pagmamaneho

0
167

Mahigit isang dekada ko nang minamaneho ang sasakyang mahigit dalawang dekada na ang edad.

Kinaiinisan tuwing nasisiraan noon pero maaasahan kahit luma na ngayon. Iba pa rin ang pagkakagawa ng mga sasakyan kasi noon dahil sadyang matibay pa rin ngayon. Tulad ng malalim na pagsusuri sa pambansang kalagayan, kailangan lang ng ibayong pagbabantay para masiguradong maihahatid ka sa patutunguhan.

Sa gitna ng karumihan at kaguluhan sa ating politika, tayo’y magnilay-nilay sa kalinisan at kaayusan ng aking Vitara.

Suzuki. JLX. 1.6L engine. 4 cylinders. 4WD on demand. ABS. 4 speed. Matic. Sa gitna ng sangkatutak na spesipikasyon, isang bagay lang ang dapat malaman: Nakakaya pa nitong makabiyahe mula Maynila hanggang Bikol.

Nitong nakaraang Semana Santa, umalis kami ng Malate, Maynila ng bandang 4:00 ng hapon at dumating kami sa Tabaco, Albay bandang 10:00 ng umaga kinabukasan. Opo, mga 18 oras ang biyahe pero siyempre nama’y may pahinga – tatlong oras na pagkain ng hapunan at almusal, tatlong oras na pansamantalang pag-idlip, ilang minutong paghinto para magpakarga ng gasolina.

Mainam na nasa kondisyon ang sasakyan para sa ganitong “pamatay” na biyahe. Biro nga ng may-ari ng talyer na pinagdalhan ko ng Vitara para linisin ang aircon at palitan ang fan belt at alternator belt, “Penitensya na ang pagmamaneho mo sa Bikol!”

Totoo namang kalbaryo ang mahabang pagmamaneho. Hindi lang ito dahil sa biyaheng 500 kilometro. Nariyan din ang maraming lubak at sirang lansangan. Kailangan pa bang ipaalala ang matinding trapik sa ilang lugar kahit na dis-oras ng gabi? Ah, Semana Santa kasi! Mas lalo pang tumindi ang dati nang nakakainis na trapik.

Tandaan rin natin ang mga kalsadang hindi naiilawang mabuti sa pagsapit ng gabi kaya kailangang maging maingat at baka makasagasa. Makikipot na rin ang ilang bahagi ng naturingang “national highways.” Ginawa kasing paradahan ng ilang residenteng sa sobrang dami ng pera ay ginawa nang garahe ang kalye. Alam kaya nilang ang lansangan ay hindi ekstensyon ng bahay nila?

Sa probinsya, kapansin-pansin din ang maraming magsasakang nagbibilad ng palay sa kalye. Siyempre, kailangang iwasan ang mga nakabilad kaya ibayo pang pag-iingat ang ginagawa ng mga motorista. Pero hindi tulad ng mga walang konsiderasyong may-ari ng sasakyan na wagas kung makaparada sa kalye, alam nating lahat na napagkakaitan ang mga magsasaka ng suporta mula sa gobyerno.

Kung walang pasilidad para sa kanilang gawain sa pagsasaka tulad ng pagbibilad ng palay, ano pa ang gagawin nila? Kung tutuusin pa nga, ayaw nilang magbilad ng palay sa kalye dahil siguradong durog ang mga ito kapag nadaanan. Hindi na nga nila kontrolado ang matinding ulan o init na puwedeng makasira sa kanilang ani, siyempre’y ayaw nilang mawala sa kanilang kontrol ang kanilang pinagkakaingatang palay.

Ito marahil ang magpapaliwanag kung bakit may mga pagkakataong literal na dinadala sa kalye ng mga magsasaka ang kanilang sigaw para sa makabuluhang pagbabago. Nagmamartsa sila para ilantad ang mga pangarap nilang dinurog ng mga polisiya’t programang nagsisilbi dapat sa kanila pero pinapakinabangan ng iba pa. Ang mga politikong nagsasabing kakampi nila sa oras ng elektoral na kampanya ay nagiging kaaway kapag nasa puwesto na. Posible ngang ang magagara nilang sasakyan ang dumudurog sa mga nakabilad na palay habang papunta sa upuan ng kapangyarihan.

Pawisang dumarating ang mga magsasaka sa kilos-protesta para hilinging makausap ang mataas na opisyal na nasa loob ng malamig na opisina. Kadalasan, hindi sila haharapin kaya hanggang sa kalye lang sila nakakapagpahayag ng kanilang saloobin. At may mga pagkakataon pang ang mismong kalye ay pinagkakaitan. Puwersahan po kasi silang pinapaalis.

Tunay na kalbaryo ang pagmamaneho pero mas matindi ang problema ng mga magsasaka. Sinisimbolo ng mga nakabilad na palay sa kalye ang kanilang abang kalagayan – kinaiinisan ng mga hindi makaintindi sa kanilang pinagdaraanan, basta lang sinasagasaan ng mga makasariling walang pakialam.

Mainam na makapagbiyahe gamit ang luma pero nasa kondisyon pang sasakyan para makita ang mga produkto ng daan-taong sakahan. Sa isang banda, pisikal na iniiwasang madurog ang mga nakabilid na palay. Sa kabilang banda, naaalalang may mga magsasaka pa pala.

Sa isang bansang agrikultural, dapat na pinapahalagahan sila. Pero ano ang nangyayari? Literal silang pinagkakaitan ng espasyo mula sa lupang sinasakang dapat na kanila hanggang sa kalyeng dapat na lunsaran ng protesta pero nagiging lugar ng mas matinding pagpaparusa.

Tapos na ang Semana Santa pero tuloy pa rin ang kalbaryo. Magsilbi sana itong mahalagang aral sa araw-araw na pagmamaneho.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com